Ang Pagkakahati ng Panahon sa Panahong Cristiano : Unang Tatak

ANG BIBLIA AY ISANG DAKILANG AKLAT NG KASAYSAYAN AT LITERATURA

Natiyak natin na ang Biblia ay aklat ng Diyos. Dito nakasulat ang Kaniyang mga salita na naghahayag ng Kaniyang banal na kalooban. Matibay at matatag ang Kaniyang mga patotoo sa Biblia na kung saan ay nakasulat ang Kaniyang mga katotohanan na hindi kayang pasinungalingan ng karunungan ng tao. Sa karunungan ng Diyos na nakasulat sa Biblia, nasisira ang karunungan ng tao!

Ang kabuuan ng mga pangyayari sa panukalang walang hanggan (master plan) ng Diyos sa kaligtasan, bayang banal, at buhay na walang hanggan ay inihayag niya sa pamamagitan ng mga pangitain at ipinasulat niya sa isang aklat.

Isaias 29:11

At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo’y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakpan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka’t natatakan;”

Aling aklat ito ng pangitain na hindi kayang basahin ng sinoman sapagkat natatatakan? At sino lamang ang makababasa nito para ipaunawa ang nilalaman?

Apocalipsis 5:1-5

At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinata-kang mahigpit ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito? At sinoman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man. At ako’y umiyak na mainam, sapagka’t hindi na-kasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man: At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito.”

Samakatuwid ang aklat ng pangitain ay nasa kamay ng Diyos at tanging ang ugat ni David ang makapagbubukas at makapagpapaunawa nito. Sino ang ugat ni David?

Apocalipsis 22:16

Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo’y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

Malinaw na tanging ang ating Panginoong Jesucristo na siyang ugat ni David ang tanging makapagbubukas ng aklat na natatatakang mahigpit ng pitong tatak!

Alamin natin, ano ang nilalaman ng aklat ng pangitain at sinong alipin niya ang pinagpahayagan nito sa pamamagitan ng Kaniyang anghel?

Apocalipsis 1:1-3

Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan; Na sumaksi sa salita ng Dios at sa patotoo ni Jesucristo, sa lahat ng mga bagay na nakita niya. Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon: sapagka’t ang panaho’y malapit na.”

Ang aklat ng pangitain ay ang Apocalipsis ni Jesucristo na ibinigay ng Diyos sa kaniya upang ipahayag sa lahat ng mga alipin ni Cristo. Ang pahayag ay may kinalaman sa mga bagay na darating—na ang sinomang makarinig, makaunawa, at tumupad sa isinasaad ng aklat ay isang malaking kapalaran para sa kaniya.

Ano ang bilin ng ating Panginoong Jesucristo kay Apostol Juan na dapat niyang gawin para sa kapakanan ng mga alipin ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo?

Apocalipsis 1:9-11, 19

Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kay Jesus, ay nasa sa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Dios at sa patotoo ni Jesus. Ako’y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak. Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

“Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating;”

Ang pahayag ng Diyos o ang Apocalipsis ni Jesucristo, kung gayon, ay ipinasulat kay Apostol Juan para sa kapakanan ng lahat ng kaanib sa Iglesia ni Cristo. Sila ang dapat na makaunawang lubos ng mga pangyayari mula sa pasimula ng panahong Cristiano hanggang araw ng paghuhukom. Ang pitong Iglesia ay lumalarawan sa pitong uri ng kaanib dito at ang pitong anghel ay lumalarawan sa pitong uri ng mga pinagtiwalaan ni Jesus na mangasiwa ng kaniyang Iglesia.

Ipinarating ng Panginoong Jesucristo ang nilalaman ng aklat kay Apostol Juan sa pamamagitan ng anghel na isinugo niya. At mula sa pangitain ni Juan ay isinulat ito upang ipadala sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Alamin natin, ano ang nakita ni Apostol Juan nang buksan ng Cordero ang unang tatak?


UNANG TATAK

Ngayon ay alamin natin ang pangyayari na nakapaloob sa unang tatak:

Apocalipsis 6:1-2

At nakita ko nang buksan ng Cordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko sa isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang putong: at siya’y yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.”

