Chapter 3: Buhay na Walang Hanggan

ANINO NG KASAYSAYAN

Ipagpatuloy pa natin ang pagsipi sa isang pangyayari na naganap sa panahon ni Moises na natala sa Matandang Tipan. Ang nakatitigatig na pangyayaring ito ay isa pang anino ng mabuting bagay na darating na siyang tunay na larawan nito. Ito ay natupad sa ating Panginoong Jesucristo mismo.

Exodo 16:11-15

‘’11At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 12Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios. 13At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog. 14At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa. 15At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka’t hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.’’

Ang mga inilahad na ito ay naganap ng ang Bayang Israel ay nasa Elim at ilang ng Sin. Ang bayan ay nagutom at gaya nang madalas nilang gawin, inupasala na naman nila si Moises at ang Panginoong Diyos. Dahil sa ang Diyos ay mapagpahinuhod, sa halip na magalit, binigyan Niya sila ng pagkaing galing sa langit; tinapay na mana, at isang katerbang pugo.

 

Pansinin nating mabuti ang ugali ng Bayang Israel. Sa tuwing sila ay mauuhaw o magugutom, nalilimutan nila ang mga kabutihan at kaligtasang ginawa ng Diyos sa kanila mula nang sila ay palayain sa pagkaalipin ng Egipto. Ang pangyayaring ito ay isa na namang anino ng isang mabuting bagay na darating. Ang pangyayari na siyang tunay na larawan nito ay isinulat ni Apostol Juan sa kaniyang aklat:

Juan 6:32, 35, 48-50, 58

‘’32Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

 

35Sa kanila’y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw.

 

48Ako ang tinapay ng kabuhayan. 49Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila’y nangamatay. 50Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay.

 

58Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man.’’

 

Samakatuwid, si Cristo Jesus ang tunay na larawan ng mana na ibinigay ng Diyos sa Bayang Israel sa Elim at ilang ng Sin. Subali’t tulad ng Israel sa panahon ni Moises, na ang higit na pinahahalagahan ay ang pagkain na pamawing gutom, gayon din ang hinahanap ng karamihan kay Jesus nang siya ay nangangaral na.

 Juan 6:26-27

‘’26Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako’y inyong hinahanap, hindi sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay, at kayo’y nangabusog. 27Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkain napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka’t siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga’y ang Dios.’’

 

Ayon na rin sa ating Panginoong JesuCristo, alin ba ang pagkaing tumatagal hanggang sa buhay na walang hanggan na siya ang magbibigay sa mga tao bilang tinapay na galing sa langit?

Juan 5:24

‘’24Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.’’

 

Liwanagin natin, bakit sinabi ng ating Panginoong Jesucristo na ang dumirinig ng kaniyang mga salita at sumampalataya sa nagsugo sa kaniya –ang ating Panginoong Diyos– ay may buhay na walang hanggan?

Juan 7:15-16

‘’15Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man? 16Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.’’

 

Ito ang tunay na kahulugan ng sinabi ni Cristo Jesus na siya ang tinapay na bumabang galing sa langit. Ang kaniyang salita ay galing sa Diyos. Ang sinomang tumanggap nito at sumampalataya ay may buhay na walang hanggan. Tunay na si Jesus ang larawan ng mana na galing sa langit na ibinigay ng Diyos sa Israel sa ilang.

Leave a comment