Diyos-diyosan sa Tiyan

DIYOS-DIYOSAN NG TIYAN

(Part 3)

Tangi sa mga diyos-diyosang larawan at sa diyos-diyosan ng puso, kinapopootan din ng Diyos ang mga sumasamba sa diyos-diyosan ng tiyan.

Alin ang masamang kaisipan na kauri ng pagsamba sa diyos-diyosan?

Deuteronomio 8:12-14, 19

“Baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan; At pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami; Ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin;”

 

“At mangyayari na kung iyong kalilimutan ang Panginoon mong Dios, at ikaw ay susunod sa ibang mga dios, at iyong paglilingkuran sila, at iyong sasambahin sila ay aking pinatototohanan laban sa inyo sa araw na ito, na kayo’y tunay na malilipol.”

Sumasamba sa diyos-diyosan ng tiyan ang mga taong nahuhumaling sa mga bagay na panlupa, sakim, mapagmalabis, mapagmataas (kapalaluan sa buhay), at di kumikilala sa Diyos. Kaya ipinapayo ni Apostol Pablo na huwag magpakalabis o magpakalayaw sa pamumuhay natin sa mundo.

I Corinto 7:31

At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka’t ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.

Ano ba ang kahihinatnan ng mga sumasamba sa diyos-diyosan ng tiyan?

Filipos 3:19 NPV

Ang kanilang hantungan ay kapahamakan, ang dinidios nila’y ang kanilang tiyan, at itinuturing na karangalan ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya. Nakatuon ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na panlupa.

Sila ay mapapahamak sapagkat ang dumidiyos sa sariling tiyan ay tumatalikod sa Diyos. Sa isang talinghaga ay ibinigay na halimbawa ng Panginoong Jesucristo ang ukol sa mayamang haling na masama ang naging wakas.

Lukas 12:16-20

Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’ “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ ”

Ayon pa sa mga apostol, ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa diyos-diyosan.

Colosas 3:5b-6 NPV

 at kasakiman na isang uri ng pagsamba sa dios-diosan. Dahil sa mga bagay na ito dumarating ang poot ng Dios.

Mahalaga na ang sinomang tulad nila ay magsipagbago, kung hindi ay malilipol silang lahat sa Araw ng Kapootan ng Panginoong Diyos.

Ang Panginoong Jesucristo mismo ay itinagubilin na labanan ang kasakiman.

Lucas 12:15 NPV

Pagkatapos sinabi pa niya, “Mag-ingat kayo! Labanan ninyo ang lahat ng uri ng kasakiman; ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang tinatangkilik.”

Ano ba ang napakasamang sasapitin ng sinomang mapagtatagumpayan nito?

Lucas 21:34 MB

Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa.

Hindi maliligtas ang sinomang madadaig ng mga ito. Dahil din dito, ang mga tunay na Iglesia ni Cristo ay dapat matutong mamuhay ng iba sa taga-sanlibutan. Magsanay sa kabanalan at ihanda nating lubos ang ating sarili sa pagsalubong sa ating Panginoong Jesucristo. At yamang tinanggap natin ang wastong aral na mula sa Diyos, magsikap tayo na mamuhay sa kapayapaan, nagkakaisa sa pananampalataya at taglay sa ating puso ang tunay na pag-ibig at pagmamalasakit sa ating mga kapatid.

Leave a comment