Diyos-diyosan sa Puso

DIYOS-DIYOSAN NG PUSO

(Part 2)

Hindi lamang ang mga larawang inanyuan (imahen) ang diyos-diyosang kinapopootan ng Diyos. Tangi sa larawang inanyuan, mayroon pa bang ibang diyos-diyosan?

 

Colosas 3:5-6 MB

“Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Dahil sa mga bagay na ito, ang Diyos ay napopoot [sa mga taong lumalabag sa kanyang kalooban].”

Ang masasamang nasa na nagmumula sa puso o ang pitang makalaman ay isang uri ng pagsamba sa diyos-diyosan. Ang halimbawa nito ay pangangalunya, pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, ang pagpatol sa kapuwa lalake o kapuwa babae, at iba pang kaimoralan na kahanay nito. Ito ang pagsamba sa diyos-diyosan ng puso na kinapopootan ng ating Panginoong Diyos.

 

Dapat supilin ng mga lingkod ng Diyos ang masamang pita ng puso o pitang makalaman.

Roma 1:24

Dahil dito’y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:

Kapag nanaig ang masamang pita ng puso, ito ay magbubunga ng kahalayan (imoralidad o kasalanan sa moral) at hindi ito magaan o maliit na kasalanan. Ang ginawang paggunaw sa Sodoma at Gomora ay matibay na katunayang ikinapopoot ng Diyos ang kasamaang ito.

 

Genesis 19:12-13

At sinabi ng mga lalake kay Lot, Mayroon ka pa ritong kamag-anakan? Ang iyong mga manugang, at ang iyong mga anak na lalake at babae, at ang lahat ng iyong tinatangkilik sa bayan: ay ipagaalis mo sa dakong ito: Sapagka’t aming lilipulin ang dakong ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.

 

Galacia 5:19-21 FSV

Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan at kahalayan, pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang masasamang gawaing ito ay kasama sa mga gawa ng laman na hahadlang sa pagmamana ng kaharian ng Diyos. Kaya, upang malugod ang ating Panginoong Diyos sa atin ay dapat nating layuan at lubos na iwanan ang mga gawa ng laman.

 

Roma 8:8, 5, 13 MB

At ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Sapagkat ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay nahuhumaling sa mga bagay na ukol sa laman, ngunit ang namumuhay sa patnubay ng Espiritu ay nagsisikap ukol sa mga bagay na espirituwal.

Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.

 

Samakatuwid ay dapat na mamuhay nang ayon sa Espiritu ang bawat isa sa atin upang makatiyak tayo sa pagmamana ng tunay na buhay.

 

Leave a comment