Ang tatak ay isang periodo na kinapapalooban ng mga pangyayari. Ang Panahong Kristyano ay nahahati sa pitong tatak na sa bawa’t periodo ay kinapapalooban ng mga pangyayari. At ang mga pangyayaring nakapaloob dito ay isinulat ni Apostol Juan:

Apocalipsis 1:19

Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating;”

Samakatuwid, ang aklat ng Apocalipisis ay kinapapalooban ng mga pangyayari sa panahong Cristiano mula sa pasimula hanggang sa wakas. Ito ay nahahati sa pitong tatak o buko ng panahon. Sa unang tatak, nang ito ay buksan ng Cordero, ay nakita ni Juan ang isang kabayong maputi. May sakay ito, at may taglay na busog, at may putong ng korona at yumayaong nagtatagumpay.

Ano ang kahulugan ng kabayo sa pangitain, at bakit ang kulay nito ay maputi? Sino ang nakasakay dito? Saan nagtagumpay ang nakasakay sa kabayo? Ano ang putong sa kaniyang ulo?

Zacarias 1:8-10

Aking nakita sa gabi, at, narito, ang isang lalaking nakasakay sa isang mapulang kabayo, at siya’y tumayo sa mga puno ng mirto, na nasa, pinakamababa; at sa likuran niya’y may mga kabayong mapula, alazan, at maputi. Nang magkagayo’y sinabi, Oh Panginoon ko, ano ang mga ito? At ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipakikita sa iyo kung ano-ano ang mga ito. At ang lalake na nakatayo sa mga puno ng mirto ay sumagot at nagsabi, Ang mga ito yaong mga sinugo ng Panginoon na magsilibot sa lupa.”

Ang kahulugan ng kabayo kung gayon ay sinugo ng Diyos upang magdala ng mensahe sa buong lupa. At kung ano ang mensahe ay depende sa kulay nito. Nguni’t bago natin alamin kung anong mensahe ang dala ng maputing kabayo, kilalanin muna natin ang lalakeng nakasakay rito. Binanggit ito ni Apostol Juan sa aklat din ng Apocalipsis:

Apocalipsis 19:11-13

At nakita kong bukas ang langit; at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya’y humahatol at nakikipagbaka. At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya’y may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin. At siya’y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios.”

Tandaan nating mabuti ang pagkakakilanlan sa lalaking nakasakay sa maputing kabayo. (1) tinatawag siyang tapat at totoo; (2) nakikipagbaka siya at ang katuwiran ang ginagamit niya sa kaniyang paghatol; (3) siya’y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo, at tinatawag siyang Verbo ng Diyos.

Ayon na rin kay Apostol Juan, sino ang tinutukoy na tapat na isinulat niya sa Apocalipsis?

Apocalipsis 1:5

At mula kay Jesucristo na siyang saksing tapat, na panganay sa mga patay, at pangulo ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo;”

Apocalipsis 3:7

At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman:”

Samakatuwid, ang saksing tapat at totoo ay ang ating Panginoong Jesucristo. Siya ang nakasakay sa kabayong maputi na nakikipagbaka at yumaong nagtatagumpay upang magtagumpay! Kaya nga ang banggit sa hula ay may taglay siyang busog. Ito ang gagamitin niya sa pakikipagbaka. At kung ano ang kahulugan ng busog ay nilinaw ito ni Propeta Zacarias.

Zacarias 9:13-14

Sapagka’t aking binaluktot ang Juda para sa akin, aking inakmaan ang Ephraim ng busog; at aking gigisingin ang iyong mga anak, Oh Sion, laban sa iyong mga anak, Oh Grecia, at gagawin kitang parang tabak ng makapangyarihang lalake. At ang Panginoo’y makikita sa itaas nila; at lalabas ang kaniyang pana na parang kidlat; at ang Panginoong Dios ay hihihip ng pakakak, at yayaon na kasama ng mga ipoipo sa timugan.”

Ang busog o pana na taglay ng ating Panginoong Jesucristo ay kapangyarihan ng Diyos! At kung aling kapangyarihan ng Diyos ang tinutukoy ay nilinaw ito ni Apostol Pablo:

Roma 1:16-17

Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya; una’y sa Judio, at gayon din sa Griego. Sapagka’t dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni’t ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

Ang kapangyarihan ng Diyos na siyang armas na gagamitin ng ating Panginoong Jesucristo sa pakikipagbaka ay ang Evangelio o mga Salita ng Diyos. Ito ang katuwiran at katotohanang ipanghahatol niya! At ayon na rin kay Apostol Pablo, gaano katalas ang mga Salita ng Diyos?

