Ang Nakatala Lamang Sa Aklat Ng Buhay Ang Maliligtas Sa Araw Ng Paghuhukom

ANG NAKATALA LAMANG SA AKLAT NG BUHAY ANG MALILIGTAS SA ARAW NG PAGHUHUKOM

 

Ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng isang napakatibay na saligan upang ang tao ay kilalaning ligtas.  Kahit ano pa ang sabihin at angkinin ng iba, kapag wala sa kanila ang katangian at katibayang sinasabi ng Biblia ay tiyak na hindi sila ligtas pagdating ng araw ng paghuhukom.

 

Sino lamang ang pinatunayan ng Biblia na makararating sa Bayang Banal?

Apocalipsis 21:2, 27

“At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.”

“At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklam-suklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.”

 

Sa pamamagitan ng pangitain, ipinakita ng Diyos kay Apostol Juan ang Bayang Banal.  Ang nakatatawag ng pansin ay ang sinabi ng Biblia na hindi papasok doon sa anumang paraan ang anumang bagay na karumal-dumal at ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam at ng kasinungalingan, kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay.  Pag sinabing yaon lamang, ibig sabihin ay wala nang iba.  Pag wala sa kanila ang katibayang iyan ay tiniyak na hindi makapapasok sa Bayang Banal o hindi maliligtas.  Mahalaga kung gayon sa bawat isang naghahangad ng kaligtasan na malaman niya at matiyak niya kung nakasulat ang kaniyang pangalan sa Aklat ng Buhay.

 

Alin ba ang tinutukoy na aklat ng buhay at ano ang kinalaman nito sa Araw ng Paghuhukom?

Apocalipsis 20:12

“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.  At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.”

Sa Araw ng Paghuhukom, ang Aklat ng Buhay ang bubuksan para pagbatayan ng Diyos kung sinu-sino ang maliligtas.  Masasabi ba ng tao na “Hindi ko na kailangan pa ang kaligtasan sapagkat paano ako huhukuman kung ako’y patay na?”  Ayon sa Biblia, pagdating ng paghuhukom, lahat ng mga patay – maliliit man o malalaki (na ang ibig sabihin ay anumang uri niya sa lipunan) – ay bubuhayin at tatayo para magsulit sa harapan ng hukuman ng Diyos.  Iluluwa ng Hades o ng libingan ang mga patay na nasa kaniya.  Gayundin, ibibigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya.

 

Paano ang mga taong dahil sa pag-unlad ng kabihasnan, siyensiya, at teknolohiya ay nakarating sa kalawakan at doon siya inabutan ng kamatayan?  Kasama pa ba siya na mahuhukuman kahit hindi siya sa dagat o sa lupa inabot ng kamatayan?

Obadias 1:4

“Bagaman ikaw ay pailanglang sa itaas na parang aguila, at bagaman ang iyong pugad ay malagay sa gitna ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.”

 

Walang kawala ang tao kahit saan pa siya mamatay.  Kahit pa ang tao ay makarating at manirahan sa kalawakan, pagdating ng paghuhukom ay ibababa sila sa lupa ng Diyos.  Kaya napakahalaga na malaman ng tao kung papaano siya maliligtas.  Ang sabi ng Biblia, kailangang nakatala ang pangalan sa aklat ng buhay sa langit.

 

Ano ang sama kapag humarap sa hukuman ng Diyos at hindi nakita ang pangalan na nakatala sa Aklat ng Buhay?

Apocalipsis 20:14-15

“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.  Ito ang ikalawang kamatayan, samakatuwid ay ang dagatdagatang apoy.  At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.”

Ibubulid sa dagat-dagatang apoy ang sinumang hindi nakatala ang pangalan sa Aklat ng Buhay.  Sabihin man nila na “kilala kami ni Lord” o kaya’y “tinanggap na namin si Jesus bilang Panginoon o Tagapagligtas” at angkinin man nila na sila’y nakagagawa ng mga himala o mga kababalaghan sa kaniyang pangalan, subalit kung hindi nakasulat ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay, hindi lamang hindi makapapasok sa Bayang Banal kundi ibubulid pa sila sa dagat-dagatang apoy.

 

Ano ang dapat na katangian upang mapasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay at maligtas?

