Ang Ikatlong Tatak

Puntahan naman natin ang mga pangyayaring nakapaloob sa ikatlong tatak nang ito ay buksan ng Cordero:

Apocalipsis 6:5-6

″At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay narinig ko sa ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, Sa isang denario ay isang takal na trigo, at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis at ang alak.”

 

Ang nilalaman ng ikatlong tatak ay isang kabayong maitim, ang nakasakay rito ay may timbangan sa kaniyang kamay. Ang timbangan ang ginagamit nito sa trigo at sebada. Nasa kapangyarihan din nito ang ikapapahamak ng alak at langis. At dahil sa gawain nito, ang panahon niya ay pusikit na kadiliman. Samakatuwid, ang mensahe ng maitim na kabayo ay panahon ng “Dark Ages”.

 

Alamin natin, sino ba ang ilaw ng sanglibutan at ano ang nagbibigay ng liwanag sa ilaw? Ang ating Panginoong Jesucristo mismo ang sasagot sa katanungang ito:

Juan 8:12

″Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”

 

Alin ba ang mga salita ni Cristo na kapag sinunod ng sinoman ay hindi lalakad sa kadiliman, bagkus ay magkakaroon ng liwanag? Ituloy natin ang pagtunghay sa pagtatapat ng ating Panginoong Jesucristo:

Juan 17:6, 8

″Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa  sanglibutan: sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita.”

“Sapagka’t ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.”

 

Ano ang pagkakakilanlan sa mga taong sumunod sa mga salita ng Diyos at mga taong ibinigay ng Ama sa ating Panginoong Jesucristo? Naitalang malinaw ni Apostol Mateo ang sagot ng ating Panginoong Jesucristo:

Mateo 5:15-16

″Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay. Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.”

 

Malinaw na sa atin na tangi sa ating Panginoong Jesucristo na ilaw ng sanglibutan, ang mga taong ibinigay rin ng Panginoong Diyos sa kaniya ay mga ilaw rin. Ang liwanag nila ay ang mabubuting gawa dahil sa pagsunod nila sa mga salita ng Diyos.

 

Sino ang mga taong ito na mga ilaw rin ng sanglibutan dahil sa kanilang mabubuting gawa? Si Apostol Pablo ang nagpaliwanag nito:

Efeso 2:10

″Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.”

 

Tiyakin natin, sino ang mga taong ito na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa? Ituloy nating basahin ang sagot ni Apostol Pablo:

Efeso 2:13-16

″Datapuwa’t ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo. Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinag-isa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay, Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan; At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa namamagitan ng krus, na sa kaniya’y pinatay ang pagkakaalit.”

 

Alam na natin na nilalang ni Jesucristo ang isang taong bago sa ikapagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos, si Cristo bilang ulo at ang Iglesia bilang katawan. Samakatuwid, ang ilaw ng sanglibutan ay ang ating Panginoong Jesucristo at ang Iglesia ni Cristo; ang langis na nagbibigay liwanag sa kanila ay ang mga salita ng Diyos!

 

Sa ikalawang tatak, ang ating Panginoong Jesucristo ay nasa langit na; ang mga kaanib naman sa unang Iglesia ni Cristo ay nilusob ng mga ganid na lobo. Nasagupa nila ang matinding pag-uusig at hindi pinatawad ang kawan kaya nangamatay ang mga tunay at tapat na kaanib ng Iglesia. Ang mga nalabi naman ay naitalikod ng mga bulaang tagapangaral na lumitaw mula rin sa kanila. Namatay ang kanilang pagka-Iglesia ni Cristo kaya ibang organisasyon na ang nagpatuloy. Natatag ang relihiyon ni satanas, ang Iglesia Katolika. Nawala ang kapayaan sa Diyos at ang ilaw ng sanglibutan!

 

Dahil dito ano na lamang ang naiwan sa lupa na magbibigay liwanag sa daigdig? Basahin natin ang sagot ni Haring Solomon:

Kawikaan 6:23

″Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; At ang mga saway na turo ay daan ng buhay:”

 

Alamin natin, kung ang mga salita ng Diyos ay magbibigay liwanag sa ikapagtatamo ng buhay. Itinuro ba ito ng mga tagapagturo ng relihiyon ni satanas? Ano ang kanilang ipinangaral kaya naghari ang kadiliman sa sanglibutan? Tunghayan natin ang patotoo ni Apostol Tadeo:

Judas 1:12-13

″Ang mga ito’y pawang mga batong natatago sa inyong piging ng pagiibigan, kung sila’y nakikipagpiging sa inyo, mga pastor na walang takot na nangagpapasabsab sa kanilang sarili; mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat; Mga mabangis na alon sa dagat, na pinagbubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga bituing gala na siyang pinaglaanan ng pusikit ng kadiliman magpakailan man.”

