Ang Ika-Pitong Tatak (Part 5)

Bumaling naman tayo sa India. Malala at labis-labis ang tension sa Amritsar, isang siyudad sa northern India. Ang mga protesta laban sa pananakop ng Britain ay nagpasiklab sa mga riot at paglusob sa mga residenteng British. Noong Abril 13, 1919, isang malaki nguni’t matahimik na pulutong ng mga Indian ang nagsiksikan sa isang nababakurang lote sa pusod ng siyudad. Maaaring hindi alam ng mga Indian o maaaring sinusuway nila na ang gayong pagpupulong ay ipinagbabawal ng British Commander na si Reginald Dyer.

 

HughMarshallDyer
Gen. Reginald Dyer

Habang nagtatalumpati ang isang leader ng mga Indian, dumating si Gen. Reginald Dyer kasama ang limampung sundalo. Walang kaabog-abog ay pinaulanan nila ng bala ang mga nagpupulong. Tumagal ng sampung sandali ang pamamaril. Tatlong daan at pitungpu’t siyam (379) ang namatay; isang libo at isang daan (1,100) naman ang sugatan. Sa huli, ang naging paliwanag ni Dyer sa ginawa niya ay upang bigyan daw ng leksiyon ang mga Indian.

 

Ang trahedya sa Amritsar ay may malaking kaugnayan sa sama ng loob ng mga Indian pagkaraan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Magugunitang sa panahon ng digmaan, milyong Indian ang naglingkod sa ibayong dagat para sa Britain. Matindi ang inabot nilang hirap at marami ang nangamatay. Umasa sila na pagkaraan ng peace conference sa Paris ay kakamtin na nila ang pinakamimithing kasarinlan. Ito ang ipinangako sa kanila ng Britain. Subali’t nagtalusira ang Britain at kaunting pagbabago lamang ang ginawa nito. Namamalaging ang India ay nasa ilalim ng imperyalismo ng Britain.

 

Noong 1920’s, isang bagong leader sa India ang lumitaw, si Mohandas Gandhi. Pinangunahan niya at pinagkaisa ang lahat ng Indian sa kilusang pangkalayaan. Kalakip ang matinding paghanga, tinagurian siya ng mga Indian na Mahatma (Great Soul).

 

mahatma_gandhi.197.r
Gandhi

Si Mohandas ay mula sa middle class na pamilyang Hindu. Sa gulang na 19 ay nagtungo siya sa England upang mag-aral ng batas. Sa kaniyang pagbabalik sa India pagkatapos makapag-aral, sinikap niyang makapagtayo ng sariling law firm at magpraktis ng batas. Subali’t sa huli, sumama siya sa isang law firm sa South Africa dahil sa libu-libong Indian ang nagtungo doon. Sa simula, ang mga ito ay nangaglingkod na mga katulong ngunit sa kalaunan ay palagian nang nanirahan doon. May ilang Indian ang guminhawa nguni’t higit na marami ang naghirap at dumanas ng racial prejudice sa kamay ng mga puti na namumuno sa South Africa.

 

Sa kaniyang pagbabalik sa India, sa loob ng 20 taon, nilabanan ni Gandhi ang mga batas ng diskriminasyon laban sa mga Indian. Gayon pa man, sa kaniyang pakikipaglaban sa kawalan ng katarungan, ginamit niya ang payapang paraan ng pag-aklas. Tinawag niya itong “satyagraha” na ang ibig sabihin ay “soul force”. Marami pang mga hirap at pagpapakasakit ang ginampanan ni Mahatma Gandhi bago nila nakamtan ang tunay na kalayaan.

