Dapat Magdaan Sa Pagsubok

DAPAT MAGDAAN SA PAGSUBOK UPANG MALAMAN KUNG TALAGANG TUNAY AT TAPAT ANG PANANAMPALATAYA

 

Kapag ang tao ay yumakap sa isang simulain, hindi niya maiiwasan na mamuhunan ng pagsasakit sa pagtataguyod nito. Kaya nang tayo ay umanib sa Iglesia ni Cristo, hindi natin maiiwasan na tayo ay mamuhunan ng pagsasakit. May mga itinakuwil ng kanilang mga mahal sa buhay dahil sa kanilang pagka-Iglesia ni Cristo. Ang iba’y nagdanas ng kahirapan, at ang iba naman ay pinag-usig. Ano ang kahulugan ng mga nararanasan nating ito? Paano natin dapat pakitunguhan ang mga bagay na ito?

 

Ano ang ipinagpauna ng mga apostol na hindi dapat ipagtaka kung ating danasin?

I Pedro 4:12-13 MB

“Mga minamahal, huwag ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni Cristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang kadakilaan.”

 

Huwag tayong magtaka kung makaranas tayo ng mahihigpit na pagsubok. Bagkus, dapat tayong magalak sapagkat ito ang pakikihati natin sa mga hirap ni Cristo.

 

Bakit kailangang paraanin pa tayo sa mga pagsubok?

I Pedro 1:6-7 MB

“Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayon, kayo’y papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”

 

Hindi natin dapat na iwasan ang pagsubok. Sadyang pinararaan tayo sa mga ito upang ang pananampalataya at katapatan ay mapatunayan natin sa harap ng Panginoong Diyos.

 

Ano naman ang dapat mapatunayan ng mga nahasikan ng mga salita ng Diyos?

Marcos 4:14-20 MB

“Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng mga napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga–may tigtatatlumpu, may tigaanimnapu, at may tigsasandaan.”

 

Ayon sa talata, may apat na uri ang mga nakarinig ng mga salita ng Panginoong Diyos. Mayroong mga nanlamig at nahiwalay nang dumating ang pagsubok at alalahanin sa buhay. Sila ang mga hindi tunay na sumampalataya. Hindi tumimo sa kanila ang mga salita ng Diyos. Ang tanging nakapanatili ay ang mga nanghawak sa salita ng Diyos. Ito ang mga kaanib sa Iglesia na hindi nadadaig ng iba’t ibang alalahanin sa buhay na ito at hindi rin natatangay ng mga maling aral. Dito tayo dapat na mapabilang. Dapat makita sa atin ang bunga ng mga Salita ng Diyos na inihasik sa ating puso.

 

Anong bunga ang hinahanap sa atin?

Filipos 1:11

“Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito’y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios.”

 

Dapat makita sa atin ang bunga ng kabanalan, ang pagsunod natin sa mga aral na tinanggap natin sa ating Panginoong Jesurcristo. Ibuhay natin ang mga aral na ating tinanggap. Ang kalooban ng Diyos ang dapat na naghahari sa ating buhay, hindi ang sarili nating kagustuhan.

 

Ano pa ang isang katunayan na ang tinuruan ay natuto?

Efeso 4:21-24 MB

“kung talagang pinakinggan ninyo ang aral niya at naturuan kayo ng katotohanang na kay Jesus. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat makita sa inyo’y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng Kanyang katuwiran at kabanalan.”

 

Ang katunayan ng mga natuto sa aral ay nagbabagong-buhay. Kaya, napakahalagang iwan na ng isang Iglesia ni Cristo ang dati niyang pamumuhay na masama. Kahit pa nabautismuhan na, kung nasa likong pamumuhay naman, ay mahihiwalay pa rin sa Diyos.

 

Paano patutunayan ng sumasampalataya na siya’y matatag sa pag-asa at hindi nag-aalinlangan?

Hebreo 10:23, 25 MB

“Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin.”