 

Ang mga tagapangaral ni satanas ay mga bituing gala; mga alapaap na walang tubig, na ang ibig sabihin ay walang mga salita ng Diyos. Ang ipinasasabsab ay ang kanilang sarili, na ang ibig sabihin ay mga utos at aral na ng mga tao ang ipinangangaral! Bakit? Ano ang kanilang ginawa sa mga kautusan ng Diyos kaya naghari ang kadiliman sa buong daigdig? Tunghayan natin ang Apocalipsis mismo ng ating Panginoong Jesucristo:

Apocalipsis 11:3-4, 6-12

″At may ipagkakaloob ako sa aking dalawang saksi, at sila’y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo. Ang mga ito’y ang dalawang punong olibo at ang dalawang kandelero, na  nangakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.”

“Ang mga ito’y may kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at mapahirapan ang lupa ng bawa’t salot sa tuwing kanilang nasain. At pagka natapos nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan sila, at sila’y papatayin. At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila. At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay malibing. At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila’y mangagpapadalahan ng mga kaloob; sapagka’t ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa. At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila’y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila. At narinig nila ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila’y umakyat sa langit sa isang alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.”

 

Sa Apocalipsis ay may dalawang saksi ang Diyos na pinagkaloobang makapanghula. Sila ang dalawang puno ng olibo at dalawang kandelero. Ang dalawa ay nararamtan ng kayong magaspang at may kapangyarihang sarhan ang langit upang huwag umulan, gawing dugo ang tubig, at magpadala ng salot sa buong daigdig.

 

Ano ba ang katangian ng dalawang puno ng olibong o kandelero at may kapangyarihan sila, laluna ang makapanghula? Si Propeta Zacarias ang nagpaliwanag nito:

Zacarias 4:11, 14

″Nang magkagayo’y sumagot ako, at nagsabi sa kaniya, Ano itong dalawang puno  ng olibo sa dakong kanan kandelero, at sa dakong kaliwa?”

“Nang magkagayo’y sinabi niya, Ito ang dalawang anak na pinahiran ng langis, na nakatayo sa siping ng Panginoon ng buong lupa.”

 

Ano ba ang langis na hindi dapat ipahamak nang nakasakay sa kabayong maitim na may hawak na timbangan; na ito ang ipinahid sa dalawang saksi? Ang propetang si Moises ang nagpaliwanag nito:

Exodo 25:6

″Langis sa ilawan, mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong pangsuob;”

 

Ang langis ay para sa ilawan para lumiwanag ito. Si Cristo at ang mga kaanib sa Iglesia ang ilaw ng sanglibutan. Ang nagpapaliwanag sa kanila ay ang mga salita ng Diyos. Ang langis ay ang salita ng Diyos! Taglay ng dalawang saksi ang mga salita ng Diyos kaya sila ay may kapangyarihang manghula, pigilan ang langit para huwag umulan, gawing dugo ang tubig, at magpadala ng salot sa buong daigdig!

 

At dahil sa ang nakasakay sa kabayong maitim ay walang kapangyarihang ipahamak ang salita ng Diyos, ang binalingan nito ay ang dalawang saksi! Umahon mula sa kalaliman ang hayop at binaka ang dalawa hanggang sa mapagtagumpayan sila. Pinatay ng hayop ang dalawang saksi. Ang dalawang ito na nararamtan ng kayong magaspang na taglay ang mga salita ng Diyos ay ang Matanda at Bagong Tipan.

 

Ang lahat ng panukala ng Diyos mula nang lalangin ang langit at lupa ay nakasulat na lahat sa Matandang Tipan at Bagong Tipan.

 

Nakasulat sa Matandang Tipan nang pigilin ng Diyos ang pagpatak ng ulan ng tatlo at kalahating taon dahil na rin sa pakiusap ng kaniyang lingkod na si Elias. Nakasulat din sa aklat na ito nang gawin ng Diyos na dugo ang tubig sa Egipto dahil na rin sa kaniyang sugo na si Moises. At nakasulat din sa dalawang aklat ng Biblia ang iba’t ibang salot sa iba’t ibang panahon na ipinadadala ng Diyos sa buong daigdig dahil na rin sa kasamaan ng mga tao.

