Ang Mga Kinikilalang Tunay Na Kay Cristo At Ang Ikapananatili Sa Biyayang Ito

Maliwanag ang aral sa Biblia na ang Panginoong Jesucristo ang ibinigay ng Diyos na Tagapagligtas. Naunawaan at sinampalatayanan din natin ang pagliligtas na gagawin ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang Iglesia, ang Iglesia ni Cristo. Dito tayo tinawag ng Diyos at natitiyak natin na ang Iglesiang ito ay ang tunay na Iglesia. Subalit ang tanong ay ito: Lahat ba ng kaanib ay maituturing na tunay na kay Cristo na? Mahalaga na ito ay liwanagin natin sa pamamagitan din ng Biblia.

Paano ipinakita ng mga apostol ang pagkakaiba ng mga tunay na kay Cristo at ng mga hindi sa Kaniya?

Roma 8:9

“Datapuwat kayo’y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo’y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Datapuwat kung ang sinoma’y walang Espiritu ni Cristo, siya’y hindi sa kaniya.”

Tandaan nating mabuti, tumitira ang Espiritu ng Diyos sa mga taong nasa espiritu at wala na sa laman. Ito ang mga kay Cristo, ngunit ang walang Espiritu ni Cristo ay hindi sa Kaniya. Kaya, ano ang dapat gawin? Dapat ay mamuhay tayo ng naaayon sa aral ng Diyos. Huwag tayong tutulad sa mga tao sa sanlibutan. Abalang abala sila sa buhay na ito at nawawalan ng panahon sa paglilingkod sa Diyos. Ang marami ay puro na lang sa hanapbuhay nauubos ang panahon, ang iba naman ay sa barkada at kalayawan iniuukol ang sarili.

Sino ang wala na sa laman na siyang kinaroroonan ng Espiritu ni Cristo?

Roma 8:10

“At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwat ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.”

Ang may Espiritu ni Cristo ay hindi na nabubuhay sa paglabag sa kautusan ng Diyos. Nabubuhay siya sa pagsunod sa mga kalooban ng Diyos.

Bakit napakahalaga na manahan sa atin ang Espiritu ng Diyos at mapabilang tayo sa mga tunay na kay Cristo?

Roma 8:11 MB

“Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesucristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.”

Kung nasa atin ang Espiritu ng Diyos na bumuhay kay Cristo, ang Diyos din ang magbibigay-buhay sa ating katawang may kamatayan. Samakatuwid,  magkakamit din ng tunay na buhay. 

Ano ang makikita sa buhay ng mga tunay na kay Cristo na nabubuhay sa espiritu?

Galacia 5:22-24 MB

“Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang utos laban sa ganitong mga bagay. At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang likas nilang pagkatao, kasama ang masasamang pita nito.”

Inisa-isa dito ang ilan sa mga katangiang dapat makita sa ating lahat. Pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo ang likas nilang pagkatao kasama ang mga masasa-mang pita nito. Ang tao ay likas na mahina at may kapintasan.

Sino ang mga nakipag-isa kay Cristo na hinahanapan ng bunga ng Espiritu?

I Corinto 1:2

Sa iglesia ng Diyos na nasa Corinto, samakatuwid bagay sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawat dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon.”

Ang mga tinawag sa Iglesia ang tinutukoy ni Apostol Pablo na siyang nakipag-isa kay Cristo.

Papaano naging kaisa ni Cristo ang nasa Iglesia?

Colossas 1:18

“At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid baga’y ng iglesia…”

Ano ang pangalan ng Iglesiang katawan ni Cristo?

Roma 16:16

“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga Iglesia ni Cristo.”

Gaano kahalaga ang Espiritu sa mga Iglesia ni Cristo?

Galacia 5:25 MB

Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin kaya ito rin ang dapat maghari sa ating mga buhay.”

Dahil sa kahalagahan ng Espiritu ng Diyos sa atin, ano ang dapat nating hilingin sa Diyos?

