Ang Makabuluhang Pag-aalaga Sa Iglesia

Ang Makabuluhang Pag-aalaga Sa Iglesia

 

Ang pag-aalaga sa Iglesia ay pananagutan ng lahat ng ministro at ng lahat ng katulong na manggagawa.  Ang pag-aalaga o pangangasiwa natin sa kanila ay dapat maging makabuluhan.  Ang ibig sabihin nito ay pangasiwaan natin sila patungo sa kaligtasan.

 

Kung ang anumang ginagawa natin ukol sa Iglesia ay hindi naman nakalilikha sa tao upang makarating sa uring maliligtas ay wala tayong naging kabuluhan.  Kaya mahalagang matiyak natin kung paano ang makabuluhang pangangasiwa o pangangalaga sa Iglesia.

 

 

Pangangasiwa Sa Mga Kapatid

 

Paano natin matitiyak na napangangasiwaan natin ang mga kapatid tungo sa kanilang ikaliligtas?

 

Tatlong bagay ang maaari nating banggitin na kapag nasumpungan nating narating ng mga pinangangasiwaan natin ay makatitiyak tayo na naging makabuluhan ang ating pag-aalaga sa kanila.

 

  1. Nasa uring tumutupad.  Dapat nating maihatid ang tao sa pagtupad sa mga aral ng Diyos at sa mga tuntunin at patakaran ng Iglesia.  Masama sa isang kapatid ang walang aktibidad o walang partisipasyon sa mga kilusan at gawain ng Iglesia – hindi patungo sa kaligtasan ang gayon.

 

Ano ang isang halimbawa ng dapat nating matiyak na sinusunod ng mga kapatid dahil ito’y may kinalaman sa kaligtasan?  Ang isa rito ay ang pagsamba.  Maraming talata ng Biblia ang nagpapatunay na ang pagsamba ay isa sa mga dapat na pagtalagahan ng mga kapatid para matiyak nating nadadala sila sa kaligtasan.  Samakatuwid, dapat pag-ibayuhin ngayon ng mga ministro at mga manggagawa ang pagsubaybay sa lahat ng mga kapatid na nasa ating pag-iingat upang sila ay mapasigla sa pagsamba.  Kaya dapat i-reactivate ang pagdadalaw para mabigyan ng follow-up ang mga hindi nagtatalaga sa pagsamba.  Dapat tagubilinang mahigpit ng mga tagapangasiwa ang mga manggagawa na tingnan nila kung kumikilos ang lahat ng maytungkulin na dapat dumalaw.

 

Ano pa ang dapat nating matiyak na natutupad sa Iglesia sapagkat may kinalaman din sa kaligtasan?  Ang pag-iibigang magkakapatid.  Ayon sa Biblia, ang hindi umiibig sa kapatid ay nananahan sa kadiliman at kamatayan – kaya hindi maliligtas.  Dapat umiiral ang pag-iibigan sa gitna ng Iglesia lalo na sa kalipunan ng mga ministro at manggagawa.  Hindi dapat magkaroon ng mga intrigahan at paninira sa isa’t isa sapagkat iyan ay sisira sa pag-iibigan.  Kapag itinuturo natin sa mga kapatid ang pag-iibigan at ito’y sinusunod nila, tumitibay ang Iglesia.

 

Ano pa ang dapat nating ipatupad?  Ang pagtulong sa mga gawain, katulad ng pagpapalaganap at mga gugulin – kapwa nasa Biblia ang mga ito.  Ang pag-aabuloy ay haing nakalulugod sa Diyos at ang sabi ng Diyos sa ayaw magpasalamat ay “baka kayo ay aking pagluray-lurayin at walang magligtas.”  Kung gayon, nakasisira sa kaligtasan ang hindi pagtupad sa mga utos na ito.

