Ang Ika-Pitong Tatak (Part 3)

Huwag nating kalilimutan ang sinabi ng ating Panginoong Jesucristo, na aalingawngaw ang digmaan subalit hindi tayo dapat na magulumihanan sapagkat iyon ay pasimula pa lamang ng kahirapan at hindi pa ang wakas. Titindig ang bansa laban sa bansa, at mga kaharian laban sa kaharian, at magkakagutom at lilindol sa ibat ibang dako. Alamin natin ang katuparan nito sa pangyayari ng kasaysayan.

 

Noong Hunyo, 1919, inutusang magpunta ng mga peacemakers ang mga kinatawan ng bagong German Republic sa palasyo ng Versailles. Ang mga Germans ay inobligang pumirma sa tratado na ginawa ng mga Allies. Binasa ng mga delegado ng Germany ang dokumento na may panghihilakbot. Nabasa nila na dapat balikatin ng kanilang bansa ang buong kasalanan sa pagsiklab ng digmaan! Ganito ang isinasaad ng isang bahagi ng dokumento:

 

“The Allied and Associated Government affirm, and Germany accepts, the responsibility of Germany and her Allies for causing all the loss and damage to which the Allied and Associated Governments and their nationals have been subjected as a consequence of the war imposed on them by the aggression of Germany and her allies.”

 

Ang tratado o treaty ay nagpapataw ng malaking halaga para sa “reparation” o pagbabayad ng German Republic sa kasiraang nilikha ng digmaan bunga ng kanilang aksyon. Hindi lamang ang mga nasira ang sakop ng reparation kundi pati na ang pension ng milyong biyuda ng mga nangasawing sundalo ng mga Allied at mga pamilya nito. Ang halaga ng reparation na babayaran ng Germany ay aabot nang mahigit sa $30 billion.

 

Ang ibang sugnay ng tratado ay naglalayong pahinain ang puwersa militar ng Germany. Inatasan ding ibalik ng Germany ang Alsace at Lorraine sa France. Binawasan ang kanilang teritoryo ng ilang daang milya kuwadrado mula sa kanluran at silangang Germany, at kinuha sa kanila ang mga kolonya nila sa ibayong dagat.

 

Napilitang pumirma ang Germany dahil sa wala silang magagawa. Subalit, ang kanilang hinanakit sa Treaty of Versailles ay lumason sa pandaigdig na klima sa loob ng 20 taon. At tumulong ito sa pagsiklab ng lalong malupit at mabagsik na digmaan.

 

May ilang bagong bansa ang bumangon na dati ay nasasaklaw ng mga imperyo ng Germany, Austria, at Russia. Ang mga bansang ito ay kabilang sa Baltic states ng Lithuania, Latvia, at Estonia. Natamong muli ng Poland ang kasarinlan pagkaraan ng 100 taon na pagkaalipin.

 

Tatlong bagong republika — Czechoslovakia, Austria, at Hungary — ang bumangon sa pusod ng lupain ng matandang Habsburg. Sa Balkans, ang nag-akda ng kapayapaan ay gumawa ng isang bagong estado ng Slav ‒ Yugoslavia, na dominado ng Serbia. Gayon pa man, ang silangang Europa ay namalaging sentro ng kaguluhan.

 

Ang mga bansang colonial ng mga Europeo sa Africa, Asya, at sa Pacifico ay nakatanaw sa Paris Peace Conference na may malaking pag-asa. Maraming tao sa mga bansang ito ang nakipagbaka sa panig ng nakasasakop na Imperyo. Dahil dito, umaasa ang mga pinuno ng mga bansang colonial na maghahatid ito ng paggalang sa kanilang karapatan; tatapusin na ang pagnanakop ng imperyo, at tatamuhin na nila ang pinakahahangad na kasarinlan.

 

Subalit, ipinatupad ng mga pinuno sa Paris ang simulaing sariling pagpapasya o “self-determination” doon lamang sa ilang bahagi ng Europa. Labas sa Europa, pinalawak pa ng mga nagwaging Allies ang kanilang kolonyal na imperyo sa ibayong dagat. Ang tratado ay lumikha ng manda na pangangasiwaan ng Kapangyarihan ng Hilaga o “Northern Powers”  ang mga ito. Ang Britain at France ay nagtamo ng kapangyarihan upang sakupin at pangasiwaan ang mga kolonya ng Germany sa Africa at ang mga lupain ng Ottoman sa Gitnang Silangan. Ang mga mamamayan sa mga bansang kolonyal ay nagdamdam sa mga nag-akda ng kapayapaan. Sa pakiwari nila ay dinaya sila at nilinlang.

