Ang Buhay na Walang Hanggan

ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN AY SA NAKATAPOS NG TAKBUHIN

 

Tayo na mga kaanib sa tunay na Iglesia ay laging pinaaalalahanan at tinuturuan na manindigan sa ating kahalalan hanggang sa wakas. Walang sawa ang pagpapayo sa bawat isa na manindigan sa mga pag-uusig at balakid, at makipagbaka sa mga tukso at kasalanan upang matapos ang ating takbuhin.

 

Gaano ba kahalaga na makatapos ng takbuhin na naiingatan ang pananampalataya?

II Timoteo 4:6-8

“Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.”

Ang nakatapos ng takbuhin na naingatan ang pananampalataya tulad ni Apostol Pablo ay tatanggap ng putong na katuwiran na ibibigay ng Panginoong Jesucristo.

 

Alin ang putong na katuwiran na nakalaan sa mga nakatapos ng takbuhin?

Apocalipsis 2:10

“Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.”

Sino naman ang tiyak na hindi makatatapos ng takbuhin at ano ang kasamaan noon?

Hebreo 10:38-39 MB

“Ang tapat kong lingkod ay nabubuhay sa pananalig sa akin, Ngunit kung siya’y tumalikod, hindi ko kalulugdan.” Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak, kundi sa mga nananalig sa Diyos at sa gayo’y naliligtas.”

Samakatuwid ang tumalikod ay hindi kalulugdan ng Diyos at sila’y mapapahamak. Hindi ba ibibilang ng Diyos ang paglilingkod na ginawa nila noong una kung tumalikod na sa pananampalataya?

Ezekiel 18:24 MB

“Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.”

Kaya huwag nating payagang masayang ang mga nagawa na nating paglilingkod at ang maraming tiisin na pinuhunan natin sa loob ng Iglesia. Mawawalan ito ng kabuluhan kung tayo ay gagawa ng KASUKLAM-SUKLAM at PAGTATAKSIL sa Diyos.

 

Paano ipinakilala ng mga apostol ang kasamaan ng paglilingkod ng mga taong nakakilala na ngunit tumalikod pa?

II Pedro 2:20-21

“Sapagka’t kung, pagkatapos na sila’y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una. Sapagka’t magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.”

Kung madadaig muli ng kasamaan pagkatapos na makatakas sa pagkahawa sa sanglibutan ay lalong sumasama ang kaniyang huling kalagayan.

 

Ano ang kalapastanganan kay Cristo ng mga tumatalikod?

Hebreo 6:4-6 MB

“Sapagkat paano pang mapagsisisi at mapanunumbalik ang mga tumalikod? Dati’y naliwanagan na sila, nakalasap ng kaloob ng langit, at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. Kung sila’y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaari pang mapagsisi at mapanumbalik, sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at ibinibilad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.”

Ayon kay Apostol Pablo ay muli nilang ipinapako sa krus at ibinibilad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.

 

Ano pang kalapastanganan ang nagagawa ng mga tumatalikod?

Hebreo 10:29

“Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?”

Malaking kasamaan ang nagagawa sapagkat katumbas ito ng pagyurak sa Anak ng Diyos, pag-aring di banal sa dugo ng tipan at pag-alipusta sa Espiritu ng biyaya.

 

Bakit masamang alipustain ng tao ang Espiritu Santo?

Efeso 1:14 MB

“Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kadakilaan!”

Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Sana ay tandaan nating mabuti – Ang ESPIRITU ang KATIBAYAN ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang!

 

Maaaring sabihin ng kapatid, “Hindi naman po ako tumatalikod. Kailanman ay hindi ko pagtataksilan ang Panginoong Diyos” Mayroon bang nananatili sa Iglesia kahit pa nga maytungkulin nguni’t laban sa Espiritu?

Galacia 5:16-17 MB

“Ito ang sinasabi ko sa inyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman. Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin.”

