Iglesia sa Tiatira

PITONG URI NG IGLESIA NI CRISTO (Part 4)

Ano naman ang ika-apat na uri ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ayon sa  ating Panginoong Jesucristo?

Apocalipsis 2:18-29

“At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una. Datapuwa’t mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya’y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan. At binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; at siya’y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid. Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila’y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa. At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako’y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa’t isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa. Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan. Gayon ma’y ang nasa inyo’y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako’y pumariyan. At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa: At sila’y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama: At sa kaniya’y ibibigay ko ang tala sa umaga. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.”

 

Alam ng ating Panginoong Jesucristo ang gawa ng mga nakakatulad ng mga kaanib at mga ministro sa Tiatira. Ang kanilang pag-ibig, pananampalataya, pagtitiis, at pagtupad sa ministerio ay hindi matatawaran. Ang totoo, lalong maalab ang paggawa nila kaysa noong  una. Ngunit, may nasumpungan sa kanila na pagkukulang na hindi nagustuhan ng ating Panginoong Jesucristo. Ito ang pagiging kunsintidor (permissive, tolerant) na hindi dapat masumpungan sa mga tagapangalaga o bantay sa kawan ng Diyos.

Pansinin nating mabuti na pinahintulutan ng iglesia sa Tiatira na si Jezebel, na isang nagpapanggap na propetisa, ay magturo ng aral ni satanas at hikayatin sila na makiapid at kumain ng mga hain sa mga diyos-diyosan.

Kinapopootan ng Diyos ang pagsamba sa mga diyos-diyosan; kaya hindi ito dapat masumpungan sa atin upang huwag tayong makasama sa mga mapapahamak. Ang pagluhod sa larawan at rebulto ay isa lamang sa gawaing pagsamba sa diyos-diyosan. May tatlong uri ng diyos-diyosan—ang diyos-diyosan sa larawan, diyos-diyosan sa tiyan, at diyos-diyosan sa puso.

Paano ba magagawa ng mga lingkod ng Diyos ang pakikiapid? Ito ay ang hindi makatarungang paghahangad ng kapangyarihan sa sanlibutan at pagtatanyag ng sarili na napipinsala naman ang katapatan sa Diyos. Halimbawa na lamang ay ang pakikisawsaw at pagkakaroon ng impluwensya sa mga pulitiko at sa pamahalaan, at ang aktibidad ng Iglesia na nakatuon sa  pagpapasikat, kapaimbabawan, at pagnenegosyo. Hindi rin natin dapat tularan ang sanlibutan sa kanilang mga gawaing nahuhulog sa walang taros na kasayahan (ikalalayaw ng laman). Ang mga kilusang nakakatulad nito ay hindi dapat ituring na aktibidad para sa ikababanal (religious activity). Ang totoo, ang mga ito ay gawain para lamang bigyang kasiyahan ang makamundong nasa. Kaya, hindi ito kailanman maihahanay sa mga gawaing espirituwal na tungo sa kabanalan at kasakdalan. Ni wala itong kinalaman sa paghahanda para sa kaligtasan. Hindi rin ito magbubunga ng saligan para sa tunay na buhay. Tiyak din natin na hindi ikinaluluwalhati ng Diyos ang mga aktibidad sa kapakanan lamang ng laman sapagkat ang ibig ng Diyos ay maging mapagpakumbaba tayo sa lahat ng ating paggawa at maghari sa ating puso ang tunay at banal na pag-ibig. Kaya, dapat ay maging iba ang takbo ng ating pamumuhay sa sanlibutan na mahilig sa mga kalayawan.

Gayundin naman, may ilan sa mga uri ng iglesia sa Tiatira na walang muwang o hindi pa nangakakaalam ng malalalim na bagay ni satanas. Minarapat ng Diyos na huwag na silang bigyan ng karagdagang atang upang huwag silang mabigatan. Ngunit, itinagubilin na ingatan at pagyamanin ang nasa kanila.

Sa liwanag ng mga katotohanang ito, nawa ay maging mapagbantay tayo sa ating sarili na baka walang kamalay-malay ay nahuhulog na pala tayo sa kasalanang katumbas ng pagsamba sa diyos-diyosan. Habang nagpapahinuhod at may nalalabi pang awa ang Panginoong Diyos ay bumalikwas na tayo at magbagong buhay upang huwag tayong makasama sa mga mapaparusahan.

Leave a comment