Ang Hindi Maaagawan Ng Karapatan Sa Buhay Na Walang Hanggan

ANG HINDI MAAAGAWAN NG KARAPATAN SA BUHAY NA WALANG HANGGAN

 

Ang lahat ng mga nangyayari sa kasalukuyan ay pawang palatandaan na malapit na ang Araw ng Paghuhukom.  Ngayong nalalapit na ang kawakasan, paano tayo makatitiyak ng pagtatamo ng buhay na walang hanggan?

Apocalipsis 3:11

“Ako’y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong.”

 

Hindi tayo dapat na manghina o manlupaypay anoman ang masagupa natin sa ating buhay.  Bagkus, panghawakan nating matibay ang ibinigay ng Diyos sa atin.

 

Ano ang tinanggap natin sa Diyos na dapat nating ingatan?

Hebreo 10:23

“Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka’t tapat ang nangako;”

 

Ingatan natin ang pagkakilalang ibinigay sa atin.  Huwag tayong mawawalan ng pag-asa kung makaranas tayo ng pagsubok, sapagkat tapat ang Diyos na nangako sa atin.  Hindi Niya tayo lilimutin, tayo’y Kaniyang iingatan.

 

Sino ang iingatan at sasamahan ng Diyos?

Apocalipsis 3:10 NPV

“Yamang iningatan mo ang utos ko at matiyagang nagtiis, iingatan din kita sa panahon ng pagsubok na darating sa buong daigdig para subukin ang mga naninirahan dito.”

 

Ingatan natin ang mga utos ng Diyos anuman ang mga pagsubok na ating masagupa. Huwag nating bibitawan ang ating pagkakilala at panatilihin natin ang pag-asa para tayo ay samahan ng Diyos.

 

Sino ang makatitiyak ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng mga kaguluhan sa daigdig?

Awit 27:1-5 NPV

“Ang Panginoon ang aking ilaw at kaligtasan ‒ kanino ako matatakot?  Ang Panginoon ang muog ng aking buhay ‒ kanino ako masisindak?  Kapag dinaluhong ako ng masasamang tao upang ako ay sakmalin, kapag ako’y sinalakay ng mga kaaway at mga kalaban, matitisod sila at babagsak.  Kahit kubkubin ako ng isang hukbo, hindi mababagabag ang aking puso; kahit ang digmaa’y sumiklab laban sa akin, gayunman, magtitiwala pa rin ako.  Isang bagay ang hinihingi ko sa Panginoon, ito ang aking hinahanap: na ako’y matira sa bahay ng aking Panginoon sa lahat ng mga araw ng aking buhay upang masdan ang kagandahan ng Panginoon at hanapin siya sa kanyang templo.  Sapagkat sa araw ng kaguluhan, iingatan niya akong ligtas sa kanyang tirahan; ikukubli niya ako sa silungan ng kanyang tabernakulo at itataas sa isang malaking bato.”

 

Nakatitiyak sa pagliligtas ang nagtitiwala ng buong puso na ang kaniyang kublihan ay ang Diyos.  Ililigtas siya ng Panginoong Diyos sa panahon ng kaguluhan.  Dahil taglay ang matibay na pananampalataya, kahit dumating ang matinding pagsubok at ligalig sa kanilang buhay ay hindi sila nababagabag.  Hindi sila nakalilimot na dumalangin sa Panginoong Diyos. Hindi rin sila nagpapabaya sa pagdalo sa mga pagkakatipon.

 

Ano ang dapat gawin ng mga sumasamba?

I Cronica 16:10-11 MB

“Dapat tayong mangagalak pagkat tayo’y kanyang bayan, Ang lahat ng sumasamba’y lubusin ang kagalakan.  Dumulog tayo kay Yahweh nang ang tulong niya’y kamtan, Dapat siyang parangalan at sambahin araw-araw.”

 

Dumulog tayo o tumawag sa Diyos.  Pag-ukulan natin Siya ng maayos at marapat na pagsamba.  Handugan natin Siya ng mga awit ng pagpupuri upang tayo ay Kaniyang kalugdan. Gawin nating may kagalakan at pagpapahalaga ang mga pagtitipon sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.

 

Ano ang maaasahan ng masunurin sa Diyos?

Awit 37:18-19 MB

“Iingatan ng Diyos yaong masunurin, Ang lupang minana’y di na babawiin.  Kahit na sumapit ang paghihikahos, Di mararanasan nila ang magdahop.”

 

Hindi tayo lugi kapag tayo ay naging masunurin dahil makakamit natin ang pag-iingat ng Diyos.  Kaya lagi nating itaguyod ang pagsunod sa lahat ng Kaniyang mga aral at utos.