 

Tungkol sa pagtatayo ng sambahan.  Dapat nating pagtulung-tulungan ito.  Lalo na ang mga kapilyang maliliit na lubhang abang-aba ang kalagayan.  Baka may mga tagapangasiwa na iniaasa na lamang sa Central ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga ito at natitiis ang kaawa-awang kalagayan ng sambahan.  Para bang ang paniniwala ay “Hindi ko kayang gawin ito.”  Kung ang Sugo ay nagsimula sa ganiyang isipan ay wala tayong magigisnang Iglesia.  Ang lahat ng tagumpay ng Iglesia ay nasa pagtulong ng Diyos at nasa pagsalo ng mga tinutulungan.  Kaya kumilos tayo at magkaroon ng positibong isipan.

 

Ang lahat ng mga manggagawa at mga ministro ay dapat magmalasakit para maitayo o mai-maintain ang kapilya.  Punahin ninyo ang mga kasiraan at kapintasan.  Kahit hindi atasan ay dapat gawin ng ministro ang lahat ng pagmamalasakit para magawa natin ang makabuluhang pag-aalaga sa Iglesia.

 

  1. Nasa uring matibay at mananampalataya. Ang matibay ay ang nananatili.  Ngunit lalo nating makikita ang matibay kapag may mga pagsubok.  Kapag ang isang kapatid ay may suliranin sa kaniyang buhay o sa kaniyang sambahayan, doon siya lalong dapat kakitaan ng tibay.

 

Dapat nating turuan ang Iglesia ng pagtitiis.  Ayon sa Biblia “ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.” Samakatuwid kapag tinuruan natin ang Iglesia ng pagtitiis, pangangasiwa iyan tungo sa ikaliligtas.

 

Ang ibig sabihin ng matibay ay kayang sagupain ang lahat ng hadlang at mga problema na nakasisira ng panananampalataya.

 

Ano pa ang dapat makita sa kapatid na matibay at mananampalataya?  May matinding pananalig.  Ito ay mababakas sa pananalita at gawa.  Paano siya magkakaroon ng pananalig?  Kapag ang tao ay naturuan at nakarating sa mataas na pagkakilala sa kahalagahan ng Iglesia.  Lahat ng nakaunawa sa halaga ng Iglesia ay parang kwitis na sumasagitsit sa pananalig.  Aktibo siya sa pagsamba at sa pagtupad ng iba’t ibang tungkulin.  Hindi na kailangan na laging paalalahanan.

 

Kaya sa pagdodoktrina ay napakahalaga na maiturong mabuti sa tao ang kahalagahan ng Iglesia.  Kahit kailan tayo magturo, tandaan natin na kapag dumarating  sa punto na ang Iglesia ay pinatutunayan na mahalaga, ituro nating mabuti sa kanila na pahalagahan ang Iglesia at napakalaking bagay ang nagagawa natin.

 

Ano pa ang katangian ng matibay at mananampalatayang Iglesia ni Cristo?  Umaasa sa magagawa ng Diyos sa pang-araw-araw ng buhay niya.  Halimbawa, may sakit.  Ang unang-unang ginagawa niya ay ipatawag ang mananalangin at magpapahid ng langis.  Kung may problema sa kaniyang sambahayan ay nakaluhod at nananalangin sa Diyos.  Kaya iayos natin ang ating kaugnayan sa Diyos.  Hikayatin natin ang mga kapatid na manalig sa magagawa ng Diyos.

 

Iyan ang isa sa mga katangian ng Iglesia ni Cristo sa huling araw:  ang tao ay nailalapit sa tunay na Diyos.  Kaya bakit hindi natin pasiklabin ang katangiang iyan na nasa atin sa paraang makinabang ang lahat ng mga kapatid?  Ang ayaw makinabang, wala na tayong magagawa.  Ngunit masama na kaya hindi sila nakinabang ay dahil sa ating katamaran o sa ating kapabayaan.

 

Samakatuwid, para maging matibay at mananampalataya ang mga kapatid ay dapat natin silang turuan ng pagtitiis, pananalig, at pagpapahalaga sa pagka-Iglesia ni Cristo at dapat silang magkaroon ng pag-asa sa magagawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga pananalangin.

