Ang Paggamit Ng Bibig At Dila

Sa panahong ito na malago na ang karunungan ay malaki ang pagbabagong naidulot sa tao.  Malawak na ginagamit ngayon ang modernong paraan ng komunikasyon sa buong mundo, sa pamamagitan ng cellphone, computers, at iba pang gadgets.  Hindi rin matatawaran ang malaking bahagi ngayon ng “social media” upang mabilis na palaganapin at maihatid sa kinauukulan ang mga impormasyon at iba pang mahalagang kaalaman.

Masasabi nating ang makabagong kaparaanang ito ay nagsilbing “extension” ng ating bibig at dila.  Nagiging kasangkapan din ang iba’t ibang media sa pagmimisyon.  Kaya sa panahong ito, ang broadcast media, printed media, at social media ay malawak na ginagamit sa pagpapalaganap ng katotohanan, ngunit nakapagdudulot din ng malaking panganib sa pagkakalat ng kasinungalingan.

At dahil sa ito ay “extension” ng ating bibig at dila ay mahalagang ingatan at bantayan din natin ang ating sarili sa paggamit nito.  Kaya hindi natin maiiwasang isaalang-alang ang itinuturo ng Biblia na tuntunin sa paggamit ng ating bibig at dila.

Bakit dapat mag-ingat ang tao sa paggamit ng kaniyang bibig at dila?

Kawikaan 21:23

Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila   Nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.”

 

Karaniwan na kapag ang tao ay walang ingat sa pagsasalita, ito ay nagbubunga ng alitan, pagtatalo, at usapin.  Sumisira ito ng isang magandang samahan.  Kung maingat ang paggamit natin sa ating bibig at dila ay maiingatan natin ang ating kaluluwa mula sa mga kabagabagan.

Ano pa ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagsasalita, at saan masasadlak ang hindi marunong mag-ingat sa pagsasalita?

Kawikaan 13:3 MB

Ang maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay, Ngunit ang may matabil na dila’y nasasadlak sa kapahamakan.”

 

Mamili tayo: isang mapayapang buhay na naiingatan o buhay na masasadlak sa kapahamakan at maraming kaaway?  Kapag matulin tayo sa pagsasalita ng laban sa ating kapwa, gaya ng pagtutungayaw at mga panlilibak, magbubunga ito ng alitan.  Hindi magiging panatag ang ating loob kung tayo ay may nakagalit dahil sa matalas na dila.

 

 

Ano ang mawawalan ng kabuluhan kapag ang tao ay hindi naging maingat sa paggamit ng bibig at dila?

Santiago 1:26 MB

Kung inaakala ninuman na siya’y talagang relihiyoso, ngunit hindi naman marunong magpigil ng dila, dinadaya niya ang kanyang sarili at walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso.”

Hindi mainam na lumabas sa ating bibig at dila ang masasamang salita gaya ng pagtutungayaw.  Ang ating bibig at dila ay ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoong Diyos.  Inihahayag ng ating mga pananalita ang pagluwalhati at pagdakila sa Kaniya.  Kung mawawalan ng kabuluhan ang pagkarelihiyoso, masasayang lang ang karapatan sa paglilingkod.

Papaano ipinakilala ng mga apostol ang panganib na maaaring ibunga ng dila ng tao kapag hindi naging maingat sa paggamit nito?

Santiago 3:5-6

Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay.  Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy!  At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba’t ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila’y pinagniningas ng impierno.”

Sa kaunting pananalita na masama, sa sandaling pagtutungayaw na binitiwan sa kapwa, ang mga ito ay maaring magbunga ng sigalot at hindi pagkakaunawaan.  Ang dila ay nagpapalala kahit sa maliit na bagay lang.  Kung paanong nasusunog ang malaking gubat dahil sa isang maliit na apoy, gayundin maaaring mahawa ang buong katawan sa kasamaan ng dila.  Samakatuwid, may panganib na mapahamak sa kaparusahan ang hindi magiging maingat sa kaniyang pananalita.

Paano pa inilarawan ang dila ng tao kaya dapat na maging maingat sa paggamit nito?

Santiago 3:8

Datapuwa’t ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay.”

Ang masamang dila ay hindi nagpapahinga at puno ng lasong nakamamatay.   Kapag ang masamang salita ay binitiwan na sa ating kapuwa, hindi na ito mababawi.  Ito’y magsisilbing lason sa magandang samahan at humahantong sa pag-aaway.

Sa ano lamang dapat gamitin ang ating bibig at dila?

Santiago 3:9-10 NPV

“Dila ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pagtungayaw sa ating kapwa na kapareho nating nilalang ayon sa wangis ng Dios.

Sa iisang bibig lumalabas ang pagpuri at pagtungayaw. Mga kapatid, hindi dapat mangyari ito.”