 

Dapat ba tayong panghinaan ng loob sa mga pamumula ng tao at sa mga pag-uusig?

Isaias 51:7-8 NPV

“Pakinggan ninyo ako, kayong nakaaalam kung ano ang tama, kayong mga nagtataglay ng aking kautusan sa inyong puso:  Huwag ninyong katakutan ang pagpula ng mga tao ni masindak sa kanilang mga pang-uuyam.  Pagkat parang damit silang kakanin ng tanga; parang lana silang uubusin ng uod.  Ngunit ang katuwiran ko’y mananatili magpakailanman at ang pagliligtas ko sa lahat ng salin ng lahi.”

 

Maranasan man natin ang mga pagpula at pang-uuyam ay hindi tayo dapat na matakot. Huwag tayong manghina kahit pa usigin at pagmalupitan ng mga tao.  Hindi lingid sa Ama ang ating pinagdaraanan dahil sa pagsunod natin sa Kaniyang katuwiran.  Makatarungan ang Panginoong Diyos kaya ililigtas Niya tayo sa mga masasama.

 

Ano pa ang nakahandang gawin ng Diyos para sa atin?

Isaias 51:12 NPV

“Ako, Ako mismo, ang aaliw sa inyo.  Bakit kayo matatakot sa mga taong may kamatayan, sa mga anak ng mga tao na mga damo lamang.”

 

Aaliwin Niya tayo kapag tayo ay may bagabag at kalungkutan.  Walang dahilan para tayo’y matakot sa banta ng mga masasama.

 

Kaya gaanong pagtatalaga ang dapat na taglayin ng tunay na lingkod ng Diyos sa panahong ito?

Roma 12:11-12 NPV

“Magpakasipag kayo at panatilihin ang kasiglahang espirituwal sa paglilingkod sa Panginoon.  Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, at matiyaga sa pananalangin.”

 

Hindi lamang sa pagsamba tayo dapat maging masigla kundi maging sa espirituwal na paglilingkod.  Huwag nating bibitiwan ang pananampalataya kahit pa may kapighatian. Dagdagan pa natin ang pagtitiis at maging matiyaga tayo sa pananalangin.

 

Nasisiyahan ba ang Diyos sa malahininga?

Apocalipsis 3:16

“Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig.”

 

Ayaw ng Panginoong Diyos ang malahininga.  Kaya dapat ay wala tayong reserbasyon o anomang pag-aalinlangan.  Hindi tayo dapat magpabaya sa anomang pananagutan sa Kaniya.  Hindi tayo dapat padaig sa mga alalahanin sa buhay na ito.  Sa Diyos natin ipagkatiwala ang ating kapalaran.

 

Sino ang pagpapalain ng Diyos?

Awit 125:4 MB

“Ang mga mabait Na tapat sumunod sa ‘yong kautusan, Sana’y pagpalain Mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.”

 

Ang pagpapala ng Ama ay makakamit ng mga tapat na sumusunod ng Kaniyang mga utos. Kaya ito ang pagsikapan nating tuparin.

 

Ano ang isa sa mga pagpapalang ipagkakaloob ng Diyos?

Awit 41:3-4

“Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina: Iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.  Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa Ka sa akin: Pagalingin Mo ang aking kaluluwa; sapagka’t ako’y nagkasala laban sa Iyo.”

 

Palalakasin at aalalayan Niya tayo kung tayo ay manghina.  Tayo ay pagagalingin Niya kapag nagkasakit.

 

Sino lamang ang nakakaalam ng dapat nating gawin?

Awit 142:1-3 MB

“Ako ay humingi ng tulong sa Diyos, ako ay dumaing, sa Kanya’y lumuhog; ang aking dinala’y lahat kong hinaing, at ang sinabi ko’y pawang suliranin.  Nang ako ay halos wala nang pag-asa, ang dapat kong gawi’y nalalaman Niya.  Sa landas na aking pinagdaraanan, may handang patibong ang aking kaaway.”

 

Habang naririto pa tayo sa mundo ay tiyak na makakasagupa tayo ng mga pagsubok, pag-uusig, kaguluhan, at iba’t ibang mga kapighatian.  Subalit kapag umaasa tayo sa Diyos ‒ namalagi tayo sa pagsunod, sa kasiglahan sa paglilingkod, at sa pagbabagong buhay ‒ hindi tayo pababayaan ng Diyos.  Siya mismo ang aaliw at tutulong sa atin para makapanatili tayong matatag upang tayo ay magtamo ng buhay na walang hanggan.

Leave a comment