Hebreo 4:12

Sapagka’t ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.”

Ang mga Salita ng Diyos, kung gayon, ang gagamitin ng Panginoong Jesucristo sa kaniyang pakikipagbaka. Ito ang dahilan kaya siya tinatawag na Verbo ng Diyos. Tunghayan natin ang pagtatapat mismo ng ating Panginoong Jesucristo:

Juan 14:23-24

Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: siya’y iibigin ng aking Ama, at kami’y pasasa kaniya, at siya’y gagawin naming aming tahanan. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.”

Ang katotohanang ito tungkol kay Cristo ay binanggit din ng haring si David sa kaniyang hula:

Awit 45:4-7 RSV (salin sa Filipino)

Sa iyong kamahalan ay sumakay kang nagtatagumpay alang-alang sa katotohanan at upang ipagtanggol ang katuwiran; bayaang ang kanang kamay ay magturo sa iyong kakilakilabot na mga bagay! Ang iyong mga palaso ay matulis sa mga kaaway ng hari; Mga tao’y nangabubuwal sa ilalim mo. Ang iyong banal na luklukan ay mananatili magpakailan-kailan man. Ang iyong maharlikang setro ay setro ng katarungan. Iniibig mo ang katuwiran at ipinagtatanim ang kasamaan. Kaya’t ang Dios, ang iyong Dios, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan na higit kay sa iyong mga kasama;

Ang ibig sabihin, ang setro ng ating Panginoong Jesucristo ay mananatili magpakailan-kailan man sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos, samakatuwid baga’y ang Evangelio. At maging ang pagiging maamo ni Cristo sa kaniyang pakikipagbaka ay ipinagpauna na rin ni Propeta Isaias:

Isaias 42:1-4

Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya’y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa. Siya’y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya’y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan. Siya’y hindi manglulupaypay maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.”

Ang katuparan ng hulang ito ng propetang si Isaias ay naitalang malinaw ni Apostol Mateo:

Mateo 12:15-20

At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya’y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat, At ipinagbilin niya sa kanila, na siya’y huwag nilang ihayag: Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil. Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan. Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom.”

Walang anomang pag-aalinlangan na ang lalakeng nakasakay sa maputing kabayo ay ang ating Panginoong Jesucristo. Kanino nakipagbaka at nagtagumpay si Jesus? Tunghayan natin ang pagtatapat mismo ng ating Panginoong Jesucristo:

Juan 16:33

Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”

Samakatuwid, napagtagumpayan at dinaig ng ating Panginoong Jesucristo ay ang sanglibutan. At kung alin at anu-ano ang kaniyang napagtagumpayan ay nilinaw ito ni Apostol Pablo:

I Corinto 15:24-26

Kung magkagayo’y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga’y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. Sapagka’t kinakailangang siya’y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway. Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.”

Samakatuwid, ang lahat ng bagay sa sanlibutan ay dinaig ng ating Panginoong Jesucristo. Ang mga kaaway niya ay ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, at kapangyarihan. Sa dakong huli ay kaniyang lilipulin pati na ang kamatayan! At kung aling paghahari, kapamahalaan, at kapangyarihan ang tinutukoy ni Apostol Pablo ay nilinaw niya ito sa kaniyang sulat sa mga taga-Efeso:

Efeso 6:12

Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.”

At kung paano naman dinaig ng ating Panginoong Jesucristo ang kamatayan, ay siya rin ang nagpaliwanag nito:

Mateo 16:18 MB

At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.”

Bakit mahalagang daigin ni Cristo ang kamatayan? Ano po ang sama kung pagharian ang sinoman ng kamatayan? Nilinaw ito rin ito sa Apocalipsis:

Apocalipsis 20:14

At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.”

Malinaw na ang sinomang pagharian ng kamatayan ay ibubulid sa dagat-dagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan! Ang iglesiang itinayo ng ating Panginoong Jesucristo ay hindi paghaharian ng kapangyarihan ng kamatayan.

