Ang Tunay Na Karunungan

Kung pag-aaralan ang kalagayan ng buhay sa mundo ay mapapansin natin na ang maraming mithiin at panukala ng tao  ay nabibigo at nasasadlak sa kasawian.  Bigo ang marami na: mapaunlad ang kanilang pamumuhay at maitatag ang kapayapaan sa mundo.  Nabigo rin ang tao sa paghanap ng lunas sa maraming suliranin ng buhay gaya ng pagsugpo sa kahirapan, karahasan, at katampalasanan.  Ang mga kabiguang ito ay nangyayari sa tao sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng karunungan at kaalaman sa mundong ito.  Ito ay sapagkat hindi naunawaan ng marami ang tunay na karunungan. Kaya, upang magkaroon tayo ng mabuting kapalaran ay dapat nating maunawaan ang tunay na karunungan.

 

Ano ang karunungang ito at sino lamang ang tanging makapagpapakilala nito?

Job 28:23  MB

Ngunit tanging ang Diyos lang ang siyang nakaaalam Kung  saan nga naroroon ang tunay na karunungan.”

 

 

Ayon sa Biblia ang Diyos lang ang nakaaalam ng tunay na karunungan.

 

 

Bakit Siya ang tanging nakaaalam ng tunay na karunungan?

Job 28:24-27 MB

Pagkat abot-tanaw Niya bawat panig ng daigdig.  Nakikita Niya lahat ang ibaba nitong langit.  Ang hangin ay Kanyang binigyan ng lakas.  Hinati ang tubig sa kanya-kanyang sukat.  Itinakda kung saan papatak yaong ulan, At pati na yaong kidlat, tinakdaan n’ya ng daan.  Dito Niya tiningnan at sinubok ang kaalaman Kanya yaong itinatag dahil sa kahalagahan.”

 

 

Nasasawi ang ibang tao sapagkat nalilimutan nila ang Diyos.   Ang akala ng iba ay hindi na nila kailangan ang Diyos dahil matatalino sila at maraming nalalaman.  May mga nagsasabi pa na alam na nila ang lahat ng karunungan sa daigdig.  Ano ba ang pinapanginoon at pinakahahangad ng maraming tao ngayon?  Hindi ba ang salapi o ang kayamanan?  Ipinagmamalaki ng mayayaman na mabibili nila ang lahat ng kailangan nila sa buhay.  Dito na nila ipinapako ang pag-asa at kaligtasan sa mundong ito.

 

 

Alin ang sinasabi ng Diyos na karunungan?

Job 28:28

At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; At ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.”

 

 

Ang pagkatakot sa Diyos at ang paghiwalay sa kasamaan ay karunungan.  Kaya ang taong nabubuhay sa kasamaan ay hindi magtatamo ng tunay na kaalaman sapagka’t ang pagsunod sa mga utos ng Panginoong Diyos ang nagbibigay ng karunungan sa tao.  Ang mga palatuntunan na ibinigay ng Diyos upang ating tuparin ay ikabubuti kaya dapat nating sundin palagi.

         

 

Ang paghiwalay lamang ba sa kasalanan ang katunayang natamo ng tao ang karunungang kaloob ng Diyos?

Awit 111:10

Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; May mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos.  Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.”

 

 

Ang may pagkaunawa at kaalaman ay ang mga namamalagi na sumusunod sa mga utos ng Diyos.  Huwag natin itong lalabagin dahil ang Panginoong Diyos ang una nating sinusuway kapag hindi natin ito sinunod.

 

 

Ayon sa Biblia, sino ang kikilalaning pantas at maalam?

Deuteronomio 4:5-6

Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin.  Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka’t ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.”

 

 

Ang naturuan ng mga palatuntunan at mga kahatulan na mula sa Diyos at nagsasagawa nito ang tunay na nagtataglay ng karunungan at kaalaman.  Mas dakila ang Kaniyang karunungan kaysa karunungang natamo ng mga taong dalubhasa.

 

 

Ano ang katangian ng mga tao na may mga palatuntunan ng Diyos?

Deuteronomio 4:7-8

Sapagka’t anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo’y tumawag sa kaniya?  At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito?”

 

 

Ang tumanggap ng palatuntunan na mula sa Diyos ay tunay na napakalapit sa Kaniya. Ang sumusunod sa Kaniya ay may matuwid na hatol na alinsunod sa buong kautusan.

 

 

Sa panahong Cristiano, paano malalaman ang karunungan ng Diyos?

Efeso 3:10

Upang ngayo’y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios.”

 

 

Mahalaga ang tunay na Iglesia sapagkat sa pamamagitan niya ay ipinakikilala ang karunungan ng Diyos.  Kaya, ang wala sa tunay na Iglesia ay hindi makauunawa ng karunungan ng Diyos.

 

 

Ano naman ang sinasabi ng Biblia sa mga humahamak sa Kaniyang turo?