 

Ang bansang Germany man ay hindi nasiyahan sa naging resulta ng kapayapaan. Maging ang Italy ay nagalit dahil sa hindi nito nakuha o nakamit ang lahat ng lupain na nakasaad sa lihim na tratado nito sa Allies. At ang bansang Japan ay tumutol sa pagtanggi ng Western nations na kilalanin ang lahat ng inaangkin nitong teritoryo sa Tsina.

 

Ang Russia, na hindi nakasama sa usaping pangkapayapaan, ay labis na naghinanakit sa muling pagkakatatag ng bansang Poland at tatlong independent Baltic states sa lupaing minsan ay naging bahagi ng Imperyo ng Russia. Ang lahat ng mga bansang hindi nasiyahan ay naghihintay lamang ng angkop na panahon upang maituwid ang lahat ng maling naging bunga ng “Treaty of Versailles”.

 

Ang isa sa naging malalim na palaisipan ng maraming mamamayan ay ang pagkakabuo ng “League of Nations” kung saan ay nakatuon ang lahat para makatiyak sa kapayapaan ng mundo sa hinaharap. Mahigit 40 bansa ang miyembro nito; nagkaisa silang dito pag-usapan  ang anomang suliranin sa halip na magkaroon ng digmaan para lutasin ang problema.

 

Wilson
Wilson

Si Wilson ng United States ang nanguna sa pagkakatatag nito. Isa ito sa 14 points na inilatag niya sa “Treaty of Versailles”. Subalit ang totoong ikinamangha ng marami, ang United States mismo ay hindi kaanib sa “League of Nations”! Kumunot ang noo ng mga mapanuri nang hindi pagtibayin ng Senado ng United States ang tratado. Kung ano ang malalim nilang motibo ay minarapat ng United States na manahimik hinggil dito, subalit kalahok pa din sila sa mga pagpapalakad ukol sa kapakanan ng daigdig. Isa sa pinakamalapit na tagapayo ni Wilson ang sumulat ng ganito, “Looking at the conference in retrospect, there is much to approve and much to regret.”

 

Sa katotohanan, gaya ng namalas ng buong daigdig, hindi gaanong malaki ang pinsalang natamo ng United States dahil sa bandang huli lamang sila nasangkot sa giyera. Dahil doon ay nanguna sila sa industriya at agrikultura sa buong daigdig; tumulong din sila sa mga bansang Europeo sa pananalapi upang makabangon at makaahon mula sa idinulot na hirap ng digmaan.

 

Sa opinyon ng mga mapanuri, laluna ng mga historyador, ang dahilan ng United States kaya’t hindi sila kabilang sa League of Nations, ay dahil sa maraming mamamayan nito ang nangangamba na baka sila ay masangkot kung may darating pang digmaan. Kaya’t sa panahon ng “roaring twenties”, sa panahon na tinatawag na “boom” at “Great Depression”, ay lumitaw na nangunguna ang United States sa international diplomacy.

 

Ang komunismo sa panahon ng boom years ng 1920’s ay hindi gaanong naging epektibo. Ang mga mamamayan ng Amerika sa panahong ito ay nasisiyahan sa pakinabang ng kapitalismo. Ang kanilang mga tahanan ay sagana sa mga appliances tulad ng radyo, refrigerator, at kotse. Sang-ayon ang karamihan na Amerikano sa slogan ng kanilang Pangulong Calvin Coolidge na, “The business of America is business!Samakatuwid, negosyo, negosyo, at negosyo ang motibo ng United States sa kanilang kilos at gawa. Pati giyera ay ginagawang negosyo!

 

Alamin natin kung ano ang naging epekto ng giyera at Treaty of Versailles sa mga bansang nasangkot sa digmaan, laluna sa panahon ng “Great Depression”. Pagkatapos na matigil ang unang digmaang pandaigdig, sa pagpasok ng taong 1919, tatlong bansang demokratiko sa hilagaan ‒ ang Britain, France at United States ‒ ay waring makapangyarihan. Sila ang namayani halos sa pulong pangkapayaan sa Paris. Subalit, sa ilalim nito, pagkatapos ng digmaan at Treaty of Versailles, ang mga bansa, laluna sa Europa, ay haharap sa mga malulubhang suliranin.