Daniel 12:1

“At sa panahong yaon ay tatayo si Miguel, na dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng iyong bayan; at magkakaroon ng panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon: at sa panahon yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat.”

Maging sa pahayag ni Propeta Daniel, ang maliligtas ay yaon lamang nakasulat sa Aklat ng Buhay.  Subalit sino ang masusulat sa Aklat ng Buhay?  Ang sabi niya, sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan – bayan nino?  Bayan ng Diyos.  Kaya kahit ano pa ang sabihin ng kahit sino, kahit ano pa ang angkinin nila, at kahit pa gamitin ang pangalan ng Diyos o ng ating Panginoong Jesucristo pero kung hindi sila nakasama sa bayan ng Diyos, hindi sila maliligtas.  Ngunit kahit nasa loob naman ng bayan ng Diyos, kung hindi nakatala sa aklat ng buhay, hindi rin maliligtas.  Ang unang hakbang kung gayon, upang makatiyak ng kaligtasan, ay dapat makasama sa bayan ng Diyos at nakasulat sa Aklat ng Buhay sa langit.

 

Papaano ba makakasama ang tao sa tunay na bayan ng Diyos?

I Pedro 2:9-10

“Datapuwat kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwat ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwat ngayo’y nagsipagkamit ng awa.”

Tiniyak na talagang mayroong bayang pag-aaring sarili ng Diyos.  Paano sila naging bayang pag-aaring sarili ng Diyos?  Sila’y hinirang at tinawag upang magpuri o magbigay ng karangalan sa Panginoong Diyos.  Hindi maaaring maging bayan ng Diyos kung walang kahalalan na mula sa Kaniya .  Ang bayan ng Diyos ang tiniyak din na nagsipagkamit ng awa.

 

Sa panahong Cristiano, alin ang bayan ng Diyos na nakatala sa langit?

Hebreo 12:22-23

“Datapuwat nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel, Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal.”

Binabanggit ni Apostol Pablo na ang bayan ng Diyos, ay tinatawag ding Sion o Jerusalem.  Alin itong bayan ng Diyos sa panahong Cristiano?  Ang iglesia na kinaaaniban ng mga panganay.  Ano ang katangian nila?  Sila ang nakatala sa langit.  Kung gayon, sa panahong Cristiano, kapag hindi ka kabilang sa Iglesiang tinutukoy ay hindi ka bayan ng Diyos – hindi ka matatala sa langit, at hindi ka maliligtas.

 

Ano ba ang katumbas noong salitang ‘panganay’?  Sa mga anak, sino ba ang panganay?  Ito ang nauna.  Kaya pag sinabing Iglesia ng mga panganay, ang tinutukoy ay ang Iglesia na kinabibilangan ng mga pangunahing miyembro sa panahon ni Cristo.

 

Sino ba ang mga panganay o unang miyembro sa Iglesia sa panahon ni Cristo?

Roma 1:16

“Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagkat siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya; una’y sa Judio, at gayon din sa Griego.”

Ang unang mga kaanib sa Iglesia sa panahon ni Cristo ay mga lahing Hudyo.  Ang totoo, ang ating Panginoong Jesucristo na siyang nagtatag ng Iglesia, maging ang mga Apostol na naakit niya, ay lahing Hudyo.  Ang unang napangaralan nila at naakit ay mula sa dako ng Judea .Kaya tinawag na Iglesia ng mga panganay na ang tinutukoy ay ang mga unang bunga ng pangangaral samakatuwid baga’y ang mga Hudyo sa panahon ni Cristo.

 

Ano ang pangalan ng Iglesia na nasa Judea na kinabibilangan ng mga Hudyo sa panahon ni Cristo at ng mga Apostol?

Galacia 1:22 NPV

“Hindi pa ako kilalang personal sa mga iglesya ni Cristo sa Judea.”

Iglesia ni Cristo ang pangalan.  Dito naging kaanib ang mga Hudyo na sumampalataya. Paano nila matututulan ang kahalagahan ng tunay na Iglesia samantalang ang Iglesia ni Cristo ang bayan ng Diyos sa panahong Cristiano na nakatala ang pangalan ng mga kaanib sa langit?  Kaya ito ang Iglesiang maliligtas pagdating ng paghuhukom.

