Iglesia sa Filadelfia

PITONG URI NG IGLESIA NI CRISTO (Part 6)

Ang ika-anim na uri ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay ang katulad ng iglesia sa Filadelfia. Basahin natin ang patotoo ng Apocalipsis.

Apocalipsis 3:7-13

“At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman: Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila’y mga Judio, at sila’y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila’y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig. Sapagka’t tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa. Ako’y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong. Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya’y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ng pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.”

 

Ang ika-anim na uri ng kaanib ng Iglesia ay yaong tumutupad ng salita na may pagtitiis at hindi ikinakaila ang pangalan ni Jesus, samakatuwid  sila’y mga tapat.

Tangi sa mga kaanib sa Filadelfia, sinasabi rin sa hulang ito ang matinding pagsubok sa panahong nagmamadali na ang pagparito ni Cristo. Ito ang malaking pagsubok na ibinabalang magaganap upang subukin muna ang lahat ng maliligtas bago dumating ang Araw ng Paghuhukom.

Naunawaan na natin na magdaraan ang Iglesia sa malaking pagsubok kapag napakalapit na ang katapusan ng panahon. Lahat ng nagtapat at tumupad ng salita na may pagtitiis ay iingatan naman ng Diyos sa panahon ng pagsubok.

Balikan muna natin ang hula ng Diyos sa mga wakas ng lupa sa aklat ni Propeta Isaias.

Isaias 41:9-15

“Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; Aking palalakasin ka; oo, Aking tutulungan ka; oo, Aking aalalayan ka ng kanang kamay ng Aking katuwiran. Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak. Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga’y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala. Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka. Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka; sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel. Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.”

Matindi ang mga pangako at pakikipagtipan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang Sugo at sa mga lingkod Niya sa mga wakas ng lupa, dahil ang panahon nila ay totoong nakaliligalig. Ang unang matinding pagsubok ay ang digmaang pandaigdig. Pagkatapos nito ay sasagupain naman nila ang mga kampon ni satanas; kabilang dito ang masamang babae at ang mga anak nito. Ibig sabihin ay napakaraming relihiyon ang itinatag ni satanas laban sa iisang organisasyon ng Diyos—ang Iglesia ni Cristo. Ito ang isa sa mga palatandaang ibinigay ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang mga alagad noong sila ay nasa bundok ng mga olibo.

Mateo 24:3-5

“At samantalang siya’y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan? At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagka’t marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.”

Malinaw na sa mga panahong iyon ay maraming bulaang propeta o relihiyon ang babangon para iligaw ang mga hinirang ni Cristo. Ang mga tagapagturo ni satanas ay magsisiparito rin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo—alalaong baga’y magpapanggap sila na mga Kristiyano rin na ang relihiyon ay kay Cristo at hindi kay satanas, ngunit ililigaw lamang nila ang marami.

Matibay ang ibinigay ng Diyos na patotoo sa Kaniyang Sugo ukol sa gawain Niya sa mga huling araw. Tiniyak ng Diyos ang Kaniyang pagkasi at pagtulong sa Sugo at sa mga lingkod Niya sa mga wakas ng lupa. Nangako din Siya na hindi Niya pababayaan na madaig ng kasangkapan ng dyablo ang mga tunay at tapat na lingkod Niya.

Ipinangako ng Diyos sa Kaniyang Sugo na siya ay aalalayan ng kapangyarihan ng Kaniyang katuwiran. Alin itong katuwiran ng Diyos at kapangyarihang iaalalay sa Kaniyang Sugo sa mga wakas ng lupa? Tunghayan natin ang tugon ni Apostol Pablo.

 

Roma 1:16-17

“Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya; una’y sa Judio, at gayon din sa Griego. Sapagka’t dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni’t ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

Ito ang makapangyarihang mga aral sa banal na kasulatan na ipinagkatiwala ng Diyos sa Kaniyang Sugo sa mga huling araw. Itinaguyod ng Sugo ang utos ng Diyos na paghanap at pagtipon sa Kaniyang mga anak at ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaligtasan. Sadyang ang paglitaw ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas ay kaalinsabay ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa pangunguna ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang kapatid na Felix Y. Manalo, hinanap at inilabas niya ang mga anak ng Diyos mula sa pagkakakulong sa masamang babae at sa mga anak nito. Ang paraan niyang gagawin na pagpapalabas ay nilinaw rin sa hula ni Propeta Isaias.

Isaias 46:11-13

“Na tumatawag ng ibong mandaragit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking pinanukala, akin namang gagawin. Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran: Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.”

Itinulad sa ibong mandaragit ang sugo ng Diyos na magmumula sa malayong silanganan (Pilipinas) sapagkat ang mga anak ng Diyos ay dadagitin niya mula sa pagkakakulong sa maling relihiyon. Makapangyarihan ang sigaw niya o ang kaniyang pangangaral ng kaligtasan upang palabasin ang bayan ng Diyos mula sa masamang babae at sa mga anak nito at huwag silang tumanggap ng salot. Naitala itong malinaw ni Apostol Juan.