 

Puntahan naman natin ang naging epekto ng Treaty of Versailles sa China. Sa Paris Peace Conference, ipinagkaloob ng Allies sa Japan ang kontrol sa ilan sa mga sinakop ng Germany sa China. Ang mga pangyayaring ito ay nagpaalab ng galit sa mga nacionalistang Chinese. Sinisi nila ang kanilang mga pinuno na ipinagkanulo daw sila sa Versailles. Noong Mayo 4, 1919, umalsa ang protesta ng mga estudyante sa Beijing. Ipinagsisigawan nila na ang China ay maaaring puwersahang masakop ng mga dayuhan, pero hindi maaaring ipamigay. Ang mga Chinese ay maaaring malupig at mamatay, pero kailan man ay hindi susuko!

 

Sun-Yat-Sen-2
Sun Yat Sen

Noong 1921, si Sun Yat Sen at ang kaniyang Kuomintang o nationalist party ay nagtatag ng gobyerno sa timugang China. Ang plano ni Sun ay bumuo ng mga kawal, lupigin ang mga warlords, at palaganapin at ipatupad ang mga tuntunin ng kaniyang gobyerno sa buong China. Nang tanggihan ng Western powers ang pakiusap ni Sun na tulungan siya na maitayo ang demokratikong China, naipasya niyang ang tunay at tapat na kaibigan ng Chinese Revolution ay ang Soviet Russia. Dahil dito, ang mga Russian experts ang tumulong sa plano ng Nacionalista sa paglupig sa mga warlords.

 

Pagkaraan ng kamatayan ni Sun noong 1925, isang malakas at batang opisyal ng army na si Chiang Kai Sek ang humalili kay Sun. Nagtamo ng military training si Chiang sa Japan. Determinado ang bagong pinuno na pag-isahin ang China, subali’t wala siyang gaanong interes sa simulaing demokrasya at komunismo.

 

Noong 1926, sinimulan ni Chiang Kai Sek ang martsa patungong hilagaang China — giniba at nilupig nila ang bawa’t warlord na masagupa nila sa kanilang ginawang pagsakop sa Beijing. At sa kalagitnaan ng kanilang kampanyang pananakop ay tumigil sila upang lusubin ang inaakala niyang banta sa kaniyang kapangyarihan — ang Chinese Communist Party. Suportado si Chiang ng mga nagmamay-ari ng mga sakahan at mga negosyante. Pero ang mga maliliit na magbubukid ay mga konbertido ng Communist sa mga siyudad na tulad ng Shanghai.

 

Kapapasok pa lamang ng 1927, sa utos ni Chiang, pinagpapatay ng mga sundalo ng Kuomintang ang mga kaanib ng Communist Party at ang mga trabahador na tumutulong sa kanila. Sa Shanghai at sa iba’t ibang dako ay libu-libong mga tao ang nilipol sa pamamagitan ng pagpatay ng mga sundalo ng Kuomintang. Ang mga pangyayaring ito ang nagpaalab ng mapait at malupit na civil war sa loob ng 22 taon.

 

Screenshot_2016-04-18-12-18-26-1
Mao Tse Tung

Kabilang sa mga komunistang nakatakas sa ginawang pag-atake ni Chiang ay ang isang batang rebolusyanaryo na si Mao Tse Tung na mula sa lahi ng mga magsasaka. Taliwas sa mga naunang Chinese Communist, naniniwala si Mao na dapat ang mga Communist ay humingi ng suporta hindi lamang sa mga maliliit na trabahador (urban working class), kundi lalo na sa mahihirap na masa. Dahil dito, sa pangunguna ni Mao ay inakit nila at binuo ang mga mahihirap sa Timog Silangang China. Ipinamahagi nila ang mga lupain sa mga  mahihirap at inalok nila ang mga tao ng edukasyon pati ang tungkol sa pangangalaga sa kalusugan. Samantala, determinado si Chiang at ipinagpatuloy nito ang pagwasak sa “Red Bandits’’ (Communists).

 

Habang nagaganap ang mga kagutom at kaguluhan sa China at sa iba’t ibang dako ng daigdig, nagkaroon ng malakas na lindol noong Marso 31, 1931, sa Managua, Nicaragua at 2,500 ang mga taong nangamatay. Lumindol din ng malakas noong Abril 27, 1931 sa Zangezur Mountains, Armenia-Azerbaijan border (USSR) at 2,800 ang mga taong namatay.

