Ang Matuwid na Hindi Pinababayaan

KINUKUPKOP NG PANGINOONG DIYOS ANG MGA MATUWID AT HINDI NIYA PINABABAYAAN

 

Sa panahong ito ng paglaganap ng kahirapan at paglago ng katampalasanan, kailangan natin ang pagkukupkop, kublihan, at tagapagsanggalang.  Hindi tayo mabubuhay at makatatayo sa ganang ating sarili sa ganitong uri ng panahon at paligid.

 

Subali’t, upang hindi mabigo sa mahalagang tulong na mula sa Panginoong Diyos ay dapat munang makabilang sa mga taong matuwid.  Ang matuwid ang pinangakuan ng Diyos na hindi Niya pababayaan.

 

Sino ang kinikilala ng Panginoong Diyos na mga taong matuwid?

 I Pedro 1:15

“Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan  ng pamumuhay.”

 

Ang kinikilala ng Panginoong Diyos ay yaong mga tinawag upang mangagpakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay.

 

Saan naroon ang mga tinawag upang magpakabanal? 

Colosas 3:15

“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat.”

 

Tinawag sa isang katawan. Alin naman ang katawang tinutukoy?

Colosas 1:18

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia”

 

Ang katawan ay ang Iglesia na ang ulo ay ang ating Panginoong Jesucristo.  Kaya, ano ang pangalan ng iglesiang ito na pinangunguluhan ng ating Panginoong Jesucristo?

Roma 16:16 NPV

“Magbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.”

 

Samakatuwid ang kinikilala ng Diyos na mga matuwid ay  kaanib sa Iglesia ni Cristo na nangagpapakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay.  Sana ay maitatak sa isipan ng bawat kaanib ang dakilang layunin ng tumawag sa atin: Tayo ay magpakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay.

 

Ano ang nakalaang biyaya para sa mga matuwid na nagpapakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay sa panahong  ito ng malaganap na kahirapan at panganib?

Awit 34:15,17-19 MB

“Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid At ang taghoy nila’y kanyang dinirinig.

“Agad dinirinig daing ng matuwid inililigtas sila sa mga panganib. Tumutulong Siya sa nasisiphayo.  Ang walang pag-asa’y hindi binibigo.  Ang taong matuwid, masuliranin man, Sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.”

 

Ayon sa biblia ay kukupkupin ng Diyos ang mga matuwid. Diringgin ang kanilang daing, tutulungan, at ililigtas.  Kaya dapat manindigan sa pagiging matuwid, at laging magsikap na magpakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay.

 

Natitiis ba ng Diyos ang mga anak Niyang matuwid at tapat, lalo na’t mahirap?

Awit 37:25-26 MB

“Matanda na ako’t mulang pagkabata, Sa tanang buhay ko’y walang nabalita Na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya; O ang anak niya’y naging hampas-lupa.   Sa lahat ng oras, bukas pa ang palad Sa pagkakaloob sa mga mahirap; Kapalaran niya ang nagiging anak.”

 

Si Haring David ang nagpapatotoo na sa buong buhay niya, mula pagkabata, ay wala siyang nalalaman na matuwid na pinabayaan ng Panginoong Diyos.  Ang kaniyang sariling buhay mismo ay isang matibay na patotoo sa atin.  Kaya kahit ano pa ang kalagayan ng ating pamumuhay, kahit na mahirap lang, ay dapat na manatili tayong namumuhay sa kabanalan upang tayo man ay alalahanin ng Diyos.

 

Ano ang ginagawa ng Diyos sa mga matuwid dito pa sa lupa?

Kawikaan 11:31 MB

“Ang matuwid ay ginagantimpalaan na dito sa lupa, At tiyak na parurusahan ang masasama.”

 

Ang anak na matuwid ay mahal ng Diyos. Anuman ang kalagayan ng panahon at uri ng paligid, ang mahalagang pagkukupkop at pag-iingat ay Kaniyang ibinibiyaya sa mahal na anak Niya.  Hindi tayo dapat na mangamba o matakot kahit pa laganap ang kasamaan sa ating paligid,  kailanma’t tayo ay namamalaging matuwid sa paningin ng ating Panginoong Diyos.

 

Papaano ginagantimpalaan ng Panginoong Diyos ang matuwid dito sa lupa?

Awit 92:12 MB

“Katulad ng palma, Ang taong matuwid tatatag ang buhay, parang mga sedro, kahoy sa Libano, lalagong mainam.”