 

Ang pangunahin sa mga problema ay ang paghanap ng trabaho para sa mga nagsiuwing beterano ng digmaan at ang pagtatayo ng kanilang mga bahay at lupaing winasak ng digmaan. Gayon din, maraming bansa ang nabaon sa utang dahil sa digmaan. Ang totoo, bago pa man mapigil ang digmaan, ang problema sa ekonomiya ay naging sanhi ng kawalan ng katahimikan sa mga lipunan, at ang mga diwang radikal ang naging tanyag tulad ng naging dahilan sa Revolution sa Russia noong 1917. Lumaganap ang komunismo sa paniwala ng maraming mamamayan sa Russia na ang socialismo ang sagot sa kanilang kahirapan.

 

Pagtuunan muna natin ng pansin ang Revolution sa Russia.

 

Noong Marso 1917, dahil sa mga kahirapang natamo sa digmaan, kawalan ng sapat na pagkain, at kakapusan ng gasolina, ang monarkiya ng Russia ay bumagsak. Sa St. Petersburg, (naging Petrograd) ang mga trabahador ay nagsipag-aklas. Ang mga mamamayan ay nagmartsa, (marami sa kanila ay kababaihan) at malakas na sumisigaw sa lansangan, Tinapay! Tinapay! Kailangan namin ang tinapay!

 

Sa pangunguna ni Vladimir Lenin ay itinatag ang socialismong rebolusyonaryo sa Petrograd at iba pang siyudad. Nagtatag sila ng soviets o konsilyo ng mga trabahador at sundalo. Sa pasimula ay nakipagtulungan muna sila sa pansamantalang pamahalaan na itinatag pagkaraang matanggal ang Czar ng Russia. Sa bandang huli, nagrebolusyon na sila.

 

Lenin
Lenin

Si Lenin, na ang tunay na pangalan ay Vladimir Hyich Ulyanov, ay mula sa isang middle class na pamilya. Ipinanganak siya noong 1870. 17 taon gulang siya nang ang kaniyang nakatatandang kapatid ay naaresto at binitay dahil sa pagkakasangkot sa planong pagpatay kay Alexander III. Dahil dito, nagtanim siya ng matinding poot laban sa pamahalaang Czarista. Sa kaniyang kabataan ay binasa niya ang mga gawa ni Karl Marx at sumama siya sa mga demonstrasyon ng mga estudyante. Ikinalat niya ang isipang Marxist sa mga trabahador ng pabrika kasama ang ilang socialista at si Nadezhda Kruspkaya, anak ng isang mahirap ngunit marangal na pamilya.

 

Dahil dito, inaresto sina Lenin at Kruspkaya at ipinadala sila sa Siberia upang ibilanggo. Sa bilangguan na ikinasal ang dalawa; at nang sila ay palayain ay idinistiyero nila ang kanilang mga sarili sa Switzerland. Doon ay walang kapaguran nilang ikinalat ang kaisipang rebolusyonaryo.

 

Isang karibal ang minsan ay isinulat ang kataimtiman ng ambisyon ni Lenin na maisagawa ang rebolusyon sa Russia.

 

“There is no other man who is absorbed by the revolution 24 hours a day, who has no other thoughts but the thought of revolution, and who, even when he sleeps, dreams of nothing but the revolution.”

 

Nang siya ay nasa Russia pa, sinikap ni Lenin na iangkop ang isipang Marxist sa kondisyon ng Russia. Ang paniniwala ni Marx, ang mga trabahador ng industriya ay babangon upang ibagsak ang kapitalismo. Subalit, sa Russia ay hindi gaanong malawak at marami ang maliliit o “prolitariat” kaya’t nangalap din si Lenin ng mga nakaririwasa at itinatag niya ang “Dictatorship of the Prolitariat”. Bagama’t ang rebolusyonaryong partido niya ay maliit na porsiyento lamang, tinawag niya ang grupo na Bolshevik, na ang ibig sabihin ay nakararami.

 

Ang rebolusyon sa Russia ay tumagal ng tatlong taon.