 

Maging ang aklat na isinulat ng mga kaibayo natin sa pananampalataya ay nagpapatunay rin na ang isinisimbolo ng Jerusalem o Sion ay ang Iglesia ni Cristo.  Samakatuwid, sa panahong Cristiano, upang ang tao’y magkaroon ng kahalalang magpuri sa Diyos at magtamo ng kaligtasan, kailangang kabilang siya sa Iglesia ni Cristo.

 

Bakit naman kailangan pa ang Iglesia ni Cristo para maisagawa ang tunay na paglilingkod sa Diyos at magtamo ng kaligtasan?

Colossas 1:12-14

“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan;  Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig;  Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”

Napakahalaga at lubhang kailangan ang Iglesia ni Cristo sapagkat ito ang kinaroroonan ng katubusan at kapatawaran ng kasalanan.  Tandaan natin na dahil sa kasalanang ginawa ng tao, ang tao’y nahiwalay sa Diyos, nawalan ng karapatan sa tunay na paglilingkod, at hinatulan ng kamatayan sa dagat-dagatang apoy.  Ano ang tanging lunas upang ang tao’y maibalik sa Diyos at maligtas sa kaparusahan sa Araw ng Paghuhukom?  Kailangang matubos siya ng dugo ni Cristo upang mapatawad ang kaniyang mga kasalanan.

 

Alin ba ang pinatutunayan ng Biblia na tinubos ng dugo ni Cristo at ano ang kaugnayan ng pag-anib sa Iglesia ni Cristo sa pagtatamo ng katubusan upang mapatawad ang mga kasalanan?

Gawa 20:28 Lamsa

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo”

 

Sa labas ng Iglesia ni Cristo ay walang katubusan, kaya sa labas ng Iglesia ni Cristo ay walang kaligtasan.  Pagpasok ng tao sa tunay na Iglesia, hindi lamang natubos ang kaniyang mga kasalanan, kundi itatala pa ng Diyos ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay sa langit. Katumbas noon ay kabilang na siya sa bayan ng Diyos at may pag-asa na sa kaligtasan.

 

Hindi naman daw tinututulan ng iba na ang Iglesia ni Cristo sa panahon ni Cristo at ng mga Apostol ay tunay na bayan ng Diyos – ang tinubos ng Panginoon at pinangakuan ng kaligtasan.  Ang kanila raw na kinukuwestiyon ay ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito na ating kinaaaniban.

 

Ang Iglesia ni Cristo ba sa mga huling araw na ito na ating kinabibilangan ay bayan ng Diyos, tinubos ng Panginoon, at pinangakuan ng kaligtasan?

Isaias 62:11-12

“Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.  At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.”

 

Ang mga lingkod ng Diyos na tinutukoy sa hulang ito ay aabutan na ng wakas ng lupa o Araw ng Paghuhukom.  Kaya hindi maaaring ito ang unang Iglesia ni Cristo sa panahon ni Cristo at ng mga Apostol sapagkat wala na sila ay hindi pa dumarating ang araw ng paghuhukom.  Ang hinuhulaan dito ng Biblia ay ang anak na babae ng Sion.  Ang Sion ay lumalarawan sa unang Iglesia.  Ang unang Iglesia ay natalikod nang mamatay ang mga Apostol subalit ito ay may nalabing binhi.  Ito ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa panahon ng mga wakas ng lupa na ating kinabibilangan at daratnan na ng Araw ng Paghuhukom.  Ano rin ang katangian ng Iglesiang ito?  Tiniyak ng Biblia na ito’y bayan ng Diyos na hindi Niya pinabayaan, tinubos ng Panginoon at darating sa kaniya ang pangakong kaligtasan.

 

Pakaingatan natin at pakamahalin ang ating pagka-Iglesia ni Cristo.  Huwag nating ipaaagaw ang dakilang kapalarang dulot ng ating kahalalan.  Huwag nating ipagpalit ito sa kaninuman o sa anumang bagay dito sa mundo.  Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na sisira sa ating pagiging kaanib sa Iglesia.  Huwag nating pababayaan ang ating mga pagsamba.  Pakatandaan natin na ang tiyak na maliligtas ay yaong nakatala ang kaniyang pangalan sa bayan ng Diyos (Iglesia ni Cristo) at sa Aklat ng Buhay sa langit.