Tulad ng inaawit natin sa ating mga pagkakatipon, hindi natin maaaring pagsamahin ang masama at mabuti.  Dapat gamitin ang bibig at dila sa pagpupuri sa Panginoong Diyos.  Iwasan nating lumabas sa ating bibig at dila ang masasamang pananalita upang hindi tayo mabahiran ng karumihan.  Sa ganito ay makapagbibigay lugod tayo sa ating Panginoong Diyos.

Papaano pa ang pag-iingat sa paggamit ng bibig at dila?

Awit 34:13 NPV

“Ilayo ninyo ang inyong dila sa pagsasalita ng masama at ang inyong labi sa pagsasalita ng kasinungalingan.”

Iwasan nating magbitaw ng mga salitang masasama at ng mga kasinungalingan.  Nalalaman nating galit ang ating Panginoong Diyos sa mga taong sinungaling, at hindi sila magmamana ng buhay na walang hanggan.

Sa ano pa hindi dapat gamitin ang dila?

Tito 3:2 NPV

“huwag manira sa kapwa, maging mapayapa, maunawain at mapagpakumbaba sa lahat.”

 

Huwag tayong maninira ng ating kapuwa.  Ang paninira sa kapuwa ay hindi gawain ng isang tunay na maka-Diyos.

Anu-ano ang masasamang ugali na dapat nating alisin?

Efeso 4:31

Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala.”

Alisin ang kadaldalan at panglilibak.  Bantayan natin ang ating pananalita.  Lahat tayo ay nagkakasala, hindi man pare-pareho ang uri o antas nito.  Kaya huwag tayong maging mapait sa pagpuna sa ating mga kapatid.  Alalahanin natin na ang Panginoong Diyos ang nakatunghay sa ating lahat.

Kanino ipinagbabawal ng Diyos na makisama ang Kaniyang mga hinirang?

Kawikaan 20:19 MB

Ang lihim ay nahahayag dahil sa masisitsit Kaya di dapat makisama sa mapaghatid-dumapit.”

Hindi dapat makisama sa mapaghatid-dumapit.  Ang ganitong kasama o kaibigan ay walang maidudulot na mabuti sa atin.  Kung ganito ang ating makakasama ay malalapit lang tayo sa gulo o away.

Ano naman ang ibinababala sa mga naninirang-puri sa kapuwa?

Awit 101:5 MB

Siyang naninira ng kanyang kapwa’y aking wawasakin; Di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.”

Galit ang Diyos sa mapanirang puri.  Hindi dapat na makita kaninuman sa atin ang ganitong pag-uugali.  Tayo’y nasa iisang katawan lamang, hindi dapat nagkakagatan o nagsisiraan.

Kaya anoman ang ating panig, dapat pa rin na ang Banal na layunin ng pagkatawag sa atin ng Diyos ang namamayani sa atin.  Kaya hindi angkop ang pag-aaway at pagsisiraan.  Tandaan natin:  Wawasakin ng Diyos ang hambog at naninirang-puri ng kapuwa.

Ano ang kabutihan kung hindi tayo naninira sa ating kapuwa?

Awit 15:1,3  MB

Sino kayang tatanggapin sa templo mong nasa Sion? Sino kaya ang marapat sa burol mo, Panginoon?”

Yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip. Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa, Sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa; Hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.”

 

Ang tapat makisama at walang maling gawa sa kapwa ang may karapatang makapasok sa templo ng Diyos.  Tatanggapin ng Diyos ang kanilang pagsamba.  Kaya maging maingat tayong lahat sa ating pagsasalita.  Sa huling araw na ito na tunay na napakalapit ng wakas, ang dyablong kaaway ay parang leong umuungal.  Napopoot ang dyablo sa lahat ng may karapatang maligtas, kaya lahat ng paraan ay gagawin niya upang tayong nasa tunay na Iglesia ay dayain at ibulid sa paggawa ng kasamaan at kasalanan. Itinutulak tayo ng dyablo sa paggamit ng mga mapanira, mahahalay, at mga salitang pagtutungayaw laban sa ating mga kapatid.  Ipinaiisip niya sa atin ang mga maling pasya, na sa akala natin ay tama at makabubuti, ngunit di namamalayan na makasasama pala ito.  Maraming paraan at kasangkapan ang dyablo na mga kasamaan upang hadlangan tayo sa pagmamana ng tunay na buhay.

Ang ating bibig at dila ay gamitin natin sa matuwid na kaukulan, sa pagpupuri sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo.  Huwag natin itong gamitin sa paghatol, lalo na sa ating mga kapatid.

Iwan na natin ang paglabag, sapagkat kung tataglayin natin ito ay nananatili pa rin tayo sa karumihan Kapag nagawa natin ang mga tagubiling ito na mula sa ating Panginoong Diyos, matitiyak natin ang pagmamana ng buhay na walang hanggan.

Nawa’y makatulong ang paalalang ito upang maingatan natin ang ating kahalalan  at akayin tayo sa maayos na pamumuhay.   Tulungan nawa tayo ng Panginoong Diyos na malampasan natin ang pagsubok na ito at tamuhin natin ang buhay na walang hanggan.

Leave a comment