Chapter 5: Pagkabuhay na Mag-uli

ANINO NG KASAYSAYAN

Kumuha pa tayo ng isang pangyayari na naganap sa panahon ng mga propeta na isa ring anino nang mabuting bagay na darating.

Jonas 1:15-17

“15Sa gayo’y kanilang binuhat Si Jonas, at inihagis sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa kaniyang poot. 16Nang magkagayo’y nangatakot na mainam ang mga tao sa Panginoon; at sila’y nangaghandog ng isang hain sa Panginoon, at nagsipanata. 17At inihanda ng Panginoon ang isang malaking isda upang lamunin si Jonas; at si Jonas ay napasa tiyan ng isda na tatlong araw at tatlong gabi.”

Ang pangyayari ay tungkol kay Jonas, isang propeta na isinugo ng Diyos sa dako ng Ninive upang ipangaral ang mga utos ng Diyos at pagbaliking loob ang mga tao. Ngunit sa halip na magtungo sa Ninive, tumakas si Jonas. Lumusong siya sa Joppe at sumakay sa isang sasakyang dagat patungong Tarsis. Nagpasapit ang Diyos ng isang malakas na hangin – isang unos – sa lakas ay halos masira ang sasakyang dagat.

 

Nalaman ng mga taong kasama ni Jonas na siya ang dahilan ng pagkakaroon ng bagyo dahil ipinagtapat niya ang katotohanan. Sinabi ni Jonas na para tumigil ang bagyo ay kailangang ihagis siya sa dagat. At iyon nga ang ginawa ng mga kasamahan niya sa barko. Tumigil ang unos, pero pinalulon ng Diyos si Jonas sa isang malaking isda. Tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan malaking balyena.

Jonas 2:1-2,10

“1Nang magkagayo’y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Dios mula sa tiyan ng isda. 2At kaniyang sinabi, Tinawagan ko ang Panginoon dahil sa aking pagdadalamhati, At siya’y sumagot sa akin; Mula sa tiyan ng Sheol ako’y sumigaw, At iyong dininig ang aking tinig.

10At ang Panginoon ay nagsalita sa isda, at iniluwa si Jonas sa tuyong lupa.”

Dahil sa pagkakaluwa ng isda kay Jonas, ano ang ibinunga sa Ninive, na nakatakdang parusahan ng Diyos, dahil sa kanilang kasamaan?

 Jonas 3:4-5,10

“4At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. 5At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.

10At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.”

Ang pagkaluwal ng isda kay Jonas sa tuyong lupa ay nagbunga ng kaligtasan sa mga taga-Ninive. Ang pangyayaring ito ay isang anino ng mabuting bagay na darating na ang tunay na larawan ay binanggit ni Apostol Mateo.

Mateo 12:39-41

“39Datapuwa’t siya’y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas: 40Sapagka’t kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao. 41Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagka’t sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito’y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.”

Ang tinutukoy na lalong dakila kaysa kay Jonas ay ang ating Panginoong JesuCristo. Ang pagkakaluwal sa kaniya pagkatapos ng tatlong araw at tatlong gabi sa libingan ay lalong nagdulot ng biyaya sa mga taong nakinig at sumampalataya kay Cristo Jesus. Nilinaw ito ni Propeta Lucas.

Lucas 24:46-47

“46At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; 47At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.”

At kung ano ang mga biyayang tinamo ng mga nagsisi at sumampalataya kay Cristo dahil sa kaniyang pagkabuhay na mag-uli ay tiniyak ni Apostol Pablo.

Roma 6:4-7

“4Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay. 5Sapagka’t kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli; 6Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; 7Sapagka’t ang namatay ay ligtas na sa kasalanan.”

Natiyak natin na ang larawan ng pagkakalulon ni Jonas sa tiyan ng isang balyena at pagkakaluwa sa tuyong lupa na nagbunga ng kaligtasan sa mga tao ng ninive ay ang pagkakalibing naman ng ating Panginoong JesuCristo ng tatlong araw at tatlong gabi, at pagkaraa’y nabuhay na mag-uli na ang ibinunga naman nito ay ang kaligtasan ng mga taong nagsisi at sumampalataya sa kaniya.

Leave a comment