 

Subalit mayroon bang binabanggit ang Biblia na natala na sa Aklat ng Buhay ay nabura pa ang kaniyang pangalan?  May mga kaanib ba na nanganganib na mabura ang pangalan sa aklat at hindi maliligtas?

Awit 69:27-28 NPV

“Usigin mo sila sa sapin-saping pagkakasala; ng ‘yong kaligtasa’y huwag mo silang bahaginan.  Sana sa aklat ng buhay sila ay mabura sa talaan ng mga matuwid ay huwag nang mapasama.”

 

Ang binabanggit dito ng Biblia ay natala na ang pangalan sa Aklat ng Buhay, at kaanib na sa Iglesia subalit pinasiyahan ng Diyos na burahin ang kanilang pangalan sa Aklat ng Buhay at huwag isama sa talaan ng mga maliligtas.  Bakit ipinasiya ng Diyos na burahin ang kanilang pangalan sa Aklat ng Buhay?  Upang huwag silang mabahaginan ng kaligtasan.  Sino ang tinutukoy dito?  Yaong ayaw umalis sa sapin-saping pagkakasala.  Lahat ng tao ay nagkasala, pero ang tinutukoy dito ay yaong namalagi sa sapin-saping kasalanan.

 

Sino ba ang tinutukoy dito na sapin-sapin ang kasalanan?

Santiago 1:15

“Kung magkagayo’y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan.”

 

Sapin-sapin ang kasalanan kapag lumaki ito dahil pinapaghari sa buhay ang kasalanan.  Anong sama kapag ang kasalanan ay malaki na sapagkat ibinuhay na?  Magbubunga ng kamatayan o kaparusahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

 

Ano ang panawagan ng Diyos kapag nagkasala ang isang  Iglesia ni Cristo upang ang kaniyang kasalanan ay huwag mauwi sa kamatayan?

Roma 6:12

“Huwag ngang maghari ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang kayo’y magsisunod sa kaniyang mga pita:”

 

Iba ang nagkasala lang, iba naman ‘yung naging bisyo na o pinaghari na sa kaniyang buhay ang kasalanan.  Ano ang sama kapag bisyo na o pinaghari na sa buhay ang kasalanan?  Hindi na alipin ng Diyos, ni hindi na bayan ng Diyos kundi bayan na ng kasalanan.  Dahil dito’y alipin na rin ng kamatayan o kaparusahan.

 

Ano ang tagubilin ng Diyos kapag nagkasala ang Kaniyang mga hinirang?

Job. 11:14

“Kung ang kasamaan ay sumaiyong kamay, ilayo mo, At huwag manahan ang kalikuan sa iyong mga tolda.”

 

Upang huwag lumaki ang kasalanan at upang huwag mabura ang pangalan sa Aklat ng Buhay, agad-agad na lumayo sa kasalanan.  At kung nagkasala, ang bilin ng Diyos, ay huwag manahan ang kalikuan sa iyong mga tolda o sa iyong buhay.

 

Itinuturo sa atin na tayong lahat ay ganap na magbagong buhay.  Pinakahahangad ng Diyos na huwag nang mapawi ang ating pangalan sa aklat ng buhay sa langit at mamalagi tayo sa loob ng Iglesia hanggang sa ikalawang pagparito ng ating Panginoong Jesus.

 

Bakit sa ating mga kaanib sa Iglesia ni Cristo itinatagubilin na magbagong-buhay at huwag maghari sa atin ang kasalanan?  Bakit hindi ito sabihin sa sanlibutan?

Roma 6:19-20 MB

“Nagsasalita ako sa karaniwang paraan para madali ninyong maunawaan.  Kung paanong ipinailalim ninyo ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ngayon nama’y ihandog ninyo ang inyong sarili sa katuwiran sa ikapagiging-banal ninyo.  Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran.”

Noong wala pa tayo sa Iglesia ni Cristo (sanlibutan pa), talagang alipin tayo ng karumihan at kasamaang palala nang palala.  Subalit nang tayo ay mag-Iglesia ni Cristo, inaasahan ng Diyos na ihahandog na natin ang ating buong buhay sa Kaniya, sa pagsunod sa katuwiran o sa Kaniyang mga aral.

