Lubusan Na Nating Iwan Ang Sanlibutan At Ang Mga Masasamang Gawa Nito Upang Makatiyak Tayo Ng Ating Kaligtasan

May mga umanib sa Iglesia na tinalikuran o iniwan ang iba’t ibang bagay sa kanilang buhay: tulad ng trabaho, kamag-anak, katipan, asawa at ibang mahal sa buhay. Ang lahat ay upang makasunod sa kalooban ng Diyos at sa ipinag-uutos ng Panginoong Jesucristo; akay ng malinis na layuning maglingkod ng matuwid at may katapatan sa Diyos dahil sa pananalig na ito ay maghahatid sa tunay na buhay. Bawat isa sa atin ay may kani-kaniya ring karanasan sa pagiging Iglesia ni Cristo. Kaya pag-aralan natin kung nagawa nating iwan ang sanlibutan ngayong tayo ay Iglesia ni Cristo na.

Bakit dapat nating iwan nang lubusan ang sanlibutan at ang mga masasamang gawa nito, ayon sa mga apostol?

 

I Juan 2:15-17 MB

Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, at ang karangyaan sa buhay ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito: ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

 

May mga napaanib sa Iglesia na hindi pa rin lubusang maiwan ang sanlibutan. Bakit? Hindi pa malinaw sa kanila na ang sanlibutan ay mapaparam at ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Diyos. Tiniyak ni Apostol Juan na ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, ang karangyaan sa buhay ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan.

 

Kailan mapaparam ang sanlibutan? Bakit tiyak na mapaparam ito at sino ang madadamay sa kapahamakang ito?

 

Zefanias 1:14-15 at 17-18 MB

Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh, at mabilis na dumarating;  Kapaitan ang dulot ng araw na iyon; ang matapang ay mapapaiyak nang malakas. Iyon ay araw ng kapootan, kaligaligan at pagdadalamhati, araw ng pagkasira at pagkawasak, araw ng kadiliman at kalungkutan, araw ng lagim at makapal na ulap. pahahatdan ko ng matinding kalungkutan ang mga tao, anupa’t lalakad sila na parang bulag, sapagkat sila’y nagkasala laban kay Yahweh; mabubuhos na parang tubig ang dugo nila, at ang bangkay nila’y mangangalat na parang basura. Hindi sila maililigtas ng kanilang salapi o ginto sa araw na yaon ng poot ni Yahweh. Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughong poot ang buong sanlibutan; sapagkat bigla niyang lilipulin ang lahat ng nananahan sa lupa.

 

Ang lahat ng makasalanan ay kasamang mapaparam ng sanglibutan. Kaya dapat nating iwan ang sanlibutan para huwag tayong maramay sa parusa ng Diyos dito sa araw ng paghuhukom.

 

Saan dapat malipat ang mga taong iniwan ang sanlibutan upang makatiyak ng kaligtasan ayon sa Biblia?

 

Colossas 1:12-14 SNB

Lagi nawa kayong magpasalamat sa Ama dahil ginawa Niya tayong karapatdapat na makabahagi sa mamanahin ng mga kabilang sa Kanyang kaharian ng kaliwanagan. Iniligtas tayo ng Dios mula sa kapangyarihan ng kadiliman, at inilipat tayo sa kaharian ng Kanyang minamahal na Anak. Dahil sa dugo ni Cristong nabuhos, tayo’y natubos na, at napatawad na ang ating mga kasalanan.

 

Alin ang pinatutunayan ng Biblia na natubos ng dugo ni Cristo?

 

Gawa 20:28 Lamsa

Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng espiritu santo na mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo

 

Kaya kailangang iwan ng mga tunay na kay Cristo ang masamang sanlibutan upang maligtas.

Papaano natin makikilala ang kaanib sa Iglesia Ni Cristo na lubos nang iniwan o wala na sa masamang sanlibutan?

 

Efeso 2:2-3 MB

Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo’y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip.  Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

 

Hindi tayo dapat na tumulad sa masasamang gawain ng mga taga sanlibutan: nabubuhay sa bisyo at kalayawan, tulad ng paglalasing, pagsusugal, pakikiapid, pakikipag-live-in, at iba pang imoral na gawain. Hindi lang kasi ang pagsamba sa diyus-diyusan, o ang maling relihiyon, ang maling pagkilala sa Diyos at kay Cristo ang dapat iwan sa sanlibutan kundi pati na ang masasamang gawa nito. Ang pagka-makasarili o pagiging sakim, ang pang-aapi sa kapuwa, pagnanakaw at iba pang katulad nito ay hindi dapat na makita sa mga tunay na Iglesia ni Cristo.

