Ang Ika-Pitong Tatak (Part 8)

ANG PAGHIHIP NG UNANG PAKAKAK

 

Ang ginawang paglusob ng Japan sa Manchuria (China) na nagbagsak ng mga bomba gamit ang makabagong eroplano; ang pag-atake ng German planes sa Guernica, Spain; at ang paglusob ng Germany at Soviet Union sa Poland na ginamitan din ng air power at bombing, ay hindi lamang pinagtibay ang katotohanan ng pahayag at prediksiyon ni Billy Mitchell kundi higit sa lahat, ay dito natupad ang nakasulat sa aklat ng hula.

 

Apocalipsis 8:6-7

″At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip. At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.”

 

Mahalagang banggiting muli sa pagkakataong ito na ang Panahong Kristiyano, na siyang huling buko ng panahon ng mundo, ay nahahati sa pitong tatak. Sa bawat tatak ay may nakapaloob na mga pangyayari. Ang ika-pitong tatak ay nasa panahon ng wakas ng lupa. Tinalakay na natin ang mga pangyayari mula una hanggang ika-anim na tatak. Ang pangyayari sa dulo ng ika-anim na tatak ay nasa panahon na ng mga wakas ng lupa. Ito ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab noong Hulyo 27, 1914, at napigil noong Nobyembre 11, 1918.

 

Nang buksan na ang ika-pitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit ng mga hari at bansa na may kalahating oras sa panahon ng Diyos — katumbas naman sa panahon ng tao ay 20 taon, 9 buwan at 20 araw. Ito ang panahong nakapagitan sa pagtigil ng Unang Digmaang Pandaigdig noong Nobyembre 11, 1918, hanggang sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong Setyembre 1, 1939.

 

Samakatuwid, ang unang pangyayaring naganap na nakapaloob sa ika-pitong tatak ay katahimikan (kapayapaan). Gaya ng binanggit na sa unahan nito, susundan ito ng hihip ng pitong pakakak ng pitong anghel. Sa bawa’t hihip ng pakakak ay may pangyayaring magaganap. Ang ikapitong hihip ng pakakak ay ang wakas ng mundo!

 

Sa unang hihip ng pakakak ay nagkaroon ng granizo at apoy na may halong dugo at  ito’y itinapon sa lupa. At ang ikatlong bahagi ng lupa, mga punong kahoy, at mga sariwang damo ay nangasunog. Ang granizo at apoy ay ang mga bombang inihulog ng mga makabagong eroplano sa tatlong bahagi ng lupa — ang Manchuria, Spain, at Poland. Ang mga punongkahoy at damong nangasunog ay ang mga pinuno at mga tao ng tatlong bansang binanggit.

 

Tiyak nating ito nga ang katuparan ng unang hihip ng pakakak sapagkat ang pangyayaring ito ang nasa simula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ginawang pagbomba sa Manchuria at Spain ay “dress rehearsal” nga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig! Sundan natin ang mga pangyayari pagkaraang sumiklab ang digmaang pandaigdig.

 

Pagkatapos ng pagbagsak at pagkawasak ng Poland, nagpalipas si Hitler ng panahon ng tagginaw na walang gaanong aksiyon. Subali’t nagpatuloy si Stalin sa kaniyang panlulupig. Nilusob niya ang Baltic states ng Estonia at Lithuania. Kinubkob din ng Soviet Union (Russia) ang isang bahagi ng Finland. Hindi minabuti ni Hitler ang ginawang ito ng Russia.

 

Samantalang nagpapatuloy ang Axis Powers (Germany, Italy at Japan) sa kanilang pakikipagdigma, lumindol ng malakas sa Erzincan, Turkey noong Disyembre 26, 1939, at namatay ang 32,700 katao.

 

Sa panahon ng tagginaw, ang mga French ay nagkuta sa likuran ng tinawag na Maginot Line. Ang Britain ay nagpadala ng mga kawal upang maghintay na kasama nila. Binansagan ng mga taga-ulat ang sandaling katahimikang ito na “phony war.” At noong Mayo, 1940, ang mga sundalo ng Germany ay lumusob sa France. Ang umaatras na Allied forces ay naipit sa pagitan ng lumulusob na Nazis at ng English Channel.

