Huwag Umasa Ng Perpektong Buhay Dito Sa Mundo

Mahalaga na ating suriin kung sa ano nakasalig ang ating pag-asa at pagtitiwala sapagkat ang malimit na maging dahilan ng panghihina sa pananampalataya ng iba ay ang kawalan ng pag-asa.  Nawawalan ng pag-asa ang tao kapag ang pinagtitiwalaan niya ay ang hindi dapat asahan o mga bagay ng sanlibutang ito na siyang iniaalok ng diablo para agawin ang ating pag-asa at pagtitiwala sa Diyos.

 

 

Bakit hindi maaasahan ang mga bagay ng sanlibutan, bagama’t may mga nangangaral ngayon na ang ipinang-aakit sa tao ay ang mga materyal na bagay, na para bagang kapag ang tao ay sumunod at kumilala sa Diyos ay mawawala na ang lahat ng uri ng paghihirap, matatapos na ang lahat ng karamdaman, papasok na ang lahat ng kasaganaan sa kaniyang buhay, at mawawala na ang suliranin ng tao?  Subalit ito kaya ay totoo?  Ang pagtuturo ba na ang tao ay makapagtitiwala sa mga bagay na nasa mundo ay sinasang-ayunan ng Biblia?  Bakit anuman ang ating gawin dito sa mundo ay hindi natin matatamo ang isang perpektong buhay?

 

 

Bakit ang mga inaapi, lumuluha at naghihirap ay walang maasahang kalutasan sa sanlibutan?

Eclesiastes 4:1 MB

“Nakita ko ang kawalan ng katarungan sa daigdig.  Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisikil sa kanila.”

 

 

Ang malaking kamalian sa sanlibutang ito ay ang kawalan ng katarungan.  Walang tumutulong sa mga inaapi at sa mga lumuluha, dahil ang makapangyarihan sa sanglibutan ang siya pang sumisikil sa kanila.

 

 

Maituturing ba nating mapalad ang mabuhay sa mundong ito kung dito lamang nakalagak ang ating pagasa?

Eclesiastes 4:2 MB

“Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa mga buhay.”

 

 

Mas mapalad pa aniya ang mga patay kaysa mga buhay.

 

Bakit naisip ni Solomon na mas mapalad pa ang mga patay kaysa mga buhay?

Eclesiastes 4:3 MB

“Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang pagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa ibabaw ng lupa.”

 

 

Tayo na nabubuhay dito sa daigdig ang nakakakita araw-araw sa mga nagaganap na karahasan, malulubhang krimen, drug addiction, homosexuality at lahat ng uri ng kasamaan sa mundo.  Kaya kung ang pag-asa ng tao ay nasa mga bagay sa mundo, iyon ang pinakamasamang pagtitiwala sapagkat sa mundong ito ay walang perpektong buhay.

 

 

Hindi ba kayang lunasan ng pag-unlad ng karunungan ang mga suliranin sa sanlibutan?

Eclesiastes 2:15-17 MB

“Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin.  Ano nga ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong wala kaunti man.  Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging marunong, maging mangmang.  Kaya inisip kong wala ring halaga ang buhay pagkat pawang kahirapan lamang ang dulot sa akin.  Lahat nga ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.”

 

 

Hindi nalunasan ng karunungan ang pinakapangunahing problema ng buhay – ang kamatayan.  Iisa rin ang magiging hantungan ng mangmang at marunong, ng mayaman at mahirap – ang kamatayan.  Hindi natin sinasabing masama ang karunungan.  Ang sinasabi natin ay hindi ito mapagsasandalan ng tao at pakikinabangan lamang niya ito habang siya ay nabubuhay pa.  Itanong natin sa ating sarili: Saan ba nakalagak ang ating pagtitiwala?

 

 

May awtoridad ba si Solomon na magsalita tungkol sa karunungan?

Eclesiastes 1:12-13 MB

“Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel.  Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa silong ng langit.  At nakita kong ang tao’y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap.”

 

 

Si Haring Solomon ay kinilala sa kaniyang panahon at ito ay  pinatutunayan ng kasaysayan at maging sa panahong ito ay kinikilala pa rin ang tinaglay niyang karunungan.

 

 

Bakit itinalaga ng Diyos ang tao sa matinding paghihirap?

Isaias 24:5-6 MB

“Ang daigdig na ito ay magiging karumal-dumal Dahil sa mga taong may maruming pamumuhay; Mga taong lumalabag sa tuntunin ng Kautusan At ayaw tumalima sa walang hanggang tipan.  Kaya’t ang sumpa’y daranasin ng daigdig, At magdurusa ang mga nilikha dahil sa kanilang kasamaan, At ilan lamang ang matitira.”