 

Magiging matatag ang buhay ng matuwid.  Ang pagiging matuwid ay makatutulong upang malunasan ang mga bagabag ng buhay.

 

Paano magiging matatag ang buhay ng matuwid?

Kawikaan 10:6 MB

“Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala’t kabutihan. Ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.”

 

Aanihin ang pagpapala at kabutihan ng Diyos.  Ito ang hinahangad ng marami.  Kaya upang makamit natin ito ay manindigan tayo sa pamumuhay na may kabanalan sa lahat ng kaparaanan.  Huwag tayong papayag na madaig ng kasamaan kahit pa ito ay lumalaganap ngayon.

 

Gaano kamahal ng Diyos ang mga anak Niyang matuwid?

Awit 112:6

“Sapagka’t siya’y hindi makikilos magpakailan man; Ang matuwid ay maaalaalang walang hanggan.”

 

Kahit ano pang ang dumating sa mundo, bagabag man o mga pagsubok, ang mga matuwid na lingkod ng Diyos ay hindi mawawaglit sa Kaniyang alaala kailanman.

 

Ano ang tuntunin at prinsipyo sa buhay ng matuwid?

Kawikaan 11:3 MB

“Ang tuntunin ng matuwid ay ang katapatan, Ngunit ang masama’y wawasakin ng kanyang kataksilan.”

 

Anuman ang mangyari, anuman ang maranasan o masagupa, kahit mabigat na pagsubok pa ay mananatiling tapat sa Panginoong Diyos ang taong matuwid.  Ito rin sana ang maging katangian nating lahat sa harap ng ating Panginoong Diyos.  Ang Diyos higit kaninuman ang dapat nating pagtapatan.  Kaya huwag tayong pumayag na maging kasangkapan ng kasamaan at kamalian.

 

Madadaig ba at mapagtatagumpayan ng mga kasamaan ang matuwid kung siya ay mahirap sa buhay?

Kawikaan 12:26 MB

“Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan, Ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.”

 

HINDI SIYA MADADAIG.  Sapagkat ang kaniyang landas ay palayo sa kasamaan.  Kaya hindi siya umaayon at lalong hindi nakikiisa, manapa ay lumalayo sa kasamaan.  Kahit marami pa ang natatangay at nakikipagsabuwatan sa masama ay huwag tayong pumanig sa kanila.  Patunayan natin sa Diyos na sa Kaniya tayo magtatapat.  Kaya ang lakaran natin ay ang Kaniyang mga landas.

 

Ano ang katangian sa pangungusap at pagpapahalaga sa utos ng Diyos ng taong matuwid?

Awit 37:30-31 MB

“Ang mga matuwid, madiwang mangusap at ang sinasabi nila’y pawang tumpak.  Ang utos ng Diyos ang nasasa puso, Sa utos na ito’y hindi lumalayo.”

 

Siya ay madiwang mangusap.  Ibig lang sabihin ay nangungusap siya na may katalinuhan. Hindi siya nangungusap ng walang kabuluhan.  Sapagkat ang nasa puso niya ay ang mga utos ng Diyos.  Hindi siya kailanman hihiwalay dito, kundi ito ang kaniyang nilalakaran at laging sinusunod.

 

Gaano ang pagpapahalaga at pagtrato ng Diyos sa mga matuwid?

Awit 37:28-29 MB

“Pagkat yaong bayang wasto ang gawain, Ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.  Sila’y iingatan magpakailanman, ngunit ang masama ay ihihiwalay.  Ang mga matuwid, ligtas na titira at di na aalis sa lupang minana.”

 

Dito pa lamang sa lupa, ginagantimpalaan na ng Diyos ang matuwid sapagkat mahal siya ng Diyos at hindi Niya itatakwil.  Ang matuwid na nagpapakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay ay laging iingatan ng Panginoong Diyos.  Ang lalong mahalaga na ipagkakaloob sa kaniya ng Panginoong Diyos ay ang kaligtasan at pagmamana ng Bayang Banal.  Kaya ngayong tayo ay napakalapit na sa hangganang inaasahan natin, ay pamalagiin na natin ang ating mga sarili sa panig ng katuwiran ng Diyos.  Magsikap tayong lagi na mabuhay sa kabanalan sa lahat ng kaparaanan.  Lupigin natin ng kabutihan ang kasamaan.

Leave a comment