Iglesia sa Laodicea

PITONG URI NG IGLESIA NI CRISTO (Part 7)

Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, ano naman ang ika-pitong uri ng kaanib sa Iglesia ni Cristo?

Apocalipsis 3:14-22

“At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula ng paglalang ng Dios: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig. Sapagka’t sinasabi mo, Ako’y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad: Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran; at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita. Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga’y magsikap, at magsisi. Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko. Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.”

Tandaang mabuti ng lahat ng kaanib sa Iglesia ni Cristo: ayaw ng Panginoong Diyos at ng Panginoong Jesucristo na ang mga kaanib ay malahininga. Ano ba ang ibig sabihin na ang isa’y malahininga? Sila’y hindi mainit o malamig man. Panatag na sila na ang kanilang pangalan ay nasa talaan ng Iglesia at nakadadalo sa mga pagkakatipon, ngunit walang sigla ang kanilang buhay espirituwal. Samakatuwid ay alanganin ang kanilang pananampalataya. Madali silang tangayin ng anomang agos sapagkat hindi matatag ang kanilang paninindigan.

Sinong kaanib ng Iglesia ang magkakaroon ng matatag na paninindigan at anong pananalita mayroon siya?

Mateo 5:37

“Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama.”

Kapag matatag ang ating paninindigan ay hindi tayo magiging alanganin. Oo kung oo, at hindi kung hindi. Ang hindi matatag ay madaling maupatan at mapaglalangan ng kasamaan at katusuhan. Bakit ganito ang kailangang gawin? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

Efeso 4:14

“Upang tayo’y huwag nang maging, mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;”

Mula sa panahon ng mga apostol, may mga naging kaanib na madaling nadadaya sa ibang aral at paniniwala sapagkat hindi nakatanim sa puso nila ang mga dalisay na Aral ng Diyos. Sa panahon naman natin ay itinuturing ng iba na sila ang mga “makabagong Iglesia” kaya madali nilang tinatanggap ang mga bago at naiibang pagtuturo. Sila’y natatangay din ng iba’t ibang hangin ng maling aral.

Sa pamamagitan ng isang talinghaga ay inilarawan ni Cristo ang isa pang dahilan kung bakit may mga kaanib na malahininga.

Lukas 8:14

“At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila’y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.”

Sila ay mga nagsipakinig subalit naakit ng mga kayamanan, kalayawan, at mga pagsusumakit sa buhay na ito kaya wala silang nagiging bungang kabanalan at mga gawang mabuti. Ang pinagtuunan nila ay ang sariling kapakanan. Kahabag-habag sila kung datnan sila ng paghuhukom na nasa gayong kalagayan.

Ano, kung gayon, ang marapat na gawin?

Lukas 21:34-36

“Datapuwa’t mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo: Sapagka’t gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa. Datapuwa’t mangagpuyat kayo sa bawa’t panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”

Huwag tayong magpakalugmok sa buhay sa sanlibutang ito. Bantayan natin ang ating mga sarili upang huwag tayong mahawa sa kasalanan ng sanlibutan.

Ang mga ministro ang lalong hindi dapat na madaig o mapaglalangan ng mga maling aral. Napakahalaga na ang mga ministro ay maging mabubuting bantay ng mga tupa na nasa kanilang pangangalaga. Pinapanagot ng Diyos ang mga bantay na hindi nagsisipaghihip ng pakakak sa pagdating ng mga kaaway.

Ezekiel 33:3-6

“Kung, pagkakita niya ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan; Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo. Narinig niya ang tunog ng pakakak, at hindi pinansin; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya; sapagka’t kung siya’y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay. Nguni’t kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya’y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, ngunit ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.”

Mananagot ang bantay (ministro) kapag may nahiwalay kahit na isang kaluluwa bunga ng kaniyang kapabayaan. Huwag nilang kalilimutan na sila ang pinagtiwalaan ng ebanghelyo ni Jesus. Marapat itong gamiting lagi sa pagbibigay babala sa lahat ng kapatid na nasa kanilang pangangalaga. Ang isang mabuting halimbawa nito ay si Apostol Pablo.

I Tesalonica 2:3-5

“Sapagka’t ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya. Kundi kung paanong kami’y minarapat ng Dios upang pagkatiwalaan kami ng evangelio, ay gayon namin sinasalita; hindi gaya ng nangagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa Dios na sumusubok ng aming mga puso. Sapagka’t hindi kami nasusumpungang nagsisigamit kailan man ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal man ng kasakiman, saksi ang Dios;”

 

Pananagutan ng bawat ministro, kung gayon, na sawayin at pangaralan ang sinomang kapatid na sumasalangsang sa mga utos ng Diyos. Kaya hindi niya dapat na ipakisama ang pagka-ministro kapalit ng mga pakinabang na panlupa o dahil sa makasariling layunin. Sa gayon ay hindi matitikom ang kaniyang bibig kung kailangan niyang magpaalala at sumaway upang walang sinomang mahiwalay.

Ezekiel 33:7-9

“Sa gayo’y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya’t dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin. Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni’t ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay. Gayon ma’y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni’t iniligtas mo ang iyong kaluluwa.”

Dapat ding tandaang mabuti ng isang ministro na walang puwang para makapasok ang masamang espiritu sa isang anak ng Diyos na ang puso ay sagana sa mga salita Niya. Ngunit, kung ang puso nito ay salat sa Kaniyang mga salita – dahil sa hindi nakakapakinig o dahil sa hindi siya napapangaralan–sa pagbabalik ng masamang espiritu at makita nitong bakante ang puso ng kapatid na yaon ay magsasama ang masamang espiritu ng pito pang masasamang espiritu, at papasok silang lahat sa puso ng kapatid na yaon; kaya sumasama pang lalo ang kalagayan ng kapatid na yaon kaysa dati.

Mateo 12:43-45

“Datapuwa’t ang karumaldumal na espiritu, kung siya’y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong. Kung magkagayo’y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan. Kung magkagayo’y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila’y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. Gayon din ang mangyayari sa masamang lahing ito.”

Ang inilahad na ito ng ating Panginoong Jesucristo ay dapat na tumimo sa puso’t isipan ng mga ministro. Tungkulin ng mga ministro na busugin at punuin sa mga salita ng Diyos ang mga kapatid. Ang Salita ng Diyos ang tubig na kinatatakutan ng masamang espiritu. Hinding-hindi makababalik ang masamang espiritu sa isang kapatid na sagana ang puso sa dalisay na mga salita ng Diyos.

Alalahanin natin na ibig ng Diyos na maging sakdal ang pananampalataya ng bawat isa sa atin. Mangyayari ito kung nakatanim ng malalim sa ating puso ang mga aral ng Diyos. Kaya pananagutan ng mga ministro na turuan at paalalahanan ang mga kaanib upang maging matibay at hindi matangay ng iba’t ibang hangin ng maling aral.

Leave a comment