 

 

Naging karumal-dumal ang daigdig dahil sa paglabag ng tao sa mga kautusan ng Diyos.  Isinumpa ng Diyos ang mundong ito.  At magaganap pa ang lalong kakilakilabot na pangyayari dahil sa sumpa ng Diyos na siyang bunga ng kasamaan ng tao.

 

 

Kailan mangyayari iyon at paano?

II Pedro 3:7

“Nguni’t ang sangkalangitan ngayon at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”

 

 

Itinakda ng Diyos ang paglipol sa pamamagitan ng apoy sa araw ng Paghuhukom.  Ngunit ang maraming lumitaw na mga tagapangaral ngayon, sa halip na ituro ang paraan kung paano makatatakas sa kamatayan ang tao at maliligtas sa araw ng paghuhukom, ay ibinabaling ang tiwala at pag-asa ng tao sa mga bagay ng sanlibutang ito.  Mali iyon, sapagkat hindi rito sa mundo matatamo ng tao ang perpektong buhay na inaasam ng tao.  Anuman ang gawin ng tao ay wala nang remedyo sa masamang kalagayan ng mundong ito.

 

 

Ano ang iniaalok ni Cristo kapalit ng kapighatiang dinaranas ng tao sa sanlibutan?

Juan 16:33 NPV

“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.  Sa sanlibutan ay magkakaroon kayo ng kapighatian.  Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob!  Dinaig ko na ang sanlibutan.”

 

 

Ang iniaalok sa atin ng Panginoong Jesucristo ay kapayapaan.

 

 

Aling kapayapaan ang iniaalok ng ating Panginoong Jesucristo?  Bakit iyon ang lunas?

Colosas 1:21-22 NPV

“Dati, malayo kayo sa Dios at ibinilang na kaaway dahil sa masama ninyong pamumuhay.  Ngayon ay nakipagkasundo na kayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang pisikal na katawan, upang maiharap niya kayo sa kanya na banal, walang kapintasan o batik.”

 

 

Lahat ng tao ay nalayo sa Diyos at ibinilang na kaaway Niya dahil sa kasalanan.

 

 

Ano ba ang itinalaga ng Diyos para ang tao ay muling mabalik, mailapit at maipakipagkasundo sa Kaniya?

Colosas 1:20 NPV

“At sa pamamagitan ng Anak, ginawa ang pakikipagkasundo sa kanya ng lahat ng bagay dito sa lupa at maging sa langit, sa pamamagitan ng pagbububo ng kanyang dugo sa krus.”

 

 

Ang tunay na lunas sa suliranin ng buhay ng tao sa mundo ay ang pagliligtas ng ating Panginoong Jesucristo.  Subalit ang kailangan ay masakop tayo ng dugo ni Cristo na nabubo sa krus.  Ang sabi ng mga tagapangaral ngayon, iyan nga ang itinuturo namin: si Jesucristo ang ating tagapagligtas.  Pero, kulang iyon sapagkat mayroon pa silang dapat ituro.

 

 

Alin pa ang katotohanang dapat ituro ngunit hindi itinuturo ng maraming nangangaral ngayon?

Efeso 5:25-27 MB

“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya.  Inihandog  niya ang kanyang buhay para rito.  Upang ang iglesya’y italaga sa Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita.  Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang iglesya, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot.”

 

 

Ang tagapagligtas ay si Cristo at ang kaniyang ililigtas ay ang Iglesia.  Ang nasa Iglesia ay hindi na kaaway ng Diyos.  Kaya maaari nang lumapit sa Diyos; nalunasan na ang pinakamalubhang suliranin ng tao.

 

 

Aling Iglesia ang tinubos ng dugo ni Cristo?

Gawa 20:28 Lamsa

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo”

 

 

Nasa Iglesia ni Cristo ang katubusan at ang pagtatamo ng kaligtasan.

 

 

Bakit ang tao kapag nasa labas ng Iglesia ay walang pag-asang maligtas?

I Corinto 5:12-13  (a) NPV

“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng iglesya?  Hindi ba kayo ang hahatol sa mga nasa loob?  Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas.”

 

 

Dios ang hahatol sa mga nasa labas.  Ang nasa labas ay nasa ilalim ng hatol.

 

 

Paano malulunasan ng pagtubos na tinamo natin kay Cristo ang mga suliranin ng buhay?

Apocalipsis 7:14-17

“At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam.  At sinabi niya sa akin, Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.  Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.  Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init:  Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.”