Kawikaan 1:7

Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: Nguni’t ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.”

 

 

Mangmang ang tawag sa mga humahamak sa Kaniyang turo.  Ito ang mga taong hindi kumikilala sa mga aral na nakasulat sa Biblia.

 

 

Ano ang kanilang kamangmangan?

Roma 1:22, 21

Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,

Sapagka’t kahit kilala nila ang Dios, siya’y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.”

 

 

Hindi nila nakilala at niluwalhati ang tunay na Diyos, bagkus, Siya ay winalang kabuluhan.  Hindi natin dapat na tularan ang mga tao  sa sanglibutan na hindi nakakakilala sa tunay na Diyos.   Sapagka’t lalong magiging mabigat na kasalanan sa harap ng Panginoon Diyos yaong nakakakilala sa Kaniya ngunit nawawalan pa rin Siya ng kabuluhan at hindi Siya niluluwalhati.  Nalaman na ang mga dalisay na aral ng Diyos nguni’t winawalang kabuluhan pa ito sa paraang hindi na ito ibinubuhay.  Tandaan natin:na mangmang ang turing sa kanila ng Panginoong Diyos

 

 

Ano kaya ang kasawiang sasapitin ng mga taong hindi nagpapahalaga sa karunungan ng Panginoong Diyos?

Kawikaan 1:24-30

Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: Aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;  Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, At hindi ninyo inibig ang aking saway: Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: Ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;  Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo.  At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; Pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.   Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; Hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:  Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, At hindi pinili ang takot sa Panginoon.   Ayaw sila ng aking payo; Kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:”

 

 

Malaking kasawian ang sasapit sa mga taong umaayaw sa payo at humahamak sa Kaniyang turo.  Darating sa kanila ang mga sakuna, hirap, at hapis.  At kung sila man ay tumawag sa Diyos upang magpasaklolo, ay hindi sila diringgin ng Diyos.  Kaya, magpakatalino tayo at palawakin natin ang ating kaalaman sa mga salita ng Diyos.

 

Paano natin maipakikita na tayo’y marunong at nakaunawa?

Santiago 3:13 MB

Sino sa inyo ang marunong at nakauunawa?  Ipakita ninyo ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan.”

 

 

Ang tunay na natuto at naging marunong ay hindi sa salita lamang makikilala kundi sa kaniyang gawain at pamumuhay.  Ibinubuhay niya ang aral na itinuro sa kaniya.

 

 

Anu-ano ang hindi dapat masumpungan sa pamumuhay ng taong marunong?

Santiago 3:13-14

Sino ang marunong at matalino sa inyo?  ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.  Nguni’t kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.”

 

 

Alisin natin ang masasamang gawa.  Labanan natin ang anumang gawa na lumilikha ng mga paninibugho at kampi-kampi.  Maging mapagpakumbaba tayo sa harap ng Panginoong Diyos sa paraang tayo ay magpasakop ng lubusan sa Kaniyang mga aral.

 

 

Bakit dapat alisin ang kampi-kampi at paninibugho?

Santiago 3:15-16

Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.  Sapagka’t kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.”

 

 

Ang paninibugho at pagkakampi-kampi ay isipan ng dyablo.  Hindi ito dapat masumpungan sa mga Iglesia ni Cristo.  Huwag sana tayong mapagtagumpayan ng mga lalang ng dyablo.  Ang dyablo ay totoong napopoot sa mga may karapatang maligtas kaya naman lahat ng kaparaanan ay ginagawa niya para tayo ay linlangin.  Dadayain niya tayo para huwag nating masunod ang mga palatuntunan ng ating Panginoon Diyos upang hindi natin matamo ang kaligtasan.

 

 

Paano naman namumuhay ang mga taong matalino?

Efeso 5:15-17 MB

Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay.  Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.  Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.  Huwag kayong mga hangal.  Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.”

 

 

Sinasamantala ng matalino ang bawat pagkakataon upang makagawa ng mabuti.  Lagi niyang sinusunod ang kalooban ng Panginoong Diyos.  Ang pag-iibigang magkakapatid ay isa sa pangunahing utos na dapat nating sundin.  Ang hindi umiibig sa kapatid ay nananahan sa kadiliman at kamatayan – kaya hindi maliligtas.  Kalooban ng ating Panginoong Diyos na makita sa ating mga Iglesia ni Cristo na nag-iibigan bilang magkakapatid kaya dapat natin itong tuparin dahil ito ay makabubuti para sa ating kaligtasan.

 

 

Sa ano dapat manghawak ang tao upang makapamuhay siyang  may katalinuhan sa daigdig?

Kawikaan 28:7

Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak: Nguni’t siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama.”