 

At dahil nga hindi maaaring ipahamak ang mga salita ng Diyos, ang binalingan ng hayop ay ang Matanda at Bagong Tipan na kinasusulatan ng mga salita ng Diyos! Ang hayop na umahon sa lupa ay may dalawang sungay na katulad ng isang kordero nguni’t siya’y nagsasalita gaya ng dragon. Ito ang relihiyon ni satanas, o Katoliko. Ang dalawang sungay ay ang kapangyarihan ng Papa at Emperador ng Roma.

 

Pinatay ng Iglesia Katolika ang Matanda at Bagong Tipan sa pamamagitan ng pagsalin nila dito sa Latin, o wikang patay (latin vulgate); at pagbawal nila ditong basahin, o isalin sa iba’t ibang wika:

“Ang konsilyo ng Toulon noon 1239 ay talagang pinagbawalan ang mga karaniwang tao, na mag-angkin ng alinman sa mga aklat ng Biblia maliban na sa himno at Breviary (aklat na kinasusulatan ng tungkulin at panalangin) – ang huli ay gawaing naglalaman ng ilang bahagi ng kasulatan – at mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasalin nito sa anomang karaniwan, o katutubong wika.”

“Roman Catholicism in the Light of Scripture”, by F.C.H. and F. Walter (pp. 13-14)

 

At ayon na rin sa isang pari na pinatay nila sa pamamagitan ng garote, sa kaniyang aklat na may pamagat na “Totoo Kaya ang Kababalaghan?” na sinulat ni Padre Jose Burgos, sa p. 33 ay ganito ang kaniyang sinabi:

“Pinagsusunog ang libu-libong sipi ng banal na aklat na ito na natatagpuan sa iba’t ibang pook na pinamamayanihan ng relihiyong Romana.”

 

Gayon pinatay ng Iglesia Katolika ang Matandang Tipan at Bagong Tipan! At ayon sa hula, ang bangkay nila ay inilagay nila sa lansangan. Hayag sa paningin ng karamihan, mga bansa at mga angkan at mga wika at bayan, at ang lahat ay nangagagalak at dinadalhan nila ng mga kaloob, sapagka’t ang dalawang aklat ay nakapatong sa altar ng mga pareng nagmimisa, pinagmamasdan ng karamihan nguni’t wala nang buhay sapagka’t isinalin sa wikang patay!

 

Subali’t, pagdating ng takdang panahon, ang dalawang saksi ay muling bubuhayin ng Diyos. Sila’y babangon at magsisitindig! Paaakyatin sila ng Ama sa langit upang suma isang alapaap. Ang alapaap ay tagapangaral. Ang alapaap na walang tubig, dahil walang mga salita ng Diyos, ay mga tagapangaral ng aral ni satanas. Ang alapaap, na kung saan ay pinasampa ng Diyos ang Matanda at Bagong Tipan na muling nabuhay, ay isinugo ng Diyos! Ang katuparan nito ay tatalakayin natin sa dulo ng ika-anim na tatak.

 

Malinaw na sa atin ngayon, ang panahon ng kabayong maitim ay pusikit na kadiliman. Ito dahil sa ang mga ilaw at nagbibigay ng liwanag ay nangawala. Ang Papa at ang Iglesia Katolika ang siyang nakasakay sa kabayong maitim na may taglay na timbangan sa kamay. Alamin natin, ano ba ang kahulugan ng timbangan? Saan ito ginagamit? Basahin natin ang sagot ng propetang si Oseas:

Oseas 12:7

″Mangangalakal siya na may timbangang magdaraya sa kaniyang kamay: maibigin ng pagpighati.”