 

Papaano pa natin makikilala ang taong lubusan nang iniwan ang sanlibutan at ang mga bagay nito?

 

Marcos 4:19 SNB

Subalit ang mga alalahanin sa mundo at ang daya ng kayamanan, at ang paghahangad sa maraming bagay, ay nagiging kaagaw ng Salita ng Dios, kung kaya’t hindi ito nagkakabunga sa kanilang buhay.

 

Walang dapat na kaagaw ang Salita ng Diyos sa ating puso. Ang tunay na kay Cristo ay hindi papayag na mahadlangan o mapigilan sa tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Hindi siya papayag na lumilipas ang panahon na wala siyang nagagawang mabuti. Hindi siya papayag na hindi siya nakapagbubunga ng kabanalan. At hindi niya ikatitisod ang mga aral at palatuntunan ng Diyos sa paglilingkod.

Sino ang dapat nating tularan sa kanilang paninindigan sa kahalalan?

 

Hebreo 11:24-26 MB

Dahil sa pananalig sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya’y may sapat na gulang na, na tawaging anak ng prinsesa, na anak ng Faraon. Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. itinuring niyang higit na mahalaga ang pagbabata ng kadustaan dahil sa Mesias kaysa mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakapako ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.

 

Kanino pang paninindigan ang dapat nating taglayin at papaano siya nanindigan sa kaniyang kahalalan?

 

Filipos 3:7-9(a) NPV

Anuman ang aking pakinabang ay inaari ko ngayong kalugihan alang-alang kay Cristo. Higit sa lahat, itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay lalo na kung ihahambing sa kadakilaan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kanya, itinuring kong bale-wala ang lahat ng bagay. Itinuring kong basura ang lahat ng ito makamtan ko lamang si Cristo. at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid ayon sa pagsunod sa kautusan kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo

 

Napakahalaga ng ating pagka-Iglesia ni Cristo. Higit ang halaga nito kaysa kayamanan ng sanlibutan, kaya pakaingatan natin at ilagak natin sa Diyos ang ating pag-asa at pagtitiwala. Iniwan ni Moises ang kaaliwang dulot ng kasalanan, kasama ng kayamanan at kapangyarihan. Si Pablo ay nagmula sa mataas na kalagayan sa lipunan ngunit ito ay itinuring niyang basura lamang. Sa ano nakatuon ang kanilang paningin at pag-asa? Sa gantimpala na nasa hinaharap. Dapat tayong tumulad sa kanila, anoman ang maging puhunan natin sa matuwid at tapat na paglilingkod sa Diyos.

Hindi ba tayo malulugi kung sa Diyos lamang tayo maglalagak ng ating pag-asa?

 

Awit 62:5-8 NPV

O kaluluwa ko, tanging sa Dios makikita ang kapahingahan; ang pag-asa ko’y nagbubuhat sa kanya. Tanging siya ang bato ko’t kaligtasan; siya ang aking muog at di ako mauuga magpakailanman. Nasasalig sa Dios ang aking kaligtasa’t dangal. Siya ang dakilang bato na aking kanlungan Sa lahat ng panahon, magtiwala sa kanya, O bayan; buong puso ninyong iukol sa kanya ang inyong sarili, sapagkat ang Dios ang ating kanlungan.

 

Ano ang katangian kapag sa Diyos tayo nanganlong?

 

Awit 142:1-3(a) at 4-5 MB

Ako ay humingi ng tulong sa Diyos, ako ay dumaing, sa kanya’y lumuhog; Ang aking dinala’y lahat kong hinaing, At ang sinabi ko’y pawang suliranin. Nang ako ay halos wala nang pag-asa, Ang dapat kong gawi’y nalalaman niya. Sa landas na aking pinagdaraanan, Sa aking paligid, nang ako’y lumingon, Wala ni isa man akong makatulong; Wala kahit isa na magsasanggalang Ni magmalasakit na kahit sinuman. Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing, Sa Tagapagligtas, ako’y dumalangin;  pagkat siya lamang ang lunas sa akin.

 

Iwan natin ang lahat ng kasalanan at kapabayaan. Ang pagtalagahan  natin ay ang matuwid at matapat na paglilingkod sa Diyos. Hindi tayo malulugi kapag itinataguyod natin ang mga aral at utos ng Diyos sapagkat lagi Niya tayong sasamahan sa paglalakbay natin sa mundong ito hanggang sapitin natin ang Bayang Banal na ipinangako Niya sa atin.

Leave a comment