“At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.”

 

Mapatutunayan natin ito sa pamamagitan ng pagtupad ng ating pananagutan na sumamba sa Diyos. Kaya hindi tayo dapat na pumapalya sa pagdalo sa mga pagsamba.

 

Sa mga pagsamba tayo tinuturuan ng mga dalisay na aral ng Diyos. Huwag nating gawing dahilan ang mga hadlang sa ating buhay. Patunayan natin sa Diyos na hindi tayo magpapabaya at lalong hindi tayo titigil sa pakikinig at pagsunod ng Kaniyang mga aral.

 

Ano ang babala sa nagpapabaya?

Hebreo 10:26-27 MB

“Kung matapos nating makilala at tanggapin ang katotohanan ay magpapatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang haing maihahandog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Wala nang natitira kundi ang nakapangingilabot na paghihintay sa darating: ang Paghuhukom at ang nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kalaban ng Diyos!”

 

Itinuturing ng Diyos na kalaban Niya ang nagpapabaya sa mga pagsamba at nagpapatuloy pa sa pagkakasala. Mabigat na kasalanan na sadyain ang pagpapabaya sa mga pagsamba. Sa mga pagsamba natatanggap natin ang mga dalisay na aral ng Diyos, na siyang pagkain ng ating kaluluwa. Kung wala tayong tinatanggap na mga aral ng Diyos ay manghihina ang ating kaluluwa, magkakasakit, at ikamamatay ito ng ating pananampalataya.

 

Kung magkaroon tayo ng suliranin na magiging hadlang sa ating paglilingkod, ano ang dapat nating maging pag-asa?

Awit 27:4-5, 1 MB

“Isang bagay lamang ang aking mithiin, Isang bagay itong kay Yahweh hiniling: Ang ako’y lumagi sa banal na templo Upang kagandahan niya’y mamasdan ko At yaong patnubay niya ay matamo. Iingatan ako kapag may bagabag, Sa banal na templo’y iingatang ligtas; Itataas niya sa batong matatag.”

“Tanglaw ko’y si Yahweh, aking kaligtasan, Kaya walang takot ako kaninuman; Sa mga panganib kanyang iingatan, Kaya naman ako’y walang agam-agam.”

 

Magtiwala tayo sa Diyos. Dapat nating asahan ang pag-iingat at ang patnubay ng Ama. Kaya kung kailan tayo nagdaranas ng maraming suliranin ay doon natin lalong kailangang magtalaga sa mga pagsamba. Huwag nating gawing lunas sa suliranin ang pagpapabaya sa pagsamba sapagkat lalo lamang dadami ang ating suliranin.

 

Anong paninindigan ang hinahanap ng Diyos sa isang tunay na sumasampalataya upang tiyak na maligtas?

Hebreo 10:38-39

“Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. Ngunit tayo’y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.”

 

Huwag tayong titigil ni uurong man kahit anong pagsubok ang ating masagupa. Huwag nating iiwan ang pagsamba at paglilingkod sa ating Panginoong Diyos. Ang pag-urong ay katumbas ng pagbabalik sa kapahamakan.

 

Hanggang kailan natin dapat itaguyod ang paglilingkod sa Diyos?

Apocalipsis 14:12-13 MB

“Kaya’t kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. “Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.””

 

Ang ating pagkahirang ay dapat nating itaguyod habang buhay. Manatili tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ingatan natin ang tunay na pananampalataya. Itaguyod natin ito hanggang kamatayan.

 

Alin at saan ang kapahingahang ating tatamasahin?

Apocalipsis 21:1-4

“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.”

 

Magpakatatag tayo anoman ang ating masagupa. Kapag dumating ang sandaling sa pakiramdam natin ay halos hindi na natin makakaya at tayo ay pinanghihinaan ng loob, manalangin tayo sa Diyos at humingi ng lakas upang ating maitaguyod hanggang sa wakas ang pagkatawag Niya sa atin.

 

Leave a comment