Iglesia sa Sardis

PITONG URI NG IGLESIA NI CRISTO (Part 5)

Alamin natin ang isa pa sa uri ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ayon na  sa ating Panginoong Jesucristo.

Apocalipsis 3:1-6

“At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Dios, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. Magpuyat ka, at pagtibayin mo ang mga bagay na natitira, na malapit ng mamatay: sapagka’t wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng aking Dios. Alalahanin mo nga kung paanong iyong tinanggap at narinig; at ito’y tuparin mo, at magsisi ka. Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan ako sa iyo. Nguni’t mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nangagdumi ng kanilang mga damit: at sila’y kasama kong magsisilakad na may mga damit na maputi; sapagka’t sila’y karapatdapat. Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.”

 

Malinaw sa mga ipinahayag ng Panginoong Jesus na ang mga taga-Sardis ay namamalagi pa ring patay dahil sa hindi paggawa ng ikababanal. Bagaman sila ay binuhay na para sa Diyos at kay Jesus, ang kanilang pananampalataya ay patay dahil ito’y walang kalakip na gawa.

Samakatuwid, mawawalan ng kabuluhan ang pagiging Iglesia ni Cristo kung hindi lalakipan ng gawa ang pananampalataya. Nawawalan ng kapangyarihan sa kanila ang mga salita ng Diyos sapagkat hindi nila ito ibinubuhay. Magkaroon man sila ng malawak at malalim na kaalaman sa mga aral at salita ng Diyos ay hindi ito magbubunga ng kabanalan hangga’t hindi nila ito ibinubuhay o sinusunod.

Dapat itong tandaan ng mga ministro at ipaunawang mabuti sa lahat ng kapatid na pinangangasiwaan nila. Bagaman kailangang maging kaanib sa tunay na Iglesia, mawawalan din ito ng halaga kung hindi naman nilalakaran o ibinubuhay ang mga utos ng Diyos.

Santiago 2:14

“Anong pakikinabangin, mga kapatid ko kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang gawa? Makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?”

Ang tanong ni Apostol Santiago ay retorikal. Hindi maliligtas ang isang kaanib na walang gawang kabanalan. Tiniyak din niya na ang ikasasakdal ng pananampalataya ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Santiago 2:22, 26

“Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya;”

 

“Sapagka’t kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”

 

Ang gawang tinutukoy ay ang matuwid na gawa ng mga banal na siyang damit na maputi na suot ng makadadalo sa kasal ng Cordero. Sila ang mga nilinis at pinaputi ng dugo ni Cristo. Sa talinghaga ni Cristo tungkol sa piging ng kasalan, ang inanyayahan na hindi nakasuot ng maputing damit ay ihahagis sa labas o sa kaparusahan. Samakatuwid, hindi sapat ang maging kaanib lang sa Iglesia, dapat ay tuparin at pagtalagahan ang pagsunod sa mga aral at utos ng Diyos.

Sa pamamagitan ng talinghaga, ipinaliwanag ng ating Panginoong Jesucristo ang nagiging dahilan kaya may mga kaanib sa Iglesia na aabutan ng kaniyang pagbabalik na hindi pa nakahanda.

Mateo 24:42-51

“Mangagpuyat nga kayo: sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Datapuwa’t ito’y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya’y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay. Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip. Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila’y bigyan ng pagkain sa kapanahunan? Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya’y ipagkakatiwala ang lahat niyang pagaari. Datapuwa’t kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon; At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing; Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, At siya’y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

Ang matalinong alipin ay tapat sa kaniyang Panginoon, ngunit ang masamang alipin ay binubugbog ang kapuwa alipin at nagpapakalayaw. Ang dapat sanang gawin ay magsikap upang maging sakdal. Kaya, kung ang taglay lamang ay pananampalatayang  walang kalakip na gawa ay hindi makakapasok sa kaharian ng langit. Wala silang maisusuot na maputing damit na kailangan sa pagdalo sa piging ng kasalan. Ayon sa talinghaga ng ating Panginoong Jesucristo, ihahagis sila sa parusang walang hanggan. Hindi sila lubos na nagsisikap sa paggawa ng ikasasakdal sa paniniwalang magtatagal pa ang pagbabalik ng Panginoong Jesucristo. Sila’y nagpapabaya, nagpapakalayaw at nalulong sa mga gawang masama. Binigyan sila ng babala ng ating Panginoong Jesucristo upang sila’y magsisi at magsipagbago habang may panahon pa.

Napakahalaga, kung gayon, na laging turuan at subaybayan ng mga ministro ang lahat ng kapatid na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa. Dapat ganapin at sundin ang mga kautusan ng Panginoong Diyos para sa kanilang ikasasakdal. Malinaw ang Kaniyang pangako, hinding-hindi Niya papawiin sa anomang paraan sa aklat ng buhay ang pangalan ng mga magtatagumpay.

Leave a comment