Awit 51:10-12 NPV

“Likhaan Mo ako ng pusong dalisay, O Diyos, at bigyan Mo ako ng isang matatag at bagong espiritu.Huwag Mo akong ilayo sa Iyong harapan o alisin sa akin ang Banal Mong Espiritu. Ibalik Mo sa akin ang kagalakan ng ‘yong pagliligtas at pagkalooban ako ng espiritung handa at sa aki’y magpapalakas.”

Anu-ano ba ang mga gawa ng laman at ano ang sasapitin ng mga gumagawa nito?

Galacia 5:19-21 MB

“Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, kahalayan, pagsamba sa diyus-diyusan, pangkukulam, pagkapoot, pagkagalit, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya, at iba pang tulad nito. Bina-balaan ko kayo tulad noong una: hindi tatanggapin sa kaharian ng Diyos ang gumagawa ng gayong mga bagay.”

Ang mga gawa ng laman ay ang lahat ng kasalanan. Ito ang mga gawaing imoral, kalayawan, pagiging makasarili, pagkahumaling sa mga bagay ng sanlibutan, kawalan ng pag-ibig o pagpapahalaga sa kapuwa. Dapat ding alalahanin na hindi lamang ang lumuluhod sa rebulto ang sumasamba sa diyus-diyusan sapagkat ang iba ay sumasamba naman sa diyus-diyusan ng puso at diyus-diyusan ng tiyan. Ang gumagawa ng mga ito’y hindi papapasukin sa kaharian ng Diyos kaya hindi sila maliligtas.

Ano ang ibubunga sa tao na nahuhumaling sa mga bagay na ukol sa laman bukod sa hindi sila kinalulugdan ng Diyos at hindi tatanggapin sa Kaniyang kaharian?

Roma 8:5-6 MB

“Sapagkat ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay nahuhumaling sa mga bagay na ukol sa laman, ngunit ang namumuhay sa patnubay ng Espiritu ay nagsisikap ukol sa mga bagay na espirituwal. Ang pagkahumaling sa mga bagay ukol sa laman ay magbubulid sa kamatayan, ngunit ang pagsisikap sa mga bagay ukol sa espiritu ay magbubunga ng buhay at kapayapaan.”

Manganganib na hindi maligtas ang isang Iglesia ni Cristo na nabubuhay pa sa mga gawa ng laman, kaya kailangan silang magbagong-buhay. 

Ano ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa mga Iglesia ni Cristo na nagkasala?

Isaias 55:6-7 NPV

“Hanapin ninyo ang Panginoon habang Siya’y matatagpuan; tawagin ninyo Siya habang Siya ay malapit. Talikdan na ng masama ang kanyang lakad, at ng taong liko ang kanyang mga iniisip. Bayaan siyang manumbalik sa Panginoon at siya’y kahahabagan Niya. Manumbalik siya sa ating Dios pagkat madali Siyang magpatawad.”

Ano pa ang dapat gawin ng mga nagkasala sa Diyos upang sila’y patawarin?

I Juan 1:9 MB

Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid.”

I Juan 2:1-2 MB

“Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Jesucristo, ang walang sala.Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.”

Dapat kilalanin at ipahayag natin sa Diyos ang ating kasalanan upang tayo ay Kaniyang linisin at patawarin. Si Cristo ang mamamagitan para sa atin. 

May pag-asa pa kaya na patawarin ng Diyos ang isang lingkod Niyang nagkasala na naging maruming-marumi na sa kasalanan?

Isaias 1:18 MB

“Halikayo at magliwanagan tayo, Gaano man karami ang inyong kasalanan, Handa akong ipatawad ang lahat ng iyan. Kahit na kayo’y maruming-marumi sa kasalanan; Kayo’y magiging busilak sa kaputian.”

Ang ating Diyos na mahabagin ay handang magpatawad sa mga lingkod Niyang taos-pusong nagbabalik-loob at lubos na nagsisisi. Ito ang kahalagahan ng nasa Iglesia ni Cristo; mayroon tayong Cristo na Tagapamagitan natin sa paglapit sa Ama. Kaya habang nasa atin pa ang pagkakataon at nananatili pa ang pagpapa-hinuhod ng Diyos ay magbagong buhay na upang hindi tayo makasama sa mga mapapahamak at parurusahan.

Leave a comment