 

 

Magpakatalino tayo sa pamumuhay at ingatan natin ang mga kautusan ng Diyos. Layuan natin ang mga taong hindi nagpapahalaga sa Kaniyang mga kautusan.  Tayo na naturuan ng tunay na karunungan ang inaasahan Niya na maninindigan sa pagtataguyod nito.  Ang sabi, layuan ang mga taong matatakaw dahil nagbibigay ito ng kahihiyan.  Katawan lamang ba sa pagkain ang ibig sabihin nito?  Lahat ng uri ng katakawan ang sinasabi dito – katakawan sa kapangyarihan, katakawan sa pera, katakawan sa material na bagay.

 

Gaano kapalad ang taong nakatamo ng karunungan ng Diyos?

Kawikaan 3:13-18

Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, At ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.  Sapagka’t ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, At ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.  Mahalaga nga kay sa mga rubi; At wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya, Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, Sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.  Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, At lahat niyang mga landas ay kapayapaan.  Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: At mapalad ang bawa’t isa na nangamamalagi sa kaniya.”

 

 

Mapalad ang mga taong tunay na nagtamo ng karunungan at ng kaunawaan. Makakamit niya ang mabubuting bagay sa kaniyang pamumuhay.  Bibigyan siya ng Diyos ng kapayapaan at lalawig pa ang kaniyang buhay.

 

 

Pakikinabangan ba ng tao sa kaligtasan ang karunungan ng sanlibutan?

I Corinto 1:19-20 MB

Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang katalinuhan ng matatalino.”  Ano ang kabuluhan ngayon ng marurunong, ng mga eskriba, ng mahuhusay na dibatista sa daigdig na ito? Ipinakilala ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan.”

 

 

Ang karunungan ng sanglibutan ay pawawalang kabuluhan ng Panginoong Diyos, kaya hindi ito makapagliligtas sa tao.  Kahit pa siya na ang pinakamatalinong tao sa mundong ito nguni’t kung hindi naman niya kinikilala ang Diyos ay wala pa rin itong kabuluhan.  Mangmang pa rin siya sa paningin ng Diyos.

 

 

Ano ang pangako ng Diyos sa taong magpapahalaga sa karunungang itinuturo Niya, dito pa lang sa buhay niya sa mundo?

Isaias 48:17 MB

Ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Ng Panginoon mong sa iyo’y tumubos: “Ako ay si Yahweh na iyong Diyos.  Tuturuan kita para ka umunlad, Papatnubayan kita saan ka man pumunta.”

 

 

Sa buhay pa lamang na ito ay may pangako na ang Panginoong Diyos.  Hawak Niya ang ating buhay at Siya ang nakakaalam ng ating kapalaran.  Itiwala natin ito sa Kaniya sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga karunungang itinuturo Niya.  Hindi Niya tayo pababayaan kung susundin natin ng buong puso ang mga kautusan Niya.

 

 

Ano ang sinasabi ng Diyos sa hindi sumusunod sa iniuutos Niya?

Isaias 48:18 MB

Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko, Pagpapala sana’y dadaloy sa iyo, Parang ilog na di natutuyo ang agos.  Tagumpay mo sana ay sunudsunod, parang dating ng alon sa dalampasigan.”

 

 

Gusto ng Diyos na padaluyin sa atin ang pagpapala at ibigay sa atin ang pagtatagumpay, kaya hinihikayat Niya tayo na sumunod.  Kung nais natin na umunlad ang ating pamumuhay at anihin ang pagtatagumpay, iwasto natin ang ating pamumuhay.  Sundin natin ang kalooban ng Diyos upang tayo’y Kaniyang patnubayan.  Sa gayon ay hindi tayo mabibigo at hindi tayo masasawi kundi magkakaroon tayo ng mabuting kapalaran.

 

 

Sa Diyos natin iukol ang lahat ng papuri.  Siya ang unang-una nating dapat pasalamatan sa lahat ng mga pagpapala at tagumpay na ating tinatamasa.  Siya ang kilalanin natin ng higit sa lahat at higit kaninuman ng walang kapantay.

 

 

Ang patuloy na pamumuhay sa kasamaan ay hindi kumikilala sa Diyos.  Kasamaan ang pagsuway sa mga dalisay na aral ng Diyos.  Ito ang pagtalikod o hindi pagsunod sa mga pangunahing doktrina at aral na iniwan sa atin ng ating Panginoong Jesucristo.

 

 

Huwag sana nating sayangin ang mga pagpapalang nakalaan sa atin.  Ngayong napakalapit na natin sa hangganan, lalong lumalala ang kasamaan.  Ang pag-ibig ng marami ay nanlalamig.  Ang ating pananampalataya ay dinadalisay na tulad ng ginto.  Doon tayo sumama sa nadalisay na ginto.  Malampasan sana nating lahat ng pagsubok na ating nasasagupa, upang tamuhin ang pangakong kaligtasan.  Isagawa nating tuwina ang maningas at taimtim na panalangin upang ating mapagtagumpayan ang lahat ng mga pagsubok na ating pinagdaraanan.  Tulungan nawa tayo ng ating Panginoong Diyos.

Leave a comment