 

Bago matapos ang taong 1920, noong Disyembre 16, ay lumindol nang napakalakas sa Haiyuan, Ningxia, China. 200,000 tao ang namatay. Nagkaroon ng ganap na pagkawasak sa lugar ng Lijunbu-Haiyuan-Ganyanchi. Mga 73,000 tao ang namatay sa Haiyuan Country. Isang landslide ang naglibing sa nayon ng Sujiahe sa Xiji County. Mahigit na 30,000 tao naman ang namatay sa Guyuan County.  Halos lahat ng mga bahay sa Longde at Huining ay bumagsak at nawasak. Ang sira ay naganap sa pitong probinsiya at rehiyon, kasama ang mga pangunahing siyudad ng Lanzhou, Taiyuan, Xi’an, Xining at Yinchuan. Mahirap ilarawan sa pangungusap ang dulot na pinsala ng lindol.

 

tumblr_lfqpvo6x1E1qfzutqo1_1280

 

Pagpasok ng 1921, binago ng Bolsheviks ang kanilang pangalan at tinawag silang “Communists”. Tinalo nila ang kanilang mga kalaban. Ngunit bagama’t nagtagumpay si Lenin, ang Russia ay nasa kaguluhan pa rin; Milyon ang namatay mula nang magsimula ang World War I; ang peste at sakit ay laganap; bagsak na bagsak ang ekonomiya. Kinakaharap ni Lenin ang isang malawak na gawaing pagbangon ng kanilang bansa.

 

Ang isang naging palaisipan sa Western nations na kaalyado ng Russia ay kung bakit pumirma si Lenin ng pakikipagpayapaan sa Germany at umatras sa digmaan noong Marso 1918. Isinuko niya ang malawak na teritoryo pati ang mamamayan nito; pinauwi ang mga sundalo ng Russia na nasa larangan ng digmaan. Pumirma si Lenin sa Treaty of Brestlitovsk. Ang lihim na dahilan, noong Marso, 1917, nasa distiyero pa si Lenin ay nasilip na sa kaniya ng Germany kung paano pahihinain ang Russia. Tinulungan ng Germany na makabalik at makauwi si Lenin sa kaniyang bansa.

 

Sakay ng isang selyadong tren, itinawid ang leader ng Bolshevik mula Germany hanggang sa hangganan ng Russia. Abril 16, 1917, nang bumaba ng tren si Lenin sa Petrograd. Sinalubong siya ng mga kapuwa aktibista na nagsipaglaya mula sa bilangguan ng Czar. Mula noon ay lalong lumalagablab ang rebolusyon sa Russia sa pangunguna ni Lenin.

 

Sa unang taon ng pamumuno ni Lenin sa Russia ay naging abala siya sa pagpigil ng giyera sibil. Nang maitatag na ang kaniyang kapangyarihan bilang pinuno ng Russia, binalikan niya ang kaniyang pangunahing layunin — ang pagtatatag ng classless society — na kung saan ang produksiyon ay nasa kamay ng mga tao. Sa tunay na pangyayari ay hindi naisakatuparan ni Lenin ang “Marxist goal” na ito.

 

At noong 1922, ang Bolsheviks, o kilala sa tawag na Communists, ay lumikha ng konstitusyon na mistisong demokratiko at mistisong socialista. Nilikha nito ang halal na lehislatura. Sa dakong huli ay tinawag na “Supreme Soviet” at binigyan ang lahat ng mamamayan, mula 18 taon gulang pataas, ng karapatang bumoto. Ang lahat ng kapangyarihang pampulitika, katutubong kayamanan, at produksiyon ay pag-aari ng mga trabahador at magbubukid o magsasaka. Subali’t sa katotohanan at sa pagsasakatuparan, ang partido komunista rin ang naghahari ang kapangyarihan.

 

Ang dagliang pagkamatay ni Lenin noong 1924 ay lumikha nang matinding agawan sa kapangyarihan ng mga pinuno ng Komunista. Ang dalawang pangunahing naglaban ay sina Trotsky at Joseph Stalin. Si Trotsky ay matalino at nagtataglay ng isipang Marxist. Mahusay siyang magsalita at arkitekto ng Bolshevik Revolution. Samantala, si Stalin ay kaibayo niya. Hindi siya gaanong mahusay magsalita o scholar, ngunit suwitik sa mga kilusang pampulitika at laging nasa likuran nito. Sa dakong huli, pagkaraan ng madugo at masalimuot na mga pangyayari, si Stalin ang nangibabaw at namuno sa Russia.

Leave a comment