 

  1. Nasa uring nagbabagong-buhay. Karaniwang napapansin lamang ito kapag may itinitiwalag.  Paano natin maituturo ang pagbabagong-buhay?  Kung ang isang kapatid ay may banal na takot sa Diyos at may mataas na moralidad ay mag-iingat siya kahit nag-iisa.

 

Dapat maging mataas ang paggalang at pagkilala ng mga taga-sanlibutan sa mga kapatid.  Napagkakatiwalaan at mabuting kapitbahay.  Kung hindi ay makasisira ito sa kaniyang pagtatamo ng kaligtasan sapagkat ang sabi ng Biblia ay dapat tayong magliwanag sa gitna ng isang lahing liko at masama.

 

Sawayin natin ang mga kapatid kapag sila’y gumawa ng anumang imoral na gawa.  Huwag tayong mangingimi.  Kahit sino pa siya.  Sabihin ninyo sa mga manggagawa na tuklasin nila kung sinong mga kapatid ang hindi nagbabagong-buhay para pagpayuhan.  At iyong mga napagpayuhan na, dapat nang aksiyunan dahil nakasisira na sa dangal ng Iglesia.  Huwag tayong mag-impok sa Iglesia ng mga hindi nagbabagong-buhay dahil madadamay ang mga malinis.

 

Kaya ang tagubilin sa lahat ng tagapangasiwa:  huwag ninyong kunsintihin ang sinumang manggagawa, maytungkulin o kapatid na sumisira sa dangal ng Iglesia.  Kapag nagsawalang-kibo kayo sa bagay na iyan dahil sa inaalala ninyong mababawasan ang Iglesia o dahil sa anupaman, magagalit sa inyo ang Diyos.

 

Ang sabi nga ng Sugo noong nabubuhay pa, nang pag-aalisin niya ang mga nakasisira sa dangal ng Iglesia, “Kung hindi ko sila aalisin, ay hindi na makikialam ang Diyos sa Iglesia.  Ipauubaya na lamang Niya sa tao ang Iglesia.  Lalong ayoko noon.  Itinutulak ko sila para kabigin ko ang Diyos.”

 

Kaya kapag ang lahat ng kapatid ay nadala natin sa uring tumutupad; matibay, at mananampalataya, at nasa uring nagbabagong buhay, nagawa na natin ang makabuluhang pag-aalaga sa kanila.

 

 

Pangangasiwa Sa Mga Maytungkulin

 

Paano natin magagawang palakasin at pasiglahin sa aktibidad ang lahat ng maytungkulin?

  1. Bigyan natin sila ng malaking pag-asa. Akayin natin sila na sumampalatayang sa pagtupad nila ay magiging dapat sila sa mga pangako ng Diyos.  Mag lecture kayo sa kanila.  Ang mga tagapangasiwa ay dapat pumili ng mga katulong niya upang mag-organisa ng mga tanging pulong at tanging pagsamba ng mga maytungkulin sa lalong ikatitibay ng kanilang pag-asa sapagkat ito ang mag-aakay sa kanila na magkusa sa pagtupad.

 

  1. Ipakita natin sa kanila ang halaga ng kanilang tungkulin. Ano ba ang kaligtasan ng maytungkulin?  Ang maytungkulin ay okupado sa mga bagay na ukol sa Diyos.  Paano magkakaroon ng puwang si Satanas sa kaniyang buhay kung lagi siya sa pagdalo sa mga pamamahayag, mga gawain, at mga pagdadalaw?

 

Ano pa ang kahigitan ng maytungkulin?  Ituturo ng Diyos sa kanila ang mabuting daan para sa ikagagaan ng pagtatamo nila ng kaharian ng Diyos.  Ang sabi ni Apostol Pedro, “magaan na kayo’y papapasukin”dahil malaki ang saligan ng isang maytungkulin para siya’y tanggapin sa langit.  Kaya turuan natin sila na magpakatapat sa kanilang tungkulin.

