Ang Ika-Pitong Tatak (Part 14)

Ano ang naging aftermath ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Mababasa sa kasaysayan na pagkatapos ng pagsuko ng Axis Powers  ay sinakop  ng America ang halos gulapay nang Japan. Samantala, ang Germany naman ay pinaghati-hatian ng mga Allies (France, Britain, America, at Russia).

 

Noong 1933, na noo’y hirap na hirap ang Germany dahil sa resulta ng Unang Digmaang Pandaigdig, sinabi ni Hitler na, “Give me ten years and you will not be able to recognize Germany!” Nagkatotoo ang sinabi niya, ngunit hindi tumama sa ibig niyang pagbabago. Noong 1945, mahirap nang makilala ang Germany dahil ito ay wasak na wasak. Maging ang mga bansang Poland, Russia, Ukraine, Japan, at iba pa ay totoong napakalaki ng mga naging pinsala. Tinupok ng digmaan ang maraming siyudad, pabrika, pantalan, tulay, riles ng tren, sakahan, bahay, at ang maraming buhay. Milyon ang mga naging refugee sa digmaan. Sa gitna ng kawasakang ito, ang mga sakit at kagutom ay nagpatuloy ng maraming taon. Natupad ang babala ng ating Panginoong Jesucristo na magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako!

 

At noong Enero 12, 1945, lumindol sa Mikawa, Japan — siyam na buwan bago sila sumuko — at 1,961 ang mga taong nangamatay. Mahigit na 17,000 ang mga bahay na nangawasak. Pagkaraan lamang ng sampung buwan ay lumindol naman ng malakas sa Makran Coast, Pakistan at 4,000 ang mga taong namatay. Isang malakas na tsunami ang nagdulot ng malaking pinsala sa Karachi, gayon din sa Mumbai (Bombay), India.

 

Samantalang ipinagdiriwang ng mga Allies ang kanilang tagumpay sa digmaan, hindi naman maitatago ang nakagigimbal na halaga ng pinsala nito mula nang ito ay magsimula. Pinatay nito ang halos 75 milyong tao sa buong mundo. Sa Europa, halos 38 milyong katao ang namatay, marami sa kanila ay mga sibilyan. Ang Soviet Union naman ang nakaranas ng pinakamaraming casualties — umabot ng higit na 22 milyon katao ang nangamatay.

 

 

Sa gitna ng mga kasiraan ng digmaan, may mga bagong kapangyarihan na sumibol. Sa Europe, nalupig ang Germany. Ang mga matatandang kapangyarihan, ang France at ang Britain, ay totoong nasaid. Dalawang bagong kapangyarihan, ang US at ang Soviet Union, na pangunahing nagbigay ng tagumpay sa Allies. Hindi gaanong nagtagal, ang dalawang bansang ito ay naging mga “superpower” dahil sa kanilang malakas na ekonomiya at puwersang pangmilitar sa buong daigdig.

 

holodnaya-vojna
Cold War

Nang panahon ng digmaan, ang Soviet Union at ang mga bansa ng Kanluran ang naging magkatulong para lupigin ang Nazi Germany. Gayunpaman, pagsapit ng 1945, ang magkaka-alyado noong digmaan ay waring bumabagsak. Dahil sa magkakasalungat na idelohiya at kawalan ng pagtitiwala sa isa’t isa. humantong sa di pagkakasundo na naging “Cold War”. Ang Cold War ay isang panahon ng tensyon at hostility ng mga bansa ng hindi tahasang naglalaban o nagdedeklara ng giyera sa kanilang kaaway. Sa pasimula, ang Cold War ay nakatuon sa  silangang Europa, kung saan si Stalin ng Soviet Union at ang Western Powers ay totoong may magkakaibang mga layunin.

 

 

Samantalang nagaganap ang mga pangyayari, lumindol sa Ustukran, Turkey noong Mayo 31, 1946, at 2,140 ang taong nangamatay. At noong Nobyembre 10, 1946, ay lumindol din sa Ancash, Peru at 1,400 ang nangamatay. Pagkaraan lamang ng mahigit na isang buwan, lumindol din sa Nankaido, Japan noong Disyembre 20, 1946, at 1,362 ang mga taong namatay.