 

 

Ang inilalarawan sa mga talatang ito ay ang magiging uri ng pamumuhay sa piling ng Cordero o ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang kaharian.  Nasa bayang banal ang perpektong buhay.  Doon ay wala ng gutom, wala ng hirap, wala ng uhaw, at wala na ang lahat ng problema.

 

 

Ano ang kailangan upang tulungan tayo ng Diyos na makarating sa piling Niya at makatawid sa masuliraning buhay?

Awit 34:19 MB

“Ang taong matuwid, masuliranin man, Sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.”

 

Aalalayan ng Diyos ang matuwid kapag sila’y may suliranin.  Kaya alisin natin sa buhay ang lahat ng pagkakasala at mamuhay tayo ng matuwid.

 

Papaano tutulungan ng Diyos ang mga lingkod niyang matuwid?

Awit 34:20-21 MB

“Kukupkupin siya nang lubus-lubusan, Kahit isang buto’y hindi magagalaw.  Ngunit ang masama, ay kasamaan din Sa taglay na buhay ang siyang kikitil.”

 

 

Ang matuwid ang kukupkupin ng Panginoong Diyos.  Iingatan Niya sa lahat ng kasamaan.

 

 

Kung tayo ba’y sumunod sa mga kalooban ng Diyos ay naaapi ba tayo?  Ano ba ang dahilan at hinihikayat tayo na sumunod sa mga utos ng Diyos?

Awit 37:23-24 MB

“Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, Ay itong si Yahweh, nang upang maligtas; Sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.  Kahit na mabuwal, siya ay babangon, Pagkat ang alalay niya’y Panginoon.”

 

 

Hindi malulugi ang mga sumusunod sa Diyos.  Kahit pa dumating ang pagkakataon na siya ay mabuwal ngunit nananatili sa pagsunod sa Diyos, siya ay Kaniyang aalalayan at muling ibabangon ng Diyos.

 

 

Ano ang anyaya sa atin ng Diyos sa halip na mabalisa sa hirap ng buhay?

Filipos 4:6,19 MB

“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay.  Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.”

“At buhat sa kayamanan niyang hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.”

 

 

Maaaring hindi tayo sumagana sa mundong ito subalit hindi tayo kakapusin.  Maaaring hindi tayo maging napakayaman ngunit hindi naman tayo magiging napakahirap.  Kaya hindi dapat mabalisa sa anumang bagay.

 

 

Paano ang naghihirap dahil pinarurusahan sila ng Panginoong Diyos, wala na ba silang pag-asa?

Awit 107:10-14 MB

“Sa dakong madilim, May nangakaupo na batbat ng lungkot, Bilanggo sa dusa, At sa kahirapan sila’y nagagapos.  Ang dahilan nito Sila’y naghimagsik, lumaban sa Diyos;  Yaong pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.  Nahirapan sila, Pagkat sa gawain sila’y hinagupit; Sa natamong hirap, Nang sila’y bumagsak ay walang lumapit. Sa gitna ng hirap, Sa Panginoong Diyos sila ay tumawag; At dininig naman Yaong kahilingan na sila’y iligtas.  Sa dakong madilim, Sila ay hinango sa gitna ng lungkot, At ang tanikala Sa kamay at paa ay kanyang nilagot.”

 

 

Naghihintay ang Panginoong Diyos na tayo ay lumapit at dumalangin sa Kaniya.  Kaya masikap natin Siyang hanapin habang iniaalok Niya sa atin ang Kaniyang kabutihan.  Baunin natin hanggang sa kamatayan ang ating pagka-Iglesia ni Cristo.  Walang suliraning hindi malulunasan ang isang tunay na Iglesia ni Cristo.  Walang dahilan para siya ay mawalan ng pag-asa. Gaano man kabigat ang suliranin na nakapasan sa ating balikat ay may lunas.  Ang lulunas ay ang pinakadakila sa lahat at nagmamahal sa Iglesia, ang Panginoong Diyos.  Sa tuwina ay nakahanda Siyang makinig sa dalangin at sa paghibik ng Kaniyang mga hinirang.

One thought on “Huwag Umasa Ng Perpektong Buhay Dito Sa Mundo

  1. oo nga ,subalit ang pagka iglesia ni Kristo ang ginagamit nila panakot sa sino mang tatanggi sumunod sa mali .. Basta bahala na ang Dios sa akin sya lang ang nakakikilala sa aking puso at gawa, wala man ako sa loob ng INC importante hindi ako susunod sa alam kong mali at susundin ko kung ano ang tama utos ng Dios ang mamuhay ng matuwid marami man akong kapintasan subalit ako ay humihinge ng kanyanag gabay at patnubay sya lang nakababatid ng aking puso isip at gawa ..Sya lang ang may karapatang humusga ..Amen

    Like

Leave a comment