 

Pagkalipas lamang ng mahigit 3 buwan, noong Agosto 10, 1931, isang lalong malakas na lindol ang naganap sa Near Fuyun, Xinjiang, China at 10,000 ang mga namatay. At noon namang Marso 2, 1933, ay lumindol sa Sanriku, Japan at 3,000 ang mga nangamatay. Karamihan sa mga nasawi ay hindi dahil sa lindol kundi dahil sa tsunami na ang taas ng alon ay umabot sa 28.7 m (94 ft). Muli, noong Agosto 25, 1933, ay lumindol din sa hilaga ng Maowen, Sichuan, China at 9,300 ang mga taong namatay.

 

Noon namang Enero 15, 1934, ay nangyari ang isang malakas na lindol sa Bihar, India-Nepal at 10,700 ang mga taong nasawi. Sa taon ding yaon ay ang malawakang pag-urong ni Mao kasama ng kaniyang mga tagasunod na binubuo ng 100,000 katao para takasan ang Kuomintang. Ang ginawa nilang pag-urong ay tinaguriang “The Long March”.

 

Sa loob halos ng isang taon, nakapaglakbay ang grupo ni Mao ng mahigit na 6,000 milya (10,000 kms). Hinarap nila ang halos ay araw-araw na pag-atake sa kanila samantalang tinatawid nila ang mga masukal na kabundukan, malalalim na bangin, at rumaragasang mga ilog. Pagkaraan ng matinding hirap na dinanas nila ay 20,000 lamang ang nalabi.

 

Sa paglipas ng mga dekada, ang “Long March” ay nanatiling simbolo ng kabayanihan ng mga Communist sa panig mga Chinese na hindi kapanalig ng Kuomintang. Ito ay dahil sa panahon ng “Long March”, mahigpit na disiplina ang ipinatupad ni Mao sa mga Communist. Dapat sundin ng mga sundalo ang tatlong pangunahing tuntunin: (1) huwag kukuha ng kahit na isang karayom o isang hibla ng sinulid mula sa mga tao; (2) isuko ang anomang nasamsam; (3) dapat pakitunguhan ng maayos ang mga mahihirap – bayaran ang anomang produktong maibigan at iwasang makasira ng mga pananim. Ang gayong naging ugali at pakikitungo ng mga tauhan ni Mao ay totoong nakalugod sa mga magbubukid na dumanas ng hirap sa kamay ng Kuomintang.

 

At sa katapusan ng “Long March”, ang mga Communist ay nagtayo ng bagong kampo sa malayong hilaga ng China. Doon ay itinayong muli ni Mao ang kaniyang puwersa at nagplano ng panibagong stratehiya. Inangkin niya na ang kanilang ginawang “great retreat” ay isang tagumpay.

 

Samantalang hinahabol at inuusig ni Chiang ang mga Communist sa buong bansa, ang China ay naharap at nasuong sa isa pang panganib. Noong 1931, nilusob ng Japan ang hilagang silanganan ng Manchuria (China) bilang karagdagan sa lumalagong imperyo ng Japan. At dahil sa mga pag-atake ng Japan, ang ilan sa mga heneral ni Chiang ay nagkaroon ng pag-aalinlangan sa kaniya. Napagtanto ng mga heneral ni Chiang na bakit sila nag-aaksaya ng puwersa, buhay, at lakas laban sa kapuwa nila Chinese samantalang nilulusob sila ng mga dayuhan? Sa bandang huli, ay napilitan si Chiang na makipagkaisa sa grupo ng Communist na pinamumunuan ni Mao upang labanan ang mga sundalong Hapon.