Ano ang matibay na katunayan na makakalakip sa unang pagkabuhay na mag-uli ang mga namatay na mga tapat na kaanib ng Iglesia ni Cristo? Si Apostol Pablo rin ang nagpaliwanag nito:

I Corinto 15:12-16, 23

Kung si Cristo nga’y ipinangangaral na siya’y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? Datapuwa’t kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: At kung si Cristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya. Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka’t aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay. Sapagka’t kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:”

“Datapuwa’t ang bawa’t isa’y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito.”

Samakatuwid, kung papaanong ang ulo ng Iglesia ni Cristo ay nabuhay mag-uli, gayon din, mabubuhay na mag-uli ang katawan ni Cristo, na siyang Iglesia, sa araw ng paghuhukom. At ayon na rin kay Apostol Pablo, ano ba ang pangyayaring magaganap sa araw ng paghuhukom?

I Corinto 15:52-57

Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay nangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin. Sapagka’t kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Datapuwa’t pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan: Datapuwa’t salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.”

Samakatuwid, ganap na ang pagtatagumpay ni Cristo at ng kaniyang Iglesia ang kamatayan sa araw ng paghuhukom! Napakahalaga na banggitin din ang sinasabi sa hula na ang lalaking nakasakay sa kabayong maputi ay nararamtan ng damit na winisikan ng dugo. Alin ba ang katawan na nararamtan ng damit na winisikan ng dugo? Tunghayan natin ang paliwanag ni Apostol Pablo:

Gawa 20:28 Lamsa

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”

Ang winisikan ng dugo o binili ng dugo ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo. Mahalagang tiyakin natin, ano ba ang halaga ng dugo ni Cristo? Bakit kailangang tubusin niya ng kaniyang dugo ang Iglesia na katawan niya?

Hebreo 9:14, 22

Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?”

“At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.”

Samakatuwid, kailangan muna na mapabilang sa loob ng Iglesia ni Cristo upang masakop ng pagtubos, mapatawad sa mga kasalanan at magkamit ng kaligtasan. Sa harap ng Diyos, ano ang naging kahulugan ng pagpasok sa Iglesiang tinubos ng dugo ni Cristo?

Apocalipsis 7:13-14

At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling? At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.”

Ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo ay napatawad sa kasalanan. Hinugasan nila ang kanilang damit at pinaputi ng dugo ni Cristo. Tiniyak ni Apostol Juan kung alin ang tinutukoy na damit na hinugasan ng dugo ni Cristo:

Apocalipsis 19:7-9

Tayo’y mangagalak at tayo’y mangagsayang mainam, at siya’y ating luwalhatiin; sapagka’t dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na. At sa kaniya’y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka’t ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal. At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito’y siyang tunay na mga salita ng Dios.”

Samakatuwid, ang damit ng mga Iglesia ni Cristo na pinaputi ng dugo ni Cristo ay ang kanilang matuwid na gawa o pagsunod sa mga Salita ng Diyos na gagamitin nila sa pakikibaka sa lahat ng uri ng kasamaan. At ano ang pangako mismo ng ating Panginoong Jesucristo sa lahat ng kaanib ng kaniyang Iglesia na magtatagumpay sa pakikipagbaka na tulad niya?

Apocalipsis 3:4-5

Nguni’t mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nangagdumi ng kanilang mga damit: at sila’y kasama kong magsisilakad na may mga damit na maputi; sapagka’t sila’y karapatdapat. Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.”

Malinaw na ngayon na ang nakasakay sa kabayong maputi ay ang ating Panginoong Jesucristo at ang Iglesia ni Cristo na katawan niya. Sila ang nakikipagbaka at yumayaong nagtatagumpay upang magtagumpay! Sila ang naglalapat ng hatol sa pamamagitan ng katuwiran at katotohanan, o mga Salita ng Diyos!

Huwag din nating kalilimutan, na ayon sa hula, ang lalakeng nakasakay sa kabayong maputi ay binigyan ng Diyos ng putong o korona ng karangalan. Unahin nating alamin ang ukol sa ipinagkaloob na putong sa ating Panginoong Jesucristo.

Efeso 1:20-23

Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito’y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan, Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa’t pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating: At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.”