Dapat ay nakatanim sa ating puso at isipan ang katotohanang ito: ANG PITA NG LAMAN AY LABAN SA MGA NINANASA NG ESPIRITU, AT ANG NINANASA NG ESPIRITU AY LABAN SA MGA PITA NG LAMAN. Samakatuwid, dapat nating labanan ang lahat ng pita ng laman upang hindi maalipusta ang Espiritu at makatapos tayo ng ating takbuhin.

 

Ano ang dapat alisin upang huwag mapighati ang espiritu santo?

Efeso 4:30-31

“At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo’y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos. Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:”

Dapat nating alisin sa ating pagkatao ang mga ito: kapaitan, kagalitan, pagkakaalit, kadaldalan, panglilibak, at masasamang akala. Kaya kung may kaalit ay dapat makipagkasundo. Huwag nating sisirain ang pag-iibigang magkakapatid. Kaya may wastong hakbang para magkasundo ang mayroong alitan at hindi pagkakaunawaan.   Utos ito ng Diyos.

 

Gaano kasama ang pagsuway sa mga utos ng Diyos?

I Samuel 15:23 MB

“Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo’y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo si Yahweh, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan.”

Hindi napabuti si Haring Saul dahil sa kaniyang pagsuway sa utos ng Diyos.

 

Ano naman ang ibubunga sa kaugnayan natin sa Diyos kapag pinighati natin ang Espiritu Santo?

Isaias 63:8,10

“Sapagka’t kaniyang sinabi, Tunay, sila’y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo’y siya’y naging Tagapagligtas sa kanila.”

“Nguni’t sila’y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya’t siya’y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.”

Ayon sa Biblia ito ay paghihimagsik. Kaya huwag tayong maghihimagsik laban sa mga utos at mga tuntunin ng Diyos na tinanggap natin sa loob ng Iglesia. Huwag din tayong maging SINUNGALING. Baka tayo ay ituring ng Diyos na kaaway Niya. Nakapipighati rin ito sa Espiritu Santo. Kaya tayo ay maging tapat sa Diyos at sa Kaniyang mga utos. Ito ang palagi nating ibuhay at sundin ng buong puso.

 

Ano ang dapat nating gawin at laging hilingin sa Diyos?

Awit 51:10-11

“Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; At magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko. Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; At huwag mong bawiin ang iyong Santong Espiritu sa akin.”

Nawa ay manatili sa atin ang malinis na puso at ang matuwid na espiritu. Hilingin natin sa Diyos na huwag nang bawiin ang Santong Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Salamat ng marami sapagkat ang Espiritu Santo ay nakakaarok sa malalim na hiwaga ng Panginoong Diyos, nakikita ang tunay na laman ng ating puso at nababatid ang mga katotohanan. Hindi siya madadaya at bagaman hindi nakikita ay mararamdaman natin sa ating mga puso ang kaniyang kapangyarihan.

 

Ano ang dapat nating hilingin sa Diyos kapag tayo’y nagkasala?

Awit 51:17

“Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: Isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.”

Dapat tayong lumapit sa Diyos na bagbag ang puso at kalooban. Taglay ang pagsisisi sa lahat ng kasalanan at pagkukulang na nagawa. Tinitiyak sa mga pahayag na ito na hindi ito maaaring mawalan ng kabuluhan sa harap ng ating Panginoong Diyos. Kaya anoman ang mangyari sa ating buhay at kapaligiran ay kailangang makatapos tayo ng ating takbuhin. Hindi tayo dapat tumigil o umurong at tumalikod sa Panginoong Diyos. Alalahanin nating palagi na ang buhay na walang hanggan ay para doon sa mga nakatapos ng takbuhin. At upang makatapos tayo ng takbuhin, hilingin natin sa Diyos na huwag Niya tayong iiwan at patuloy Niya tayong gabayan upang malampasan natin ang mga pagsubok na ating pinagdaraanan.

 

Leave a comment