 

Kaya, iayon natin ang ating buhay sa kalooban ng Diyos.  Labag sa kalooban ng Diyos ang nagsasama nang hindi kasal.  Ang kinasal nga sa asawa pero nakikisama naman sa iba ay kasalanan din.  Hindi rin mabuti sa kabataang gustong mag-asawa ng taga-sanlibutan.  Masama na pababayaan ang pagsamba dahil sa mga bagay na pakinabang sa mundo.  Masigla nga sa pagsamba at sa lahat ng aktibidad sa Iglesia subalit napopoot naman sa kaniyang kakapatid sa pananampalataya – masama din.  Masigla nga pero kung nasa likong pamumuhay naman – halimbawa’y naglalasing, gumagamit ng ipinagbabawal na gamot o kaya’y nagsusugal – ang lahat ng ito’y masama sapagkat labag sa aral ng Panginoong Diyos.  Anong dapat nating gawin?  Ang sabi ng Diyos, kapag ang kasalanan ay pumasok sa buhay mo, ilayo mo o palayasin mo.  Bakit?  Sapagkat pag pumasok iyan at pinatahan mo sa buhay mo, nagkasapin-sapin at lumaki na, buburahin ng Diyos ang pangalan mo sa aklat ng buhay upang huwag ka nang makabahagi sa kaligtasan.

 

Ayon sa Biblia, bago dumating ang Araw ng Kawakasan, anong uri ng tao ang daratnan ng Panginoong Jesucristo at alin dito ang ating pipiliin?

Daniel 12:9-10 NPV

“Sumagot siya, “Lumakad ka na, Daniel, pagkat isinara na at tinatakan ang mga salita hanggang sa wakas ng panahon.  Ang marami ay dadalisayin, lilinisin at gagawing walang batik, ngunit ang masama ay magpapatuloy sa pagpapakasama. Isa man sa masasama ay walang makauunawa, ngunit ang matatalino ay makauunawa.”

 

Bago dumating ang wakas ay isasagawa ng Diyos ang pagdadalisay o paglilinis sa Kaniyang bayan para sila ay datnang walang batik, walang dungis, at walang kapintasan.  Hindi ba ganyan ang nangyayari ngayon sa Iglesia? Ang mga nakatala at maging ang mga itiniwalag ng walang katarungan ay nasa pagsubok at dinadalisay.  Kaya may dahilan ang lahat kung bakit nangyayari ang iba’t ibang kaguluhan sa lglesia. Mga bagay na ginagamit ng Ama upang tayong lahat ay dalisayin.

 

Ano ang magiging pagtugon ng mga nasa bayan ng Diyos?  Ang sabi ng Biblia, ang marami ay papayag na sila ay madalisay subalit yaong iba ay ayaw.  Sino yaong ayaw padalisay o palinis?  Sila ang masama at magpapatuloy sa pagpapakasama.  Ito ang pagpipilian natin.  Alin ang inyong pipiliin?  Sasama ba tayo sa mga dadalisayin at magiging malinis?  O sa mga masama na magpapatuloy sa pagpapakasama?

 

Samantalahin natin ang pagkakataong ito na ibinibigay ng Diyos habang hindi pa huli ang lahat.  Huwag tayong humanay doon sa mga masama na lalo pang nagpapakasama.  Paano ipinakilala ng Biblia ang binabanggit dito na masama na lalo pang nagpapakasama?  Ang sabi ni Propeta Daniel, sila’y hindi nakaunawa, hindi katulad ng mga napadalisay na matatalino at nakauunawa.

 

Bakit ang mga lingkod ng Diyos na sumasama sa paglilinis ng buhay ay tinawag na matalino?  Paano sila naging matalino?

Efeso 5:15-20 MB

“Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay.  Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.  Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.  Huwag kayong mga hangal.  Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.  Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay.  Sa halip ay sikapin ninyong mapuspus kayo ng Espiritu Santo.  Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal.  Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon.  Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.”