 

Samantalang nagaganap ang mga labanan, lumindol sa Miao-li, Formosa (Taiwan) noong Abril 20, 1935, at 3,270 ang mga taong namatay. At pagkalipas lamang ng mahigit na isang buwan, noong Mayo 30, 1935, ay isang malakas na lindol ang naganap sa Quetta, Pakistan (Baluchistan, India); 30,000 ang mga taong namatay. Noong Hulyo 16,1935 ay lumindol naman sa Hsin-Chu, Formosa (Taiwan) at 2,740 ang mga namatay.

 

Noong 1937, ang mga Japanese ay muling lumusob at umatake sa China proper [Tandaan nating mabuti ang petsa at pangyayaring ito]. Sa pagkakataong ito ay binomba gamit ang mga makabagong eroplano, ang mga siyudad ng China. Kaalinsabay ng pag-atake mula sa himpapawid ay lumusob din ang mga sundalo ng Japan. Kinubkob nila ang silangang China pati ang Beijing at Guangzhou. Si Chiang Kai Sek at ang kaniyang pangkat ay umurong sa liblib na dako at itinatag ang kaniyang kapitolyo sa Chong Quing. Itinayo naman ng mga Japanese ang kanilang puppet government sa Nanjing, ang dating kapitolyo ng Nacionalist. Ang mga pagpatay at kalupitan ng mga Japanese sa ginawa nilang pagsakop ay naging kilala sa tawag na “Rape of Nanjing.”

 

Puntahan naman natin ang Japan. Ano ang idinulot ng Treaty of Versailles at ng Unang Digmaang Pangdaigdig sa kanilang bansa? Ituon natin ang buong pansin sa mga pangyayaring naganap sa Japan noong 1920’s hanggang 1930’s nang ang tindi ng nacionalismo at pag-angat ng ekonomiya ay nagbunsod sa bansang Japan sa militarismo, at sa daan ng pagpapalawak na halos ay sakupin nito ang buong Asya.

 

Noong 1920’s, kumilos ang Japan tungo sa higit na demokrasya. Ang mga partidong pampulitika ay lumalakas at iginigiit ng “Members of Diet” (Japanese Parliament) ang kanilang kapangyarihan. Pagsapit ng taong 1925, lahat ng lalakeng nasa hustong gulang ay nagkaroon ng karapatang makaboto. Ang kaisipang Western hinggil sa karapatan ng mga babae ay lumikha ng mga pagbabago. Gayon pa man, sa kalahatan, ang mga kababaihang Japanese ay namalaging subordinate lamang ng mga lalake.

 

Matatandaan na sa panahon ng Unang Digmaan Pangdaigdig, ang ekonomiya ng Japan ay nagtamasa ng kagila-gilalas na pag-unlad. Ang kanilang iniluluwas na produkto sa mga bansang Allies ay matagumpay na umangat. Samantalang ang Western powers ay nakikipagdigma sa Europa, ang Japan naman ay nagpalawak ng impluwensiya sa East Asia. At noon ngang 1920s, ang mga business leaders (zaibatsu) ay totoong makapangyarihan. Naiimpluwensiyahan nila ang pulitika sa pamamagitan ng mga suhol. Itinutulak nila na pagtibayin ang mga batas na pumapabor sa “international trade” para sa kanilang interest.

 

At kaalinsabay ng panahong iyon, lumagda ang Japan, sa diwa ng kapayapaang pandaigdig, sa isang kasunduan sa United States at Britain. Isinasaad dito na lilimitahan ng Japan ang puwersa ng kanilang navy. Binawasan ng pamahalaan ng Japan ang kanilang gastos sa militar. Dahil dito, higit nilang bibigyang pansin ang komersiyo kaysa pagpapalawak at pagpapalakas ng kanilang militar.

 

Subalit, sa kabila nang wari ay mabuting situwasyon ng Japan, nahaharap ito sa mga malulubhang suliranin. At noon ngang 1920s, ang ekonomiya ay unti-unting dumanas ng paghina at pagbagsak mula ng magsimulang maging moderno ang Japan. Ang mga mahihirap at magbubukid sa mga liblib na lugar ay hindi dumaranas ng kaginhawahang tulad ng mga mamamayan sa siyudad. At totoo, maging ang mga trabahador sa mga pabrika ay naaakit sa sosyalistang isipan nina Marx at Lenin.