 

Ang timbangan ay ginagamit sa pangangalakal. Samakatuwid, ang Papa at ang relihiyon nito ay mangangalakal! Ang aatupagin nito ay ang pagpapayaman at negosyo. Gagamitin ang relihiyon sa pangangalakal! Ano ang patotoo ng ating dakilang bayani mismo, si Dr. Jose Rizal, na ang kapapahan at mga pari ay kinalakal ang kanilang relihiyon? Basahin natin ang sinulat ni Rizal na kahit sinong debotong katoliko ay hindi matutulan ang katotohanan nang sinabi nito:

 

“Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuwid, anuman ang mangyari. ’Gawa at hindi salita ang hiling ko sa inyo’, ani Kristo, ‘Hindi anak ni Ama ang nagsabing ulit-ulit; Ama ko, Ama ko!’ kundi ang nabubuhay alinsunod sa hiling ng aking Ama.’ Ang kabanalan ay wala sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Kristo ay di kilala sa halikang kamay. Si Kristo ay di humalik sa mga Fariseos, hindi nagpahalik kailan pa man. Hindi niya pinataba ang mayayaman at palalong escribas. Wala siyang binanggit na kalmen, walang pinapagkuwintas, hiningan ng pamisa, at di nagpabayad sa kaniyang pananalangin. Hindi napaupa si San Juan sa ilog ng Hordan, gayon din si Kristo sa kaniyang pangangaral. Bakit ngayon ang mga pare ay walang bigong kilos na di may hinging upa? At gutom pa halos: nagbibili ng mga kalmen, kuwintas, korea at iba’t iba pa, pandaya ng salapi, pampasama sa kaluluwa; sapagka’t kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupa, kuwintasin mo man ang lahat ng kahoy sa bundok, ibilibid mo man sa iyong baywang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat ng ito’y pagpaguran mang pagkurus-kurusan at pagbulung-bulungan ng lahat ng pare sa sandaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di mapalilinis ang maruming loob, di mapapatawad ang walang pagsisisi. Gayon din, sa kasakiman sa salapi ay maraming ipinagbabawal, na matutubos kapag ikaw ay nagbayad, gaya ng pagkain ng karne, pag-aasawa sa pinsan, kumpare at iba pa, na ipinahihintulot kapag ikaw ay sumuhol. Bakit? Nabibili baga ang Diyos at nasisilaw sa salapi na paris ng mga pari?”

“Maghunusdili nga tayo, at imulat natin ang mata….”

(Liham ni Rizal sa Kadalagahan sa Malolos, Europa, Pebrero, 1889, p. 5)

 

At totoo naman, ang lahat halos ng aral na itinuro sa Iglesia Katolika ang lundo ay salapi. Negosyo! At hindi lamang ang mga aral nito ang kanilang kinalakal, pati taong buhay kinalakal nila! Tunghayan natin ang “Vatican Imperialism in the Twentieth Century”, by Avro Manhattan, pp. 142, 144).

 

“Tinutulan ng Iglesia Katolika ang pag-aalis ng pang-aalipin….gaya halimbawa sa Brazil, na rito, nang panahon ng himagsikan sa Latino-Amerikano, ay nagkaroon ng pinakamalaking pulutong ng mga alipin sa buong Amerika, na mahigit sa kalahati ng 7,000,000 naninirahan ay mga alipin, na ang malaki-laking bahagi sa kanila ay pag-aari ng Iglesia…”

“Hindi lamang masigasig na tinutulan ng Iglesia Katolika ang pag-aalis ng pang-aalipin, kundi pinagtibay ang pang-aalipin. Isang utos ng Papa noong 1537 ang nagpatibay sa pagbubukas ng mga pamilihan ng mga alipin sa Lisbon, na rito mula sa 10,000 hanggang sa 12,000 mga Negro ang naipagbili taun-taon upang dalhin sa kolonya ng Amerika. Pinagtibay ng mga Papa ang pang-aalipin sa Portugal maging nito na lamang 1837.”

 

Ang totoo, hindi lamang ang mga itim ang ginagawa nilang mga alipin at ipinagbili. Kahit na mga puti at kaanib sa kanilang relihiyon ay ginagawa nilang alipin upang maipagbili. Patuloy nating tunghayan ang sinulat ni Avro Manhattan:

 

“Hindi lamang hindi nilabanan kailaman ng mga Papa ang pang-aalipin, hindi lamang tinanggap ito bilang bahagi at sangkap ng lipunang Kristiano, kundi tunay na hinikayat ang mga bansang Katoliko na bihagin at ipagbili ang mga Kristiano sa mga malayang pamilihan ng mga alipin ng Europa. Isang matutukoy na Papa ang nagpahayag ng karapatan ng alinmang kasarian, mga pare o karaniwang Katoliko na mag-ari ng mga alipin: tunay ang Papa ring ito ang nagpanukala ng walang iba kundi ang pagbihag at pagbibili ng mga Ingles na babae at lalake bilang mga alipin sa buong Kanluran. Ang pangalan ng Banal na Papa? Papa Pablo III.”