 

Alamin natin, ano ba ang naging dahilan ng pagkakaroon ng Cold War sa dating magkaka-alyado? Nagkaroon si Stalin ng dalawang layunin sa Eastern Europe. Una, gusto niyang pangalatin ang komunismo sa nabanggit na dako. Pangalawa, lumikha siya ng isang “buffer zone” sa mga kaalyadong gobyerno na magsisilbing depensa laban sa Germany na lumusob sa Russia noong una at ikalawang digmaan.

 

Noong itinaboy ng Red Army (Soviet Union) ang puwersa ng Germany sa labas ng silangang Europa, namalagi ang pwersa ni Stalin sa dating inookupahan ng mga Nazi. Sa kanilang pulong pandigma ay hinikayat ni Stalin na tanggapin ng  Allies ang impluwensiya ng Soviet sa rehiyon. Hayagan niyang sinabi ang ganito:

stalin

“Whoever occupies a territory also imposes his own social system. Everyone imposes his own system as far as his armies can reach. It cannot be otherwise.”

 

Tinukoy pa ni Stalin na ang US ay hindi man lamang kumunsulta sa Soviet Union hinggil sa terminong pangkapayapaan na ginawa nito para sa Italy at sa Japan, na nilupig at sinakop ng mga British at American troops. Sa gayon ding paraan, ang Soviet Union ang magtatakda sa kapalaran ng mga lupain sa silangang Europe na nasakop ng Red Army hanggang sa Berlin.

 

Ang pananaw na ito ni Stalin ay hindi tinanggap nina Roosevelt at Churchill, bagkus ay inutusan nila si Stalin na mangako ng “Free Elections” para sa silangang Europa. Hindi sila pinakinggan ni Stalin. Sa halip, tinulungan ng Red Army ang mga  komunista sa Poland, Czechoslovakia, at sa iba pang dako sa pagwasak at paggiba sa kanilang mga kalabang pulitikal — sa pagpatay sa mga demokratikong pinuno. Kaya’t noong 1948, naitatag ni Stalin ang mga gobyernong pro-Soviet sa buong silangang Europa.

 

Ang totoo, matagal nang walang tiwala si Churchill kay Stalin. Sa kaniyang pagbisita sa US noong 1946, inilarawan niya ang kontrol ng Soviet Union sa silangang Europa bilang “Iron Curtain” na naghahati sa kontinente. Sinabi pa niya na:

Sir Winston Churchill British wartime leader. 1940's image. Copyright from the archives of Press Portrait Service (Formerly Press Portrait Bureau)

“A shadow has fallen upon the scenes so lately lighted by the Allied victories… From Stretin in the Baltic to Trieste in the Adriatic, an iron curtain has descended across the Continent. Warsaw, Berlin, Prague, Vienna, Budapest, Belgrade, Bucharest, and Sofia, all these famous cities and populations; around them lie in what I must call the Soviet sphere and all are subject to a very high and, in many cases, increasing measure of control from Moscow.”

 

Ang “Iron Curtain” na ito ni Churchill ay naging simbolo ng Cold War sa kanluran. Inihahayag nito ang lumalagong pangamba sa komunismo. Higit sa lahat, inilarawan nito ang pagkakahati ng Europe sa kanluran at silangan. Ang silangang bahagi ay dominado ng Soviet at ng mga komunistang bansa. Sa kanlurang bahagi naman ay ang mga bansang demokratiko na pinangungunahan ng US.
Tulad ni Churchill, tinanaw ni Pangulong Truman ng United States ang komunismo bilang isang makademonyong kapangyarihan na gumagapang sa buong Europa at nagbabanta sa mga bansa sa buong mundo, kabilang na ang China. Upang harapin ang panganib na ito, inabandona ng US ang kanilang tradisyunal na “isolationism”. Kaibayo noong Unang Digmaang Pandaigdig hindi sila nakialam para sa kapakanang pandaigdig. Kaya’t pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nanguna na ang US sa globalisasyon.

 

Sa Greece naman, sinuportahan ni Stalin ang mga rebeldeng komunista na nakikipaglaban upang ibagsak ang mga konserbatibong monarkista na suportado naman ng Britain. Gayon pa man, pagsapit ng 1947 ay hindi na makayanang depensahan ng Britain ang Greece. Pinagbantaan pa ni Stalin ang Turkey sa Dardanelles, gusto niyang sakupin (at kontrolin) ang kipot na nag-uugnay sa Black Sea at Mediterranean.