Ang mga tunay na Iglesia ni Cristo ay namumuhay nang tulad ng matatalino.  Hindi lamang nag-iingat sa kanilang pamumuhay kundi sinasamantala pa nila ang bawat pagkakataon na makagawa ng mabuti.  Ang mabuti ay ang mga kalooban ng Diyos.  Samakatuwid ang matalinong pamumuhay ay nakasalig sa mga kalooban ng Diyos.  Anuman ang ating gampanin – ito man ay paghahanapbuhay, pag-aasawa, pakikipagkapwa tao, pakikitungo sa kapatid, pagdadala ng sambahayan o kaya’y pagtupad natin ng ating tungkulin – tiyakin natin na ang lahat ng ito’y naaayon sa kalooban ng Diyos.  Lalo nating pagtalagahan ang ating mga pagsamba at pagpupuri sa Diyos, at itaguyod natin ang ganap na pagbabagong buhay, sapagkat ang mga ito ay bahagi ng pag-iingat natin sa  ating buhay.

 

Kung mayroong binabanggit sa Bibliang binura ang pangalan sa aklat ng buhay, mayroon bang nakasulat na “sa anumang paraan ay hindi mapapawi ang pangalan sa aklat ng buhay sa langit”?

 

Sino ang tiyak na hindi mapapawi ang pangalan sa aklat ng buhay?

Apocalipsis 3:5

“Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.”

Ginarantiyahan ng ating Panginoong Jesucristo na hindi Niya papawiin sa anumang paraan ang mga pangalan sa aklat ng buhay ng mga hinirang Niyang nagtagumpay.  Sa ano sila nagtagumpay?  Nagtagumpay sa mga pagsubok, sa mga kapighatian, at sa mga pag-uusig at kahirapan.  Sila ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na kahit ano pa ang sumapit sa buhay nila ay matagumpay na naingatan ang pananampalataya at nadaig ang mga pagsubok.

 

Sa kabila ng naranasan na pagsubok ng alisin sa Iglesia ng walang katarungan ay patuloy pa rin sa paglilingkod at pagsunod sa mga dalisay na aral at utos ng Diyos.  Hindi nila tinalikdan ang aral na ating tinanggap.  Hindi rin sila natangay ng ibang paniniwala.  Kung mapagtagumpayan natin ang lahat ng pagsubok na ating naranasan, makaaasa tayo na ang ating pangalan ay hindi papawiin sa Aklat ng Buhay sa langit.

 

Sino pa ang hindi papawiin ng Panginoong Diyos sa Aklat ng Buhay?

Filipos 4:3

“Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila’y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.”

Ang tinutukoy dito ay ang mga kapatid, lalo na ang mga maytungkulin, na kasama ng mga manggagawa at mga ministro sa pagpapalaganap ng dalisay na ebanghelyo.  Kung hindi man kayo nagtamasa ng anumang bagay na materyal dito sa mundo, ang gantimpala ninyo’y nakasulat ang inyong pangalan sa Aklat ng Buhay.

 

Anong uring pamumuhay ang tataglayin ng mga ligtas pagdating sa Bayang Banal?

Apocalipsis 7:13-17 MB

“Tinanong ako ng isa sa matatanda, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”  “Hindi ko po alam,” tugon ko.  “Kayo ang nakaaalam.”  At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig.  Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit.  Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa templo niya.  At ang nakaluklok sa trono ang kukupkop sa kanila.  Hindi na sila magugutom o mauuhaw; hindi na sila mabibilad sa araw o mapapaso ng anumang matinding init.  Sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastor nila.  Sila’y dadalhin niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay; at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”

 

Hindi sayang ang sakripisyo at pagpapagal ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo alang-alang sa paglilingkod sa Diyos.  Ang inilalaan ng Diyos sa mga nagtagumpay na Iglesia ni Cristo ay maluwalhating buhay sa Bayang Banal.  Doon ay wala nang gutom at uhaw, wala nang hirap at pagdurusa sapagkat papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.  Dapat tayong lahat ay makarating doon.  Huwag pumayag ang sinuman na maiwan sa daan ng paglalakbay.  Mahalin natin ang ating pagka-Iglesia ni Cristo sa paraang bakahin natin at lubos na pagtagumpayan ang anumang bagay na sisira sa karapatan natin sa pagtatamo ng kaligtasan.  Idalangin natin sa Panginoong Diyos na huwag Niyang buburahin ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay sa langit at isama Niya tayo sa Kaniyang kaharian sa ikalawang pagparito ng Kaniyang bugtong na Anak.

2 thoughts on “Ang Nakatala Lamang Sa Aklat Ng Buhay Ang Maliligtas Sa Araw Ng Paghuhukom

Leave a comment