Apocalipsis 18:4

“At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:”

Ito ang dahilan kung bakit sinikap ng Sugo na ilabas sa Iglesia Katolika ang mga nakakulong na anak ng Diyos. Mababasa rin ito sa aklat ng Apocalipsis.

Apocalipsis 14:9-12

“At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.”

Ang mga nailabas sa Iglesia Katolika at sa iba pang maling relihiyon ng Sugo ng Diyos at ng kaniyang mga katulong o katuwang sa gawaing ito sa mga huling araw ay ang bumuo naman sa Iglesia ni Cristo sa malayong silangan. Ang lahat ng naging matiisin at matiyaga sa pagtupad sa mga aral at utos ng Diyos na taglay ang sakdal na pananampalataya ay tiyak na magiging mapalad. Sila ang ikatlong pulutong ng Iglesia na ayon sa hula ay nangadaramtan ng mapuputing damit na nanggaling sa malaking kapighatian at ang mga damit ay pinaputi sa dugo ng Cordero. Makakasama nila ang iba pang mga tapat na Iglesia ni Cristo sa pagmamana ng tunay na buhay. Naitala rin ito ni Apostol Juan sa Apocalipsis.

Apocalipsis 7:13-14

“At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling? At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.”

Bumangon at lumaganap muna sa Pilipinas ang Iglesia ni Cristo bago ito nakarating sa iba pang dako sa daigdig. Ang mga kaanib sa Iglesia sa mga huling araw na naging sakdal ang pananampalataya at nagtagumpay sa matitinding pagsubok ay magtatamo ng dakilang gantimpala. Ang kanilang pangalan ay mananatili sa aklat ng buhay na nasa pag-iingat ng Cordero kaya’t sila’y papapasukin sa Bayang Banal.

Apocalipsis 21:23-27

“At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka’t nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero. At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon. At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka’t hindi magkakaroon doon ng gabi): At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa: At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.”

Mahalaga na mapansin ang nakasulat sa huling talata. Tinitiyak doon na hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos ang anomang bagay na karumaldumal o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan. Samakatuwid, ang papapasukin ay yaong malinis at matuwid—sila ang mga nananatili sa paggawa ng mabuti at namuhay sa katuwiran at kabanalan. Kaya, ang mga naghahangad na makapasok sa kaharian ng ating Panginoong Diyos ay dapat makatiyak na aabutan sila sa matuwid at banal na pamumuhay. Dito rin sa talatang ito ay tiniyak na ang karumaldumal at marumi (sila ang mga aabutan na nasa kalikuan at kasamaan) ay hindi makapapasok doon sa anomang paraan.

Anu-ano  ba ang mga karumal-dumal at kasuklamsuklam na gawain na dapat ay lubusan na nating iwaksi sa ating pamumuhay?

Ang pangunahin dito ay ang pagsamba sa mga diyos-diyosan. Ang ganitong gawain ay kinapopootan ng Diyos. Maaaring sabihin ng iba, “Ako’y Iglesia ni Cristo at hindi po ako sumasamba sa diyos-diyosan!’’ Natalakay na natin ang tatlong uri ng pagsamba sa diyos-diyosan. Siyasatin natin ang ating sarili, tunay ba na hindi natin nagagawa ang anoman sa tatlong uri ng pagsamba sa diyos-diyosan? Lubusan ba nating tinutupad ang mga aral at utos ng Diyos? Lagi ba nating naipagpapauna ang pag-ibig sa Diyos nang higit kaysa anomang bagay at sa kaninoman?

Kung tunay na ang Panginoong Diyos ay buong puso nating minamahal ay hindi marapat na ipagpalit natin Siya sa anomang bagay sa buhay na ito. Dapat tayong mamalagi sa pagsunod ng Kaniyang mga utos. Iwanan natin at layuan ang mga ipinagbabawal ng Panginoong Diyos. Kung tayo’y mananatiling tapat at masunurin sa ating Panginoong Diyos hanggang sa tayo’y abutan ng wakas, tinitiyak sa Biblia na tayo’y maluwag na papapasukin sa Kaniyang kaharian sa langit.

Loobin nawa ng ating Panginoong Diyos na ang lahat ng bumabasa nito ay matawagan ng pansin, lalo na ang mga ministro at mga maytungkulin. Magsuri tayo at tanawin kung nasa anong kalagayan ang ating pagka-Iglesia ni Cristo. Ito kaya ay nasa uri pa na nakapagbibigay ng kaluguran sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesucristo? Baka unti-unti na tayong naipipihit sa maling gawain at aktibidad. Buong puso nating ihandog ang ating sarili sa Panginoong Diyos. Siya ang pag-ukulan natin ng pagpupuri, pagluwalhati, pagsamba at taos-pusong pagpapasalamat, sapagkat Siya ang nag-iisa at tunay na Diyos na maylalang sa atin at may-ari ng ating buhay. Huwag nating payagan kailanman na mahulog tayo sa anomang uri ng pagsamba sa diyos-diyosan upang makatiyak tayo sa pagmamana ng buhay na walang hanggan.

Leave a comment