 

Kaya noong Marso 12, 1947, ay bumalangkas si Truman ng isang bagong alituntunin sa kongreso ng America at sinabing:

overview-Harry-S-Truman

“I believe that it must be the policy of the Unites States to support free people who are resisting attempted subjugation by armed minorities or by outside pressures… The free people of the world look to us for support in maintaining their freedoms.”

 

Ang alituntuning ito ay nakilala bilang Truman Doctrine at papatnubay sa US sa mga darating pang dekada. Nilinaw nito na pipigilan ng United States ang pagpapalaganap ng komunismo sa buong Europa o saan mang panig ng mundo. Hindi naglaon ay nagpadala si Truman ng tulong militar at tulong pang-ekonomiya, at mga tagapayo sa Greece at Turkey upang sa gayon ay mapaglabanan nila ang banta ng komunismo.

 

Ang Truman Doctrine ay naka-ugat sa diwang “containment” upang limitahan ang komunismo sa mga lugar na sakop o nasa ilalim ng kontrol ng Soviet. Si George Kennan, isang Amerikanong estadista na siyang unang nagpanukala nito, ay naniniwalang sisirain ng komunismo ang sarili nito. Sinabi niya ang ganito:

http://hdl.loc.gov/loc.pnp/ds.07025

“With patient, but firm and vigilant containment, the United States could stop Soviet expansion.”

 

 

Gayon pa man, sa pananaw ni Stalin, ang containment sa mundo ng kapitalista ay isang “encirclement” na gustong i-isolate ang Soviet Union.

 

Pagkatapos ng digmaan, ang kagutuman at paghihirap sa kanlurang Europe ay naging matabang lupa para sa kaisipang komunismo. Naakit ang karamihan sa ideya kung saan hahatiin ang resources sa lahat ng mamamayan at magiging pantay-pantay sila, walang mahirap at mayaman. Para palakasin ang mga pamahalaang demokratiko, ang US ay nag-alok ng malawakang tulong. Tinawag nila itong “Marshall Plan”. Sa ilalim ng planong ito, ang US ay magpapadala ng mga pagkain at tulong pang-ekonomiya sa Europe para tulungang makabangong muli ang mga bansa na sinalanta ng digmaan. Bilyon ang halaga ng tulong na ipinadala ng US para tulungan ang mga bansang biktima ng digmaan. Naging mabilis ang pagbangon ng mga ito at nakabawas ng malaki sa impluwensiya ng komunismo sa dakong yaon.

 

Ang talunang Germany ang isa sa napagtuunan ng Cold War. Sa takot na makabangong muli ang Germany, kinamkam ng Soviet Union ang mga pabrika at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan sa mga sakop nilang lupain dito upang gamitin sa pagtatayong muli at pagpapatatag ng Russia.  Gayon pa man, nagkasundo ang France, Britain, at United States na hikayatin ang mga sakop nila na itayong muli ng mga German ang kanilang industriya.

 

Dahil dito, ang Germany ay nahati sa dalawa. Sa kanlurang Germany, pinahintulutan ng mga demokratikong bansa ang mga mamamayan na isulat ang kanilang sariling konstitusyon upang maibalik ang sariling pamamahala. Sa silangang Germany, ang Soviet Union ay nagtatag ng komunistang gobyerno na nakatali sa Moscow.

 

image-placeholder-title

 

Ang pagtutol ni Stalin sa pagtulong ng Allies na ibangong muli ang Germany ay lumikha ng krisis sa Berlin. Ang dating kapital ng Germany ay nasakop ng apat na Allies bagama’t ito’y nakalatag sa zona ng Soviet.

 

Noong 1948, sinikap ni Stalin na puwersahing mapalabas ng Berlin ang Allies sa pamamagitan ng pagsasara ng mga railroads at highways patungo sa kanlurang sektor ng siyudad. Ang Allies naman ay tumugon sa pamamagitan ng paghahatid ng mga supply gamit ang eroplano. Sa loob halos ng dalawang taon, sinusuplayan ang kanlurang Berlin ng mga pagkain at gasolina. Dahil dito ay napilitan ang mga Soviet na wakasan ang kanilang blockade. Ang demokratikong West ay nagtamo ng tagumpay sa Cold War, subalit ang krisis ay nagpalubha pa sa hostilidad ng magkabilang grupo.