 

319101

 

Sa isang desperadong pagkilos, ipinadala ng Britain ang kanilang mga bakanteng naval vessel, merchant ship, at kahit na mga pleasure boat para lamang makuha ang mga sundalo ng France at Britain na naipit sa dalampasigan ng Dunkirk at Ostend. Sa kabila ng air attacks, ang mga sasakyang dagat ng Britain ay nakapagligtas ng mahigit na 300,000 mga French at mga British na sundalo. Tinagurian nila ang makasaysayang pagliligtas na ito na “The Miracle of Dunkirk” at itinaas nito ang morale ng British.

 

Dahil dito, ang puwersa ng Germany ay bumaling sa Paris. Ang Italy naman ay umatake rin mula sa dakong timog ng France. Ang dalawang atakeng ito ng paglusob ng Germany at ng Italy ang nagpabagsak sa France. Sumuko ang France noong Hunyo 22, 1940.

 

Sa isang malinis na kagubatan sa hilagang silangan ng France, naipaghiganti ni Hitler ang pagkatalo ng Germany noong 1918. Pinilit niya na pirmahan ng France ang dokumento ng pagsuko sa railroad car kung saan ay pumirma noon ng armistice ang Germany na siyang nagwakas sa Unang Digmaang Pandaigdig. Isang Amerikanong mamamahayag ang sumulat:

“I observed Hitler’s face. It was grave, solemn, yet brimming with revenge. There was also in it … a note of the triumphant conqueror, the defiler of the world. There was something else, difficult to describe, in his expression; a sort of scornful, inner joy at being present at this great reversal of fate—a reversal he himself had wrought.”

 

Dahil sa pagbagsak ng France, tumayong nag-iisa ang Britain. Halos tinitiyak ni Hitler na maghahangad ito ng kapayapaan. Subalit, nagkamali siya. Si Winston Churchill, na humalili kay Neville Chamberlain bilang prime minister, ay may ibang plano. Alam ng marami na sa loob ng maraming taon, nag-iisang tinig si Churchill laban sa banta ng Nazi. At noong 1940, ay hinikayat niya ang British nang ganito:

img
Winston Churchill

“We shall defend our island, whatever the cost may be. We shall fight on the beaches, we shall fight on the landing grounds, we shall fight in the fields and in the streets, we shall fight in the hills; we shall never surrender!”

 

 

Nahaharap sila sa ganitong uri ng paglaban at paninindigan kaya iniutos ni Hitler ang paghahanda ng Operation Sea Lion — ang paglusob sa Britain. Subalit, pinanukala muna niya at inihanda kung paano pahihinain ang air power at gigibain ang paninindigan ng mga British.

 

Naglunsad si Hitler ng puspusang air strikes laban sa Britain. Noong Agosto 12, 1940, ang unang balsada ng German bombers ay lumitaw sa timugang pampang ng England. Nagsimula na ang digmaan sa Britain. Ang mga piloto ng British Royal Air Force (RAF) naman ay matuling sinalubong ang mga kaaway na lumulusob sa himpapawid. Nakipagbakbakan sila sa German Luftwaffe hanggang sa halos maubusan ng gasolina ang mga eroplano nila. Sa kanilang pag-landing, nagnakaw sila ng ilang mga sandali ng pagtulog bago muling lumipad sa himpapawid upang makipaglaban.

 

Sa loob ng isang buwan, ang RAF ay buong giting na nakipaglaban sa German Luftwaffe. Dahil dito, nagbago ng taktika ang Germany. Ang atake ay ibinaling naman sa pagbomba ng London at ng iba pang mga siyudad.

 

Noong Nobyembre 10, 1940, lumindol ng malakas sa Vrancea, Romania. Mahigit 1,000 ang nangamatay. Ang lindol ay naramdaman mula sa Marseilles, France hanggang sa Moscow at St. Petersburg, Russia, at maging sa malayong timugan ng Istanbul, Turkey.