 

  1. Tiyakin nating natanggap nila ang Espiritu Santo. Ang maytungkulin ang pinangakuang tatanggap ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, gaya ng sinabi ng ating Panginoong Jesucristo sa Kaniyang mga alagad na huwag muna silang aalis at hintayin nila ang kapangyarihang ibibigay sa kanila ng Diyos.  Maging ang mga kapatid na nakakaranas ng kapangyarihan sa mga pagsamba ay mahirap nang mahiwalay pa sa kanilang paglilingkod.  Kaya, pagsikapan nating mapuspos ng Espiritu Santo ang mga maytungkulin – sa tulong ng Diyos ay magagawa natin ito.

 

  1. Pasiglahin natin sila sa pagtupad. Paano natin sila mapasisigla sa pagtupad?  Tiyakin natin na sila ay nakatutupad nang may katapatan sa kanilang mga pananagutan sa Diyos lalo na ang mga katiwala na dumadalaw.  Baka mayroon sa kanila na hindi nagdadalaw o kaya ay mali ang iniuulat ngunit hindi natin napagtutuunan ng pansin.  Sinisiyasat ng mabuting ministro ang pagtupad ng mga maytungkulin at maging ang kanilang pag-uulat.  Papaano?  At random ay pumili kayo ng ilang sakop ng isang katiwala at puntahan ninyo.  Itanong ninyo kung nakikilala nila ang kanilang katiwala.  Kapag sa sampung dinalaw ninyo ay nakatagpo kayo ng tatlo na hindi nakakakilala sa kanilang katiwala, ang katiwalang ito ay hindi nagdadalaw.  Ngunit, hindi man ninyo nadalaw ang lahat ng sakop niya, nalaman ninyong sa lahat ng tinanong ninyo ay nasasabi nila ang katangian ng kanilang katiwala ay makakaasa kayong nagdadalaw ang katiwalang ito at kung nagkulang man siya ay hindi na niya sinasadya.  Kaya, tuklasin ninyo kung sino ang mga maytungkulin na hindi na nagdadalaw.

 

 

Pagpapasulong Sa Lahat Ng Mga Manggagawa

 

Paano naman natin mapasusulong ang mga manggagawa?  Udyukan at turuan natin sila na-

  1. Maging palaaralKahit wala na sa paaralan ang isang manggagawa ay dapat na patuloy sa pag-aaral dahil siya ay nagtuturo sa mga pagsamba, sa mga pagdodoktrina, at sa iba pang pagtitipon. Kailangang ang manggagawa ay laging preparado sa pagtuturo at pinag-aaralang mabuti ang leksiyong tatalakayin niya.  Ang manggagawang hindi palaaral ay hindi susulong, sa halip ay uurong sa kaalaman.

 

  1. Mapanalanginin Dapat na ang manggagawa ay sa Diyos lagi nakasandal. May mga takda siyang pansariling panata.  Nananalangin siya bago umalis ng bahay, bago magdoktrina, at bago mangasiwa ng pagsamba.  Isinasangguni niya sa Diyos ang kaniyang mga suliranin.

 

Ikinatutuwa ng Diyos kapag isinasangkot o isinasali natin Siya sa ating mga problema.  Bakit?  Sapagkat ito ay kahayagan ng ating pagtitiwala sa Kaniyang magagawa.  Ito ang pakikitungo sa Diyos na dapat gawin ng lahat ng manggagawa.

 

  1. May banal na takotAng manggagawang may banal na takot ay hindi mapagsariling kalooban at may mataas na moral. Tumatayo pa lamang siya sa tribuna ay nakakaranas na ang mga kapatid.  Ang sabi ni Apostol Pablo, “sana ay makapamahagi ako sa inyo ng mga kaloob na ukol sa espiritu.”  Ito ang dapat na pakahangarin ng mga manggagawa para sa Iglesia.

 

Kaya dapat alamin ng mga tagapangasiwa kung sinong mga manggagawa ang pinakikinabangan sa Iglesia at kung sino ang nakabibigat para sila ay maturuan.