 

Marami pang mga aklat reperensya ang makapagpapatotoo sa mga inilahad na ito ni Avro Manhattan. At hindi lamang mga taong buhay ang kinalakal ng Iglesia Katolika, pati mga taong patay na! Tunghayan natin ang “The Catholic Encyclopedia”, Vol. XII. nihil obstat, July 1, 1911: Remy Lafort, S.T.D., Censor, Imprimatur: John Cardinal Farley, Archbishop of New York (pg. 736). Iniliwat sa wikang Pilipino ay ganito ang sinasabi:

“Sa pagpapasimula ng ika-siyam na siglo…..ang pagluluwas ng mga bangkay ng mga martir buhat sa Roma ay naging isang pangkaraniwang pangangalakal, at isang diakono, si Deusdona, ay nagtaglay ng isang mababang uri ng katanyagan sa ganitong mga kalakalan….Ang isa marahil, sa tinagat-tagal ng panahon, na hindi gaanong lubos na ikapapahamak kaysa sa pagsisinungaling o kasakiman, ay ang mahigpit na paglalabanan ng mga sentrong relihiyoso at ang marubdob na pagnanais na papaniwalain ang mga tao bunsod ng isang hangaring makilala bilang mga may-ari ng mga di-pangkaraniwan at kamangha-manghang relikya. Nabatid natin kay Casiano, sa ika-limang siglo, na may mga mongheng nanguha ng mga bangkay ng ilang mga martir sa pamamagitan ng dahas, na hindi inalintana ang kapangyarihan ng mga obispo, at ito ay isang salaysay na ating masusumpungan sa paulit-ulit na pagkakataon sa mga kasulatan ng Kanluran sa mga nahuling panahon.”

“Sa ganitong kapaligirang walang kinikilalang batas, ang mga nakapag-aalinlangang relikya ay dumami. Nagkaroong lagi ng malimit na pagpapasiya na ituring ang alinmang labi, na hindi sinasadyang matuklasan sa kalapit na simbahan o sa mga katakumba, na bangkay ng isang martir.”

 

Hindi maitatatuwa ng Papa at relihiyon nito na sangkot na sangkot sila sa pangangalakal ng iba’t ibang kaparaanan, magkamal lamang ng limpak-limpak na salapi. Ang totoo, pati pangingikil at panunuhol, ay natutuhan ng iba’t ibang pinuno ng iba’t ibang pamahalaan ng mga bansa dahil sa sistema ng pag-iingat na ginawa ng nakasakay sa kabayong maitim.

 

Ang alak na sinabi sa hula ay ang pakikiapid ng masamang babae, o ng Iglesia Katolika sa mga hari sa lupa:

Apocalipsis 17:1-2

″At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig; Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.”

 

Ang kinatuparan ng masamang babae na nakiapid sa mga hari sa lupa ay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana (IKAR). At ang layunin nito ay hindi lamang bigyan ng kapangyarihan ang relihiyon, kundi gamitin ang impluwensya ng pakikiapid nito sa mga hari upang magkamal ng limpak-limpak na salapi!

 

Ang unang pinakiapiran ng Papa ay ang emperdor ng Imperyo ng Roma. Tunghayan natin ang patotoo ng kanilang pari mismo sa aklat na “The Story of the Church”, sinulat nina Rev. George Johnson, Ph. D., Rev. Jerome Arthur J. Scanlan, S.T.D., censor librorum. Imprimatur: Patrick Cardinal Hayes, Archbishop of New York (p.172). Sa wikang Pilipino na ay ganito ang sinasabi:

 

“Iglesia at bansa sa ilalim ng pamamahala ni Carlomagno”

“Ang bagong Imperyo ang siyang magiging pansamantalang monarkiya ukol sa mga Kristiano sa ilalim ng dalawang kapangyarihan, ang Emperador at ang Papa, na ang bawa’t isa sa kanila ang siyang pinakamataas sa kaniyang sariling nasasakupan. Tungkulin ng bawa’t isa na tulungan at tangkilikin ang isa’t isa at huwag makialam sa gawain ng isa’t isa. Datapuwa’t, sa pagsasagawa, hindi gayon ang nangyari. Mula pa sa pasimula, ang Papa ay hindi lamang pinunong pang-espiritu, kundi naging pinunong panlupa rin…”