 

rommel
Gen. Erwin Rommel

Sa kabilang dako naman, ang mga kawal ni Mussolini ay lumusob sa hilagang Africa at sa Balkans noong Setyembre, 1940. Ipinadala ni Mussolini ang kaniyang mga kawal mula sa Libya hanggang sa Egypt. Sinagupa sila ng mga kawal ng Britain. Dahil dito, ipinadala ni Hitler ang isang magaling at matalinong heneral niya sa North Africa, si Erwin Rommel na kilala sa tawag na “the Desert Fox”. Umani siya ng maraming tagumpay laban sa puwersa ng Britain.

 

Muling nagpadala ng tulong si Hitler sa Italy nang masagupa nila ang matinding resistance mula sa puwersa ng Greece at Yugoslavia. Sa huli ay nasakop rin at napabilang ang dalawang bansang ito sa imperyo ng Axis. Samantala, ang Bulgaria at Hungary ay sumanib upang maging kaalyado ng Axis Powers. Noong 1941, halos nasa kontrol na ng Axis at mga kasama nito ang kanlurang Europe.

 

Samantala, patuloy ang pagbomba ng German Luftwaffe sa London at iba pang mga siyudad ng Britain hanggang Hunyo, 1941. Salungat sa inaasahan ni Hitler, ang morale ng mga British ay hindi nasira! Ang totoo, ang ginawang pambobomba ng Germany ay lalong nagpatatag sa paninindigan ng mga British na puspusang lumaban at ipinagtanggol ang kanilang bansa.

 

Dahil doon, iniwan ni Hitler ang Operation Sea Lion at binago niya ang kampanya sa pakikipaglaban. Sa pagkakataong ito, pinuntirya niya ang Soviet Union. Ang desisyon ni Hitler na lusubin ang Russia ay nakatulong sa kaligtasan ng Britain. Ito ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ni Hitler. At noon ngang Hunyo, 1941, hinarap ng puwersa ni Hitler ang Operation Barbarosa — ang pagsakop sa Soviet Union!

 

Ang motibo ni Hitler ay malinaw. Gusto niya ng karagdagang “living space” para sa mga German. Bukod dito, gusto niyang makontrol ang mga rehiyon na sagana sa katutubong kayamanan. Sinabi pa niya ang ganitong mga pangungusap:

“If I had the Ural Mountains with their incalculable store of treasures in raw materials—Siberia with its vast forest, and the Ukraine with its tremendous wheat fields—Germany under National Socialist leadership would swim in plenty.”

 

Subalit ang tunay na dahilan nito ay gustong ibagsak ni Hitler ang komunismo at talunin ang kinaiinggitan at makapangyarihang niyang karibal na si Joseph Stalin.

 

Sa Operation Barbarosa, pinakawalan ni Hitler ang bagong “blitzkrieg”. Halos 3 milyong sundalo ng Germany ang lumusob sa Russia. Nabigla nila si Stalin. Halos 2.5 milyong sundalo ng Russia ang nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol laban sa mga lumusob na pwersa ng Germany. Sa kanilang pag-atras, winawasak nila ang mga pabrika at mga gamit sa bukid. Sinunog ng Russians ang kanilang mga ani upang huwag mahulog sa kamay ng mga kaaway. Hindi nila napigilan ang mga war machine ng Germany.

 

Pagsapit ng taglagas, nasakop na halos ng Germany ang Moscow at Leningrad. Ang mga Russians ay dumanas ng katakut-takot na hirap at gutom. At noong Setyembre, 1941, sa loob ng 2 ½ taon ng labanan sa Leningrad ay dumanas ng matinding gutom ang mga mamamayan. Tangi sa 2 pirasong tinapay na rasyon sa isang araw, halos kinakain na ng mga mamamayan ang alinmang bagay. Kabilang dito ang mga pinakuluang wallpapers na sa paniniwala nilang ito ay may sangkap na arina ng patatas. Pati ang balat ng mga briefcase ay pinakukuluan nila at kinakain. Ang tawag nila rito ay “jellied meat.”