 

social

 

Samantalang nagaganap ang gayong mga pangyayari sa Berlin, lumindol sa Fukui, Japan, noong Hunyo 28, 1948, at 3,769 ang taong nangamatay. Pagkaraan lamang nang mahigit na tatlong buwan, lumindol ng malakas sa Ashgabat, Turkmenistan (USSR), at 110,000 ang mga taong namatay.

 

Samantalang tumataas ang tensiyon, noong 1949, ang US, Canada, at siyam na mga bansa sa kanlurang Europe ay bumuo ng isang military alliance. Ito ay tinawag nilang North Atlantic Treaty Organization (NATO). Ang mga kaanib ng NATO ay nagkasundo na magtulungan sa  isa’t isa kung ang sinoman sa kanila ay lulusubin o aatakihin.

 

Sa taong ding yaon (Hulyo 10, 1949) ay lumindol sa Khait, Tajikistan, USSR at 12,000 ang nangamatay na tao. Wala pang halos isang buwan (Agosto 5, 1949), lumindol din sa Ambato, Ecuador at 5,000 ang mga taong namatay. Noong Agosto 15, 1950, ay lumindol sa Zhamo, Xizang, China (Tibet) at 1,526 ang mga nasawi. At noong Agosto 2, 1951 ay lumindol din sa Cosiguina, Nicaragua at 1,000 ang mga namatay. At pagsapit ng Marso 18, 1953 ay lumindol sa Yenice-Gonen, Turkey at 1,070 ang namatay. Sinundan ito ng isa pang lindol noong Setyembre 9, 1954, sa Orleanville, El Asnam (Algeria), at 1,250 ang namatay.

 

Sa paglipas ng panahon ay nagpatuloy ang tensyon ng Cold War sa pagitan ng US at ng Soviet Union. At noong 1955, bilang tugon ng Soviet Union sa itinayong NATO, nagtatag rin ito ng sariling military alliance, ang Warsaw Pact. Kabilang dito ang USSR at pitong hiwalay na estado sa silangang Europe na nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Kaibayo ng NATO, ang Warsaw Pact ay ginamit na sandata ng Soviet para panatilihin ang kanilang mga satellite na bansa sa kaayusan.

 

Ang magkabilang panig sa Cold War ay nagpaunlad ng mga armas bilang paghahanda sa pag-atake ng sinoman. Sa una, ang US ay nakalalamang sa pagkakaroon ng atomic bomb. Ngunit ang mga batikang siyentipiko ni Stalin ay inutusan rin na bumuo ng kanilang sariling atomic bomb. Nagtagumpay sila noong 1949 at nagsimula ang karera sa armas. Sa loob ng apat na dekada, gumugol ang dalawang kapangyarihan ng kagulat-gulat na halaga ng salapi para sa mga nuclear at makabagong mga armas. Gumugol din sila ng totoong malaking halaga para paunlarin ang kanilang “delivery system” — ang mga bombers, missiles, at mga submarines upang gamitin na pambunsod (to launch) sa mga armas na ito na lilikha ng nakagigimbal na pagkawasak! Sa bandang huli ay nasabi ni Churchill ang ganito:

“Soon, the global balance of power became a balance of terror!”

 

Magugunita pa, na noong 1945, ang buong mundo ay umaasa na pagkatapos ng mga dekada ng krisis sa ekonomiya, tyranny, at ang mga kalupitan ng digmaan, ay matatapos na ang global hostilities. Sa halip, ang tinatanaw nila ngayon ay lalong nakagigimbal na hinaharap!

 

Habang nagpapatuloy ang paligsahan sa armamento ng dalawang kapangyarihan, lumindol malapit sa Sang Chai, Mazandaran, Iran noong Hulyo 2, 1957 at 1,200 ang mga namatay. Sa taon ding yaon (Disyembre 13, 1957) ay lumindol sa Sahneh, Iran at 1,130 ang namatay. Lumindol din sa Agadir, Morocco noong Pebrero 29, 1960, at 12,000 ang mga taong namatay. Pagkaraan lamang ng halos tatlong buwan (Mayo 22, 1960) ay lumindol din sa Temuco-Valdivia, Chile at 1,655 ang nasawi. Pagkaraan nang mahigit na dalawang taon (Setyembre 1, 1962) ay lumindol ng malakas sa Bu’in Zahra, Qazvin, Iran at 12,255 ang mga namatay. At pagsapit ng Hulyo 26, 1963 ay lumindol sa Skopje (dating Yugoslav) at 1,100 ang namatay.