Tangi sa mga karangalang inihayag ni Apostol Pablo na ipinagkaloob ng Diyos sa ating Panginoong Jesucristo, ano pa ang dakilang bagay na ibinigay ng Diyos sa kaniya?

Filipos 2:9-11

Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.”

Napakadakilang putong ng karangalan ang tinanggap ng ating Panginoong Jesucristo dahil sa kaniyang pagtatagumpay sa pakikipagbaka! Puntahan naman natin ang putong ng karangalan na ibibigay ng Diyos sa mga Iglesia ni Cristo na nagtagumpay sa kanilang pakikibaka.

II Timoteo 4:6-8

Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.”

At kung ano ang putong ng katuwiran na ibibigay ng Diyos sa mga nagtagumpay sa kanilang pakikipagbaka ay nilinaw ni Apostol Santiago:

Santiago 1:12

Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso; sapagka’t pagkasubok sa kaniya, siya’y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya.”

Kung sinu-sino sa mga Iglesia ni Cristo ang nagtiis at nakapasa sa mga pagsubok upang kamtin ang putong ng buhay ay tiniyak sa Apocalipsis:

Apocalipsis 22:14, 1-5

Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.”

“At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero, Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawa’t buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya’y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka’t liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila’y maghahari magpakailan kailan man.”

At sino ang magiging kasama nila sa paghahari magpakailan man? Tunghayan natin ang sagot ni Apostol Pablo:

II Timoteo 2:10-12

Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan. Tapat ang pasabi: Sapagka’t kung tayo’y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya: Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:”

Napakapalad din at napakataas na karangalan ang ibibigay ng Diyos sa lahat ng mga Iglesia ni Cristo na namalaging malinis at maputi ang kanilang mga damit; nagtiis ng mga pagsubok sa pakikipagbaka. Maghahari silang lahat na kasama ni Cristo. At tangi sa magkakaroon sila ng karapatan sa putong ng buhay ay papasok pa sila sa bayan ng Diyos. Ano pa ang napakalaking biyayang kakamtin ng mga Iglesia ni Cristo na yumayaong nagtatagumpay? Alin ang kanilang mamanahin ayon kay Apostol Juan?

Apocalipsis 21:7, 1-5

Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako y magiging Dios niya, at siya’y magiging anak ko.”

“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka’t ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka’t ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”

Malinaw na malinaw na ngayon, na ang unang tatak ay simula ng Panahong Cristiano. Ang maputing kabayo ay panahon ni Cristo at ng mga apostol, at ang pagkakatatag ng unang Iglesia ni Cristo. Ang unang Iglesia, samantalang ito ay nasa tuwirang pamamahala ni Cristo at ng mga apostol, ay namalaging malinis, maputi, at karapat-dapat. Ang namamayani ay ang katuwiran at katotohanan. Ang bilang ng mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo na nagtagumpay sa pagtataguyod ng tunay na pananampalataya ay naitalang malinaw ni Apostol Juan:

Apocalipsis 14:1, 4

At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya’y isang daan at apat na pu’t apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.”

“Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka’t sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero.”

Ang Cordero ay ang ating Panginoong Jesucristo. Ang pangunahing bunga na kasama niya na naging kaanib sa Iglesia ni Cristo ay 144,000 na may pangalan niya at pangalan ng Ama na nakasulat sa kanilang noo. Sila ang bunga ng kaniyang pangangaral noong siya ay nasa lupa pa; ang iba pa ay naibunga ng mga apostol sa pangangaral ng ebanghelyo ni Cristo. Anong lahi ang mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo?

Apocalipsis 7:4

At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na isang daan at apat na pu’t apat na libo, na natatakan, sa bawa’t angkan ng mga anak ni Israel:”

Ang isang daan at apatnapu’t apat na libo ay ang mga Iglesia ng mga panganay na hindi nahawa sa masamang babae o dakilang babilonia, samakatuwid baga’y ang Iglesia Katolika  Romana. Ang mga unang kaanib sa Iglesia ni Cristo na buhat sa labingdalawang angkan ni Israel ay namalaging tapat, malinis, at karapat-dapat.

Lubos nating naunawaan ang mga pangyayaring naganap nang buksan ng Cordero ang unang tatak ng Apocalipsis.

Leave a comment