 

At hindi lamang umabot sa gayon ang panghihimasok ng Papa sa mga bagay na pangsekular; nagawa pa nitong maghalal ng isang hari sa hangarin nitong magkaroon ng sariling estado! Tunghayan natin ang sinulat ni James Harvey Robinson, Ginn and Company, ang “History of Western Europe” (pp. 72-73, 75-76). Iniliwat na sa wikang Pilipino, ganito ang nilalaman:

 

“Mapapansin na si Pippin ay ginawa ng Papa na hari nang walang pinagbabatayan….Itinaas sa mga kalasag ng mga konde at mga duke, pinahiran ng langis ni San Bonifacio, at binasbasan ng papa, si Pippin ay naging kauna-unahang hari sa sangbahayan ng Carolingia (Franko) noong 752, na nakapaghari na sa loob ng ilang saling-lahi sa mga Franko sa pangalan lamang,….Sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis kay Pippin ayon sa matandang kaugaliang Hudyo, una ni San Bonifacio at pagkatapos ng papa mismo, ‘ang isang pinunong Aleman,’ tulad nang ipinahayag ni Gibbon, ay naging pinahiran ng Panginoon.”

“Mainit na pinangatuwiranan ng papa na utang ni Pippin ang lahat ng kaniyang tagumpay kay San Pedro at ngayon ay dapat magmadali sa pagsaklolo sa kaniyang kahalili. Kung pahihintulutan ng hari na sugatan at pahirapan ng mga Lombardo ang lunsod ng prinsipe ng mga apostol, ang sarili niyang kaluluwa ay susugatan at pahihirapan sa impiyerno ng diyablo at ng kaniyang nakasasalot na mga anghel. Ang mga pangangatuwirang ito ay naging mabisa, dagliang nagsagawa si Pippin ng ikalawang paglalakbay sa Italya, na mula roon ay hindi na siya nagbalik-hanggang sa ang kaharian ng mga Lombardo ay kaniyang masakop, tulad nang nangyari sa Bavaria at Aquitaine.”

“Sa halip na ibalik ni Pippin sa emperador ng silangan ang mga lupain na hindi pa nalalaunang nasasakop ng mga Lombardo, ipinagkaloob niya ang mga ito sa papa….ang mga papa pagkatapos noon ay tinuringan na mga pinuno ng isang malaking distrito sa gitnang Italya, na umaabot sa ibayo ng tangway (peninsula) mula sa Ravenna hanggang sa pinakatimog na dako ng Roma…. Ang papa ng Italya hanggang noong 1860 ay nagpapakita ng gayon ding dako na natatatakan pa rin ng ‘Mga Estado ng Iglesia Katolika,’….Bilang panghuli, ang papa ay nagkaroon ngayon ng sarili niyang estado, na, sa kabila ng maliit na sukat nito, ay napatunayang isa sa pinakamahalaga at matatag sa Europa.”

 

Ang ugaling ito ng Papa, na nagtuturo ng mga aral ng pananakot sa layunin magkaroon ng mga lupain, ay tinularan din ng lahat halos ng pari sa sandaigdig! Sa gayon ding aklat, “History of Western Europe”, pp. 80-81, ay ganito ang ating matutunghayan; sa wikang Pilipino na:

 

“Ukol sa ikatataguyod ng mga iglesiang panglokal, yaong mga naninirahan sa parokya ay kinakailangang magbigay ng tatlong daang akre (maliit sa isang ektarya ang akre) ng lupa at isang bahay para sa pari. ‘Gayun din naman, …ipinag-uutos namin na ang lahat ay dapat magbigay ng isang ikasampung bahagi ng kanilang mga ari-arian at pinagpaguran para sa mga simbahan at mga pari; hayaan ang mayayaman at gayundin ang mga laya, gayundin ang mga alipin, ayon sa ipinagkaloob ng Diyos sa bawa’t Kristiano, ay magbalik ng isang bahagi sa Diyos.”