 

Gayon din sa mga siyudad, ang henerasyon ng mga kabataan ay nagsipag-alsa laban sa mga tradisyon. Tinularan nila ang western na kaugalian at pananamit. Tinutulan din nila ang awtoridad ng mga magulang dahil sa naimpluwensyahan sila ng pagkaunawa ng western sa pansariling kalayaan. Dahil sa mga pangyayaring ito, umiral ang tensyon sa pagitan ng gobyerno at militar. Ang mga konserbatibo, lalo na ang mga militar, ay bumatikos sa mga korupsyon sa pamahalaan – kabilang na ang mga panunuhol ng mga makapangyarihang Zaibatsu. Kinondena rin nila ang impluwensiya ng western na nagbabalewala sa pagiging masunurin at magalang sa mga maykapangyarihan.

 

545038131-hirohito-emperor-of-japan-in-the-coronation-gettyimages
Hirohito

Noong 1926, iniluklok sa trono si Hirohito bilang emperador ng Japan. Sa pasimula ng pamumuno ni Hirohito, ang bansang Japan ay dumanas ng kagila-gilalas na pag-unlad at tagumpay sa ekonomiya. Subali’t pagsapit ng taong 1929, ang Great Depression ay lumagos hanggang sa Pacifico. Ang bansang Japan ay tinamaan ng nakagigibang epekto nito. Ang kalakalan ng Japan na siyang linya ng kabuhayan nito ay dumanas ng matinding kahirapan.

 

Hindi na kaya ng mga dayuhang mamimili ang mga presyo ng mga produktong iniluluwas ng Japan. Marami sa mga mamamayan ng siyudad ang nangawalan ng trabaho. Ang mga mahihirap at magbubukid sa probinsiya ay nagutom. Ang mga pangyayaring ito ay nagpalala sa reklamo ng mga militar at ultranationalists. Kinondena nila ang kanilang mga pulitiko sa pagsang-ayon ng mga ito sa manda ng Kanluran na itigil ng Japan ang pagpapalawak sa ibayong dagat; samantalang ang mga bansa sa Kanluran naman ay patuloy ang pagpapalawak at pananakop ng kanilang imperyo at industriya.

 

Sa paglala ng krisis, hiniling ng mga nacionalista ng Japan na sapilitang ipagpatuloy ng kanilang bansa ang pagpapalawak ng imperyo sa Asia. Ikinatuwiran nila na ito ay makatutulong ng malaki sa kailangang materyales at pagtatayo ng mga outlet, at makatutulong ito para sa mabilis na lumalagong populasyon ng Japan.

 

At sa pagpasok ng taong 1930, nagtagumpay ang mga ultranationalists na makuha ang suportang kailangan sa pananakop ng mga bansa sa ibayong dagat. Sumuporta rin ang karamihan na manindigan laban sa Western powers. Ang mga kaanib ng lipunang makabayan ay nagpapatay ng mga pulitiko at business leaders na sumalungat sa ekspansiyong militar. Ang mga pinuno ng militar ay nagsabwatan upang ibagsak ang gobyerno. Noong 1936, saglit nilang sinakop ang sentro ng Tokyo.

 

Pinalakas nila at pinalaki ang kanilang puwersa militar. Maging ang kanilang mga armas na pandigma ay ginawang pawang makabago tulad ng kanilang mga eroplano. At noong ngang 1937, ay nilusob ng Japan ang mainland China sa pamamagitan ng mga makabagong eroplano at malalakas na bomba. Tandaan nating mabuti ang petsa at pangyayaring ito sapagkat may kaugnayan ito sa katuparan ng unang hihip ng pakakak sa ikapitong tatak ng Apocalipsis ni Cristo.

Leave a comment