Chapter 4: Ang Bugtong na Anak

ANINO NG KASAYSAYAN

Sumipi pa tayo ng isang pangyayari na naganap sa panahon ng patriarka na natupad sa ating Panginoong JesuCristo.

Genesis 22:1-2

‘’1At nangyari pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya’y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. 2At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.’’

Si Abraham, na isang daan taon na, at si Sarah, asawa niya at siyam na pung taon na at baog pa, nang pangakuan sila ng Diyos na magkakaanak pa sila. Ang pangako ng Diyos ay buong pusong sinampalatayanan ni Abraham. Tinanggap niya ang isang pag-asa na laban sa pag-asa. Higit na sinampalatayana ni Abraham ang pag-asang ibinigay ng Diyos na sila’y magkakaanak kaysa, sa pag-asa ng tao na hindi na sila magkakaanak.

 

Ang pangako ng Diyos ay natupad. Ipinanganak nga ni Sarah si Isaac. Matatanto ng sinoman kung gaano ang pagmamahal na iniukol ng mag-asawa sa kanilang bugtong na anak. Ikintal nating mabuti sa isipan natin ito, kung gaano katindi ang pag-ibig ng mag-asawa sa kanilang bugtong na anak na si Isaac.

 

Dahil may gustong ipaunawa ang Dakilang Ama sa Kaniyang mga lingkod, sinubok Niya si Abraham. Hiniling niya na ihandog ni Abraham si Isaac bilang isang handog na susunugin! Alamin natin, ano ba ang ibig sabihin ng handog na susunugin, na hiniling ng Diyos kay Abraham na gawin sa anak niya? Basahin natin ang kahulugan sa aklat na sinulat ni Moises:

Levitico 7:1-2

‘’1At ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan. 2Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao’y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.’’

 

Levitico 1:4

4At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin; at tatanggapin sa ikagagaling niya, upang gumawa ng pakikipagkasundo sa kaniya.’’

Ang hiniling ng Diyos kay Abraham na ihandog niya ang sariling anak bilang handog na susunugin ay para na ring sinabi na si Abraham mismo ang kikitil sa buhay ng kaniyang anak. Gagawin nito ang lahat ng tuntunin sa pagsasagawa ng handog na susunugin. Makirot, mahapdi, masakit, pero hindi kinabakasan ng pagdaramdam o pagtutol man si Abraham. Bagkus, buong pusong sumunod bunsod ng dakilang pag-ibig at pananampalataya sa Dakilang Diyos na lumalang sa kaniya. Bilang katunayan nito ay ang sumusunod na talata.

Genesis 22:3-13

‘’3At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. 4Nang ikatlong araw ay itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata at natanaw niya ang dakong yaon sa malayo. 5At sinabi ni Abraham sa kaniyang mga alila, Maghintay kayo rito sangpu ng asno, at ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo. 6At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kaniyang anak; at dinala sa kaniyang kamay ang apoy at ang sundang; at sila’y kapuwa yumaong magkasama. 7At nagsalita si Isaac kay Abraham na kaniyang ama, na sinabi, Ama ko: at kaniyang sinabi, Narito ako, anak ko. At sinabi, Narito, ang apoy at ang kahoy, nguni’t saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin? 8At sinabi ni Abraham, Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin, anak ko: ano pa’t sila’y kapuwa yumaong magkasama. 9At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. 10At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak. 11At tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, Abraham, Abraham: at kaniyang sinabi, Narito ako. 12At sa kaniya’y sinabi, Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak. 13At itiningin ni Abraham ang kaniyang mga mata, at nagmalas, at narito, ang isang tupang lalake, sa dakong likuran niya na huli sa dawag sa kaniyang mga sungay: at pumaroon si Abraham, at kinuha ang tupa, at siyang inihandog na handog na susunugin na inihalili sa kaniyang anak.’’

Sa panahon pa man ni Abraham ay alam na nila ang halaga ng haing handog na susunugin. Ito ay para sa ikapagpapatawad ng kanilang mga kasalanan. Maging si Isaac, sa kaniyang kamusmusan, ay nalalaman na ang tupa ang ihahandog bilang haing susunugin. Hinanap niya iyon kay Abraham samantalang sila ay naglalakbay. At kung susuriin nating mabuti ang damdamin ng dalawa: (1) si Abraham nang ginagapos na niya ang anak upang kitlin ang buhay nito; (2) ang pagsang-ayon naman ni Isaac na walang bakas nang pagtutol. Matatanto natin na iisa ang damdaming nagbunsod sa dalawa – ang kanilang banal na takot at pag-ibig sa Diyos.

 

Ang pangyayaring ito sa buhay ni Abraham at sa kaniyang bugtong na anak na si Isaac, ay isang anino ng napakabuting bagay na darating. Ang larawan nito ay ang paghahandog ng Dakilang Ama sa kaniyang bugtong na anak na si Cristo Jesus bilang handog na Cordero. Ito ay sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan.

Juan 3:16 MB

‘’16Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.’’

At bilang patunay na ang larawan nito ay si Cristo Jesus, basahin natin ang patotoo ni Juan Bautista na nakasulat sa aklat ni Apostol Juan.

Juan 1:29

‘’29Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!’’

Bilang sugo ng Diyos, ang patotoong ito ni Juan Bautista ay ibinatay niya sa awit ng Haring si David.

Awit 40:6-8

‘’6Hain at handog ay hindi mo kinaluluguran; Ang aking pakinig ay iyong binuksan: Handog na susunugin, at handog tungkol sa kasalanan ay hindi mo hiningi. 7Nang magkagayo’y sinabi ko: Narito, dumating ako; Sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa akin: 8Aking kinalulugurang sundin ang iyong kalooban, Oh Dios ko; Oo, ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.’’

Ang hulang ito na isa sa mga hulang pinagbatayan ni Juan Bautista ay ipinaliwanag din ni Apostol Pablo. Pansinin nating mabuti dahil sa iisa ang kanilang pagkaunawa sa kinatuparan ng hula.

Hebreo 10:6-7,10,12

‘’6Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod. 7Nang magkagayo’y sinabi ko, Narito, ako’y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.

10Sa kaloobang yaon tayo’y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.

12Nguni’t siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios;’’

Pagkatapos nating pagtapatin ang mga pananalitang ayon sa espiritu ay marapat din nating suriin ang mga mensahe na ibig ng Diyos na maiparating sa atin, laluna ang paghahandog Niya ng Kaniyang bugtong na anak sa atin. Natiyak na natin ngayon na ang biblia ay kinatatalaan ng kaniyang mga panukala.

 

Ngayong lubos nating naiintindihan ang walang hanggang panukala ng Ama, ano ang dapat na makintal na mabuti sa isipan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo? Ipinaliwanag din ito ni Apostol Pablo.

Roma 5:8-11

‘’8Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. 9Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya. 10Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay; 11At hindi lamang gayon, kundi tayo’y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya’y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo.’’

Ang mga Iglesia ni Cristo ang tanging may kapayapaan na sa Diyos. Ang hiwalay kay Cristo ay walang Diyos at walang pag-asa sa kaligtasan at buhay na walang hanggan.

Leave a comment