 

At dahil sa sistemang ito, ang simbahang Katoliko ang siyang may-ari ng maraming mga lupain pati ilang sementeryo! At ang sabi nga ni Dr. Jose Rizal, gutom pa halos sa salapi! Ano ang katunayan? Hindi lamang naniningil nang mataas na halaga para sa kaniyang desisyon sa mga kasong dinadala sa kaniyang hukuman, kundi pinanghimasukan pa ang pagpupuwesto sa mga posisyon sa pamahalaang sekular katumbas ng malaking suhol! Sa gayon ding aklat sa “History of Western Europe”, p. 204, ay ganito ang sinasabi. Sa wikang Pilipino ay ganito ang sinasabi:

 

“…ang papa ay nangailangan ng malaking kinikita. Ito ay kinuha niya mula sa iba’t ibang paraan. Malalaking kabayaran ang hiningi mula sa mga nagdulog ng usapin sa kaniyang hukuman upang pagpasiyahan. …Noong ika-labingtatlong siglo, ang papa na rin ang nagpasimulang maglagay ng mga may tungkulin sa buong Europa, at karaniwang tumatanggap ng kalahati ng isang taong kita buhat sa kaniyang hinirang.”

 

At bilang patotoo sa sinabi ni Dr. Jose Rizal na ang kapapahan ay walang bigong kilos na di may hinging upa, pati posisyon at tungkulin sa loob ng simbahan, tulad ng obispo at pinuno ng monasteryo o abbot, ay kinakalakal sa pamamagitan ng simoniya! Ang simoniya ay ang pagbibili ng Papa ng mga tungkulin sa loob ng simbahan mismo sa kanino mang may kakayahang magbigay ng malaking halaga. Sa mga pahina 218-219 ng gayon ding aklat (“History of Western Europe”) ay sinasabi ang ganito. Sa wikang Pilipino na ay ganito ang sinasabi:

 

“Unang-una na, ay nagkaroon ng simoniya, isang sakit na lubhang malala at matindi kung kaya ipinahayag ni Inocencio III na ito ay walang lunas. Ito ay naipaliwanag na sa naunang kabanata. Maging ang kabataang lalaki ay ginawang mga obispo at mga pinuno ng monasteryo sa pamamagitan ng impluwensiya ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak.”

“Bukod sa simoniya at maalingasngas na pamumuhay ng marami sa mga pari, nagkaroon din ng iba pang mga kasamaan na naging kasiraan ng pangalan ng Iglesia (Katolika)…Naging paniniwala ng lahat na ang paghatol ay laging katig sa sinumang makapagbabayad ng pinakamalaki at ang mahirap ay hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin.”

 

Malinaw na sa atin ngayon na ang pasugo ng kabayong maitim, ay panahon ng pusikit na kadiliman. Ang ilaw ng sanglibutan, samakatuwid baga’y ang ating Panginoong Jesucristo, sa panahong ito ay nasa langit na. Ang mga tunay na Iglesia ni Cristo na ginawa ring ilaw ng sanglibutan, ay nalipol at nangawala. May mga nangamatay sa pag-uusig ng Imperyo at ang iba pa ay naitalikod naman sa tunay na pananampalataya. Ang iba pa ay nangamatay ng karaniwang kamatayan.

 

At sa panahon ding ito, ang mga salita ng Diyos na siyang langis na nagbibigay liwanag sa mga ilawan at kung ilarawan ng Apocalipsis ay dalawang saksi, ay kanilang pinatay sa paraang isinalin ito sa wikang patay (Latin) at ipinagbawal sa kanino man na ito ay basahin. Ang mga bangkay ng dalawang propeta (ang Matanda at Bagong Tipan) ay ibinurol nila sa kanilang mga altar at pinanonood ng mga bansa, karamihan at wika. Nguni’t huwag nating kalilimutan, darating ang panahong bibigyan ng Diyos ng hininga ng buhay ang dalawang ito at pasasampahin sa isang alapaap, o isang tagapangaral, na sinugo ng Diyos upang muling ipangaral ang Ebangelio ni Cristo.

 

Ang kadiliman ay lalong lumaganap dahil nga sa ang nakasakay sa kabayong maitim ay kinalakal halos ang lahat, sa layuning magkamal ng limpak-limpak na salapi! Tangi nga sa pinatay nito ang dalawang saksi ay ginamit din nito ang alak (sagisag ng kasaganaan at impluwensiya) sa kaniyang pakikiapid sa mga pinuno ng mga bansa upang lalong magkamal ng malaking kayamanan dahil sa kagahamanan nito sa salapi!

 

Napatunayan natin na ang kinatuparan ng nakasakay sa kabayong maitim ay ang Papa sa Roma at mga pari ng Iglesia Katolika Apostolika Romana (IKAR).

Leave a comment