Ang Tatlong Anghel

Ang lahat ng pangyayaring naganap at magaganap sa buong panahon ng Kristiyano hanggang sa wakas ng mundo ay nakasulat na sa aklat ng Apocalipisis. Ito ay tinatakan ng pitong tatak. Sa bawa’t tatak ay may mga pangyayaring nakapaloob. Walang sinomang makapagbubukas ng tatak upang maunawaan ito kundi ang ating Panginoong Jesucristo. At sa pamamagitan ng isang anghel, ipinadala ni Jesus ang nilalaman ng kaniyang pahayag kay Apostol Juan noong siya ay nasa pulo ng Patmos sa pamamagitan ng pangitain.

 

Inutusan ni Cristo si Juan na ang mga pangyayaring kaniyang nakita sa pangitain ay isulat sa isang aklat at ipadala sa pitong Iglesia. Ibig sabihin, ang nilalaman ng Apocalipsis ay mahalagang maunawaan ng mga kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo sa ikatatatag ng kanilang mga paglilingkod at pananampalataya. Makatutulong rin ito para lalong tumibay ang kanilang pag-asa na makarating sa Bayang Banal at matamo ang buhay na walang hanggan.

 

Ang ika-pitong tatak ay panahon na ng wakas ng lupa. Tinalakay na natin ang mga pangyayaring nakapaloob mula sa una hanggang ika-anim na tatak. Ang pangyayaring naganap sa dulo ng ika-anim na tatak ay panahon na ng mga wakas ng lupa. Ang mga palatandaang ibinigay ng ating Panginoong Jesucristo ay : (1) paglitaw ng mga bulaang propeta na magsisipagturo na ang kanilang relihiyon ay Kristiyanismo; (2) pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig; (3) pangangaral ng sugo ng Diyos na magmumula sa Pilipinas upang lagyang muli ng mga kaanib ang Iglesia ni Cristo.

 

Ang kinatuparan ng ibang anghel na magmumula sa sikatan ng araw o bansang Pilipinas ay ang kapatid na Felix Y. Manalo. Siya rin ang kinatuparan ng alapaap na kung saan pinasampa ng Diyos ang Kaniyang dalawang saksi nang ang mga ito ay muling binigyan Niya ng hininga. Natiyak natin na ang dalawang propetang pinatay ay hindi mga tao sapagka’t nagsipanghula sila ng isang libo dalawang daan at anim na pung taon. Walang taong nabuhay nang gayon katagal! Ang dalawang propeta ay ang Matanda at Bagong Tipan.

 

Ang paksang diwa ng gagawing pangangaral ng Sugo ng Diyos sa huling araw – Kapatid na Felix Y. Manalo– ay naitalang malinaw sa kaugnay na hula sa aklat din ng Apocalipsis.

Apocalipsis 14:6-11
“At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan; At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka’t dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig. At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid. At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.”

Malinaw na binabanggit sa hula na may tatlong anghel na isinugo ang Diyos sa panahong kristiyano pagkatapos na magampanan ni Jesus ang kaniyang gawain sa lupa at umakyat na sa langit. Ang bawa’t anghel ay may mga gawain na gagampanan sa kani-kaniyang panahon. Alamin natin, sinu-sino ang tinutukoy at kinatuparan ng tatlong anghel na ito? Puntahan muna natin ang unang anghel.

 

Ayon sa hula, ang gawain ng unang anghel ay ipakilala ang tunay na Diyos na gumawa ng langit, lupa, dagat, at ng mga bukal ng tubig. Mangangaral siyang may kapangyarihan at ang mga tao ay magkaroon ng banal na takot at luluwalhatiin ang makapangyarihang Diyos! Samakatuwid, ang mga taong pangangaralan ng unang anghel ay hindi nakakakilala sa tunay na Diyos. Iba ang Diyos na kanilang kinikilala at sinasamba! Basahin natin ang kinatuparan ng unang anghel.

Gawa 14:8-15
“At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa’y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma’y hindi nakalakad. Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling, Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya’y lumukso at lumakad. At nang makita ng karamihan ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan sila, na sinasabi sa wikang Licaonia, Ang mga dios ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao. At tinawag nilang Jupiter, si Bernabe; at Mercurio, si Pablo, sapagka’t siya ang pangulong tagapagsalita. At ang saserdote ni Jupiter na ang kaniyang templo ay nasa harap ng bayan, ay nagdala ng mga baka’t mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghaing kasama ng mga karamihan. Datapuwa’t nang marinig ito ng mga apostol, na si Bernabe at si Pablo, ay hinapak nila ang kanilang mga damit, at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw At nagsisipagsabi, Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami’y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nangagdadala ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Dios na buhay, na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga yaon:”

Ang kinatuparan kung gayon, ng unang anghel, ay ang apostol na si Pablo. Siya ang isinugo ng Diyos sa lugar ng mga Gentil kung saan ay hindi kilala ang tunay na Diyos. Ang kanilang sinasamba at pinaglilingkuran ay mga diyos-diyosan na tulad nga nina Jupiter, Mercurio, at iba pa. Ang pagpapakilala sa tunay na Diyos ang pangunahing tungkuling ginampanan ni Pablo kaya’t siya ang kinatuparan ng unang anghel sa hula.

 

Bilang katunayan nito, kumuha tayo ng isang halimbawa ng ginawang pangangaral ni Apostol Pablo na may kaugnayan sa gawain ng unang anghel o sugo ng Diyos.

I Corinto 8:4-6
“Tungkol nga sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, nalalaman natin na ang diosdiosan ay walang kabuluhan sa sanglibutan, at walang Dios liban sa iisa. Sapagka’t bagama’t mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa, gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon; Nguni’t sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo’y sa pamamagitan niya.”

Walang pag-aalinlangan, ang unang anghel na binabanggit sa hula ay si Apostol Pablo. Puntahan naman natin ang pangalawang anghel. Sa binanggit sa hula na ang gawain ng pangalawang anghel ay ilantad ang dakilang babilonia o Iglesia Katolika [Nagkaroon na tayo ng pagtalakay tungkol dito]. Naguho sa pundasyong kinatatayuan nito at ito ang tahanan ni satanas dito sa lupa (devil’s nest)!

 

Ang kinatuparan ng pangalawang anghel ay si Martin Luther. Ang gawain ng pangalawang anghel ay hindi upang ipangaral ang evanghelio o ibalik ang mga tao sa relihiyon ng Diyos. Kundi, ihayag ang malaking kamalian sa Iglesia Katolika na kung saan ay isa siyang pari. Ang layunin ni Luther ay repormasyon sa kaniyang relihiyon. Siya rin ang kinasangkapan ng Diyos upang bigyang hininga ang dalawang saksi – ang Matanda at Bagong Tipan– na pinatay ng kapapahan nang isalin nila ito sa wikang Latin. Isinalin ni Luther sa wikang Aleman ang dalawang kasulatan kaya muling nabuhay ang dalawang saksi. Ito naman ang paghahanda sa gawain ng ikatlong anghel, na siyang alapaap o sugo ng Diyos sa mga wakas ng lupa.

 

Ang ikatlong anghel ay ang sugo ng Diyos na magmumula sa sikatan ng araw na ang kinatuparan ay ang kapatid na Felix Y. Manalo. Ang pangunahing gawain niya ay pangaralan ang mga taong nakakulong sa dakilang Babilonia (Katoliko) na magsilabas sa relihiyon ni satanas upang huwag silang maramay sa salot at parusang inilalaan ng Diyos sa mga taong may tanda sa noo at kanang kamay.

Leave a comment