 

Dahil dito, napilitan si Stalin na muling makipag-ugnay sa Britain. Nakiusap siya na buksan ang pangalawang front ng pakikipagdigma sa kanlurang Europe. Bagama’t hindi gaanong makapaghandog ng tulong si Winston Churchill, ang dalawang kapangyarihan ay nagkasundo na magtulungan sa isa’t isa. Ito ang ibinunga nang maling desisyon ni Adolf Hitler. Bumalik sa panig ng Allies ang Russia!

 

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939, ang United States ay hindi sumangkot sa digmaan. Nagpahayag ito ng neutrality. Naniniwala sila na makabubuti sa kanilang bansa na manatiling nakahiwalay sa digmaan, lalo na’t bumabangon pa ang ekonomiya nila mula sa Great Depression.

 

Sa taon ding yaon (1939), nakasilip ng pagkakataon ang Japan upang sunggaban ang mga nasakop ng Europe sa timog-silangang Asia. Ang mga likas-yaman na kanilang nakuha – langis, goma, at mga bakal – ay nakatulong ng malaki sa kanilang pakikidigma sa China. At noong 1940, sinakop ng Japan ang French Indochina at Dutch East Indies (Indonesia).

 

Prime_Minister_Tojo_Hideki_photograph
Gen. Tojo Hideki

Upang pigilan ang mga pagsalakay ng Japan, ipinagbawal ng pamahalaan ng United States ang pagbebenta sa Japan ng mga war materials tulad ng iron, steel, at langis para sa eroplano. Ang hakbang na ito ay nagpaalab ng galit ng Japan. Nagsagawa ng pag-uusap ang Japan at United States para pababain ang lumulubhang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. Subalit ang extreme militarists na tulad ni Gen. Tojo Hideki ay ayaw ng kapayapaan. Ang gusto nila ay ipagpatuloy ang pagsakop sa mga lupain sa Asia at sa Pacifico. Sa kanilang paniniwala, nakikialam ang United States sa kanilang mga plano.

 

Ang paniniwalang ito ng mga Japanese ay lalo pang tumibay noong hinikayat ni Pangulong Roosevelt ang kongreso ng America na ipasa ang “Lend Lease Act”. Ito ay nagbibigay pahintulot sa America na magpautang ng mga war materials sa alinmang bansa na ang magiging depensa ay mahalaga rin sa depensa ng United States. Sinabi pa ni Pangulong Roosevelt ang ganito:

“The United States would not be drawn to into the war, but it would become the arsenal of democracy, supplying arms to those who where fighting for freedom.”

 

Noong Agosto, 1941, nagtagpo ng lihim sina Roosevelt at Churchill sa isang warship sa karagatan ng Atlantic. Ang dalawang pinuno ay lumagda sa “Atlantic Charter” na nagtatakda ng layunin para sa digmaan — ang ganap na pagwasak sa kalupitan ng Nazi. Nagkasundo sila na suportahan ang karapatan ng lahat ng tao na piliin ang uri ng pamahalaan na ibig nilang makasakop sa kanila.

 

Dahil dito (kahit nasa pag-uusap pa ang Japan at United States), nagalit si General Tojo at iniutos na bombahin ang American Fleet sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Mabalasik na umatake ang mga eroplano ng Japan. Winasak ng mga makabagong eroplano ang 19 na barko. Sinira nila ang mga lumang eroplano ng America na nasa paliparan sa pamamagitan ng malalakas na bomba. Mahigit na 2,400 ang mga taong nangamatay. Nang sumunod na araw, malagim na sinabi ni Pangulong Roosevelt sa buong bansa na ang Disyembre 7 ay makikintal sa puso’t isipan ng bawat mamamayan ng America. Hiniling ni Roosevelt sa kongreso ng United States na magdeklara ng giyera laban sa Japan. Pagkaraan ng tatlong araw, ang Germany at Italy (kaalyado ng Japan sa Axis Powers) ay nagdeklara rin ng giyera laban sa United States.

 

Ang isang lalong ikinamangha ng mga American ay ang katotohanan ng mga sinabi at prediksiyon ni William “Billy” Mitchell. Ang susunod na digmaan ay ginamitan nga ng air power. Nangyari ang lahat nang sinabi niya nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor.

Leave a comment