 

  1. Maging “devoted” o nakatalaga sa tungkulinAno ang ibig sabihin na ang manggagawa ay devoted? Hindi siya naaagaw ng ibang bagay.  Ang panahon at sarili niya ay nakatuong lagi sa mga gawain niya sa Iglesia.  Masama sa isang manggagawa na hindi handog ang sarili sa tungkulin.

 

Ang hinahanap ng Diyos ay ang makabuluhang tagapag-alaga sa Iglesia, devoted na manggagawa na pinakikinabangan ng Iglesia.

 

  1. Pataasin ang uri ng pagtuturoAng kailangan sa pagtuturo ay maliwanag, mabiyaya, madaling maintindihan, at makapagpapakilos sa mga kapatid. Nakapagbibigay-pag-asa kung mga pangako ang itinuturo at nakapagbibigay-takot kung mga babala ang itinuturo.  Ito ang mahusay na ministro.

 

Dapat iulat ng mga tagapangasiwa kung sino ang mga manggagawang hindi kasiya-siya sa Iglesia – maging sa destino o sa pangangasiwa sa pagsamba.

 

Sa pagtuturo ay dapat maging uliran ang mga tagapangasiwa.  Dagdagan ng mga tanong ang pagtuturo.  Huwag puro sariling paliwanag ang ipinangangaral kundi ang pinalulutang ay ang salita ng Biblia.

 

  1. Maging maayos sa pagsasagawa ng gawainAng time allocation o ang pagbabaha-bahagi ng kaniyang panahon ay dapat iayos o gawing methodical. Turuan ninyo ang mga manggagawa sa pagsasaayos ng kanilang pang-araw-araw na gawain.  Ang manggagawang methodical ay may schedule ng mga aktibidad na dapat niyang asikasuhin.  Kaya nalalaman niya kung alin ang dapat niyang bigyan ng prayoridad at dapat bigyan agad ng pansin.  Mag-lecture kayo sa kanila tungkol sa pagsasaayos ng mga problema sa lokal at kung papaano mapasisigla at mapasusulong ang lokal.

 

Sa madaling salita, ang manggagawang maayos sa kaniyang gawain ay naaasikaso ang lahat ng mga gawaing dapat niyang ipagmalasakit at tuparin sa takdang panahon.

 

  1. Bigyan ng karangalan ang ministeryoPagsikapan natin na ang Iglesia ay magkaroon ng mataas na paningin at pagkilala sa manggagawa. Itaas natin ang moral ng mga manggagawa.  Hikayatin natin sila na huwag nilang pababain ang dangal ng ministeryo.  Ang sabi nga ni Apostol Pablo, “kailanman ay hindi ako pumayag na masiraang puri ang ministeryo.”

 

Para magkaroon ng mataas na moral ang mga manggagawa, ang isa sa mga dapat alisin ay ang pagmomolestiya.  Huwag dadaing sa kapatid o magbigay man ng pahiwatig na kayo ay nanghihingi.  Kung tayo ay binibigyan, magpasalamat tayo.  Gawin nating panuntunan sa ating buhay na mapataas natin ang dangal ng ministeryo at dito ay pagpapalain tayo ng Diyos.

 

Idalangin natin sa Diyos na iligtas Niya tayo sa mga panganib, na bigyan Niya ng kapayapaan ang Iglesia sa gitna ng maligalig na sanlibutan, na maitawid natin ang lahat ng mga kapatid sa gitna ng napakahirap na panahon.  Ugaliin natin na maging malalapitin sa Diyos at nagpapahalaga sa ating mga tungkulin.  Kapag ginawa nating ang Diyos ang ating moog at kanlungan, makaaasa tayong matatapos natin ang ating takbuhin, at magagawa natin ang makabuluhang pangangalaga sa Iglesia.

 

Nawa ang siniping lektura na ito ng ka Erdy ay ating bigyang kapangyarihan sa ating buhay upang maabot natin ang  kasakdalan ng mga paglilingkod sa ating Panginoong Diyos.

Leave a comment