 

Nang humalili bilang pangulo ng US si Richard Nixon, sinimulan niyang ipatupad ang bagong paraan ng pakikisalamuha sa ibang mga bansa at naging mas diplomatiko sila. Nagpanukala siya ng bagong policy, ang “detente” o ang pagluluwag sa Soviet Union. Sa kabila ng mga ito, muling nag-init ang kanilang alitan nang pumalit si Ronald Reagan bilang pangulo.

 

Habang nakikipagbaka si Reagan sa mga komunista sa gitnang America, unti-unting humina ang Soviet Union. Nagdanas sila ng matinding problema sa ekonomiya at sa pulitika. Pumalit si Mikhail Gorbachev kay Stalin at iniba niya ang pakikisalamuha ng kanilang bansa sa mundo. Nagpanukala siya ng mga bagong patakaran, ang Glasnost (pagiging hayag sa pulitika) at ang Perestroika (reporma sa ekonomiya).

 

Humina ang impluwensya ng Soviet Union at napalitan ang mga pamahalaang komunista. Noong 1991, tuluyang naghiwa-hiwalay ang Soviet Union (Russia at 14 na bansa) at natapos ang Cold War.

The Fall fo the Berlin Wall

 

Ngunit, sa loob ng mahigit na 40 taon, ang panuntunan ng dalawang magkaribal na bansa ay malinaw: ang Soviet hegemony at ideolohiyang Komunista ay tumayo bilang antithesis sa kaisipang Western capitalist. Ang alitan sa pagitan ng dalawang magkaribal na bansa ay hindi lamang humati sa buong Europa, kundi pinag-alab nito ang krisis sa buong mundo! Ang dahilan, naubos at nasaid ang pondo at materyales na pinagkukunan ng dalawa. At dahil dito, bagama’t hindi nauwi sa malawakang labanan, ay nagkaroon ng manaka-nakang digmaan sa mga maliliit na bansa sa kagagawan ng dalawang ito. Ginawa nilang hanapbuhay ang kawawang mga tao sa maliliit na bansa.

 

Ang banta ng nakasisindak na kapangyarihan ng nuclear war heads ay tila nakatayong multo sa pagkawasak ng mundo. Ang lakas ng isang nuclear war head ay katumbas ng lahat ng bombang pinasabog noong Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nakatatakot kung gayon! Hindi pa man natatapos ang Cold War ng US at ng Soviet Union, nakapag-imbak na ang dalawang ito ng 48,000 nuclear war heads! Hanggang sa kasalukuyan, gaano kaya karami ang nakaimbak sa China, North and South Korea, Japan, Iran, Britain, France, at marami pang bansa? Siguradong mawawasak ang buong mundo!

 

Puntahan nating muli ang Apocalipsis sa paghihip ng ika-anim na pakakak. Ayon sa hula, ano pa ang magaganap?

 

Apocalipsis 9:19-20

Sapagka’t ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig, at nasa kanilang mga buntot; sapagka’t ang kanilang mga buntot ay kawangis ng mga ahas, at may mga ulo; at siya nilang ipinananakit. At ang nalabi sa mga tao, na hindi napatay sa mga salot na ito, ay hindi nagsipagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang huwag sumamba sa mga demonio, at sa mga diosdiosang ginto, at pilak, at tanso, at bato, at kahoy; na hindi nangakakakita, ni nangakaririnig man, ni nangakalalakad man.

 

Natapos na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit hindi pa natatapos ang mga pangyayari sa paghihip ng ikaanim na pakakak na kinapapalooban din ng ikalawang pagkaaba. Malinaw na hindi rin nagsipagsisi ang mga tao sa labis na kinapopootan ng Diyos — ang pagsamba sa mga diyus-diyusan.

 

Kasunod nito ay ang ipinagpauna ng Biblia na pagdating naman ng mga “panahong mapanganib” at ang magiging ugali ng mga tao sa mga huling araw. Lalaganap din pati na ang pagsamba sa mga diyus-diyusan ng puso at sa diyus-diyusan ng tiyan! Ang lahat ng mga ito ay nasasaksihan natin sa mga pangyayari.

Leave a comment