Iglesia sa Pergamo

PITONG URI NG IGLESIA NI CRISTO (Part 3)

Ano ang isa pa sa mga uri ng kaanib sa Iglesia ayon sa ating Panginoong Jesucristo?

Apocalipsis 2:12-17

“At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim: Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid bagay sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas. Datapuwa’t mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka’t mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid. Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita. Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya’y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.”

Isa rin sa mga uri ng kaanib sa iglesia ang katulad ng mga taga-Pergamo; na iniingatan nilang matibay ang pagkakatawag sa kanila sa Iglesia ni Cristo subali’t may dala pa rin silang ibang aral o paniniwala at mga maling kaisipan. Namumuhay sila ng walang matatag na paninindigan sapagkat hindi nila itinatakuwil o nilalayuan ang katitisuran sa harap nila, at sa halip ay nakikisama pa sila dito. Ibig sabihin  ay hindi nila iniingatan o ibinubuhay ang mga salita ng Diyos.

Ano ang kauri ng mga Iglesia ni Cristo sa Pergamo ayon kay Apostol Pedro?

II Pedro 2:12-17

“Datapuwa’t ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol. Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa’ y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila’y nangakikipagpiging sa inyo; Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait, Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa’y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama; Datapuwa’t siya’y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta. Ang mga ito’y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila’y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman;”

Kauri ng mga kaanib sa Pergamo ang mga ministro at manggagawa na hindi nagtatapat sa kanilang tungkulin at ipinagpapauna pa nila ang pakinabang na panlupa. Sila’y mga pabaya at naghahanap ng pakikinabangin. Hindi nila itinutuwid ang nakikitang kamalian sapagkat mayroon silang napapakinabang sa mga taong namumuhay sa kasalanan.  Tikom ang kanilang bibig at pikit ang mga mata na nakikiisa pa sila sa kalayawan at sa paggawa ng mga kasalanan.

May mga nasasakupan sila na tumatahan pa rin sa kinaroroonan ng luklukan ni satanas at hindi man lamang nila sinasaway ang mga ito, sila ay nagbubulag-bulagan at hindi iningatan ang katotohanan. Ang mga kauri ng Iglesia ni Cristo sa Pergamo ay may bahid pa ng maling kaisipan at mga paniniwala na galing sa ibang relihiyon.

Bagama’t kilala na nila ang iisang tunay na Diyos ay sumasamba pa rin sila sa mga diyos-diyosan.  Sa ating ginawang pagtalakay ukol sa iba’t ibang uri ng diyos-diyosan ay nabatid natin na kasama sa uri ng diyos-diyosan ang diyos-diyosan sa puso at diyos-diyosan sa tiyan. Ang diyos-diyosan sa puso ay ang mga nasa at masasamang pita ng laman. Kinapopootan din ng Diyos ang pagsamba sa diyos-diyosan ng tiyan, na ito naman ang higit na pagpapahalaga sa mga bagay na panlupa at kapalaluan o ang pagmamataas ng sarili.

Ano ang pagtuturing ng ating Panginoong Jesucristo sa ganitong uri ng mga ministro?

Juan 10:12-13

“Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: Siya’y tumatakas sapagka’t siya’y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.”

Inihahalintulad ng ating Panginoon ang ganitong mga uri ng ministro sa upahang pastor. Sila ay malalayaw at hindi totoong nagmamalasakit sa kanilang nasasakupan. Wala silang likat sa pagkakasala samantalang sila’y nakikipagpiging sa mga kapatid, na ang mga mata ay puspos ng pangangalunya at may pusong sanay sa kasakiman dahil sa ang nilalandas ay ang daan ni Balaam. Hindi sila lumusong sa ministeryo dahil sa tungkulin kundi dahil sa pakinabang.

Ang Diyos ay mahabagin sapagkat nagbibigay pa rin Siya ng pagkakataon upang kilalanin natin ang ating mga kasalanan. Kaya magsisi tayo at magbagong-buhay habang nagbibigay pa ng pagkakataon ang Panginoong Diyos. Ipagmalasakit natin ang ating mga kapatid, na dahil sa malaganap na pagtalikod sa mga aral ng Diyos, ay nagiging manhid na sila at nakikisama na sa mga ito. Sundin natin ang dalisay na mga aral at utos ng Diyos na itinuro sa atin at huwag tayong paaakit sa mga kalayawan at sa mga makamundong pakinabang. Huwag nating sayangin ang karapatan sa pagmamana ng buhay na walang hanggan.

Leave a comment