Ang Paninindigan Ng Tapat Na Lingkod Ng Diyos

ANG PANININDIGAN NG TAPAT NA LINGKOD NG DIYOS

 

Totoong napakahalaga ng pagkatawag sa atin sa loob ng Iglesia ni Cristo. Sinasampalatayanan nating dito natin natamo ang kahalalan upang matawag tayo na mga anak ng Diyos. Dahil sa kahalalang ito, nasa atin ang karapatan na hindi natamo ng mga nasa labas ng tunay na Iglesia. Ang karapatang ito ay kailangan nating pakinabangan sapagkat ito ang nagbigay sa atin ng kaugnayan sa Panginoong Diyos at Panginoong Jesucristo.

 

Ano ang dakilang karapatan ng mga nasa Iglesia ni Cristo?

 

Juan 15:16
“Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay Niya sa inyo.”

 

Dahil sa pagkahirang sa atin, tinanggap din natin ang karapatan na humingi sa Ama sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.

 

Ang karapatan bang ito sa paghingi o pagdalangin sa Ama ay nasa lahat ng tao?

 

Kawikaan 1:28, 24
“Kung magkagayo’y tatawag sila sa Akin, nguni’t hindi Ako sasagot; Hahanapin nila Akong masikap, nguni’t hindi nila Ako masusumpungan”
“Sapagka’t Ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: Aking iniunat ang Aking kamay, at walang makinig.”

 

Malinaw na may mga tumatawag sa Diyos na hindi Niya sinasagot at kahit pa masikap Siyang hanapin ay hindi Siya masumpungan. Sapagkat sila ay tumanggi rin sa pagtawag ng Panginoong Diyos at hindi rin nakinig sa Kaniya.

 

Sino ba ang mga hinirang, ayon sa mga apostol?

 

Colosas 3:15
“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat.”

 

Alin ang katawang tinutukoy?

 

Colosas 1:18
“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia”

 

Ang mga hinirang ng Diyos ay yaong tinawag upang maging bahagi ng isang katawan o Iglesia.

 

Hindi ba ito ay karapatan lamang ng Iglesia ni Cristo sa panahon ni Cristo at ng mga apostol? Kasama ba tayo sa karapatang ito?

 

Zacarias 13:9
“At Aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila’y dadalisayin Ko na parang pilak na dalisay, at sila’y susubukin Ko na parang pagsubok sa ginto. Sila’y magsisitawag sa Aking pangalan, at Akin silang didinggin: Aking sasabihin, Siya’y bayan Ko; at kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay aking Dios.”

 

Itinuro na sa atin sa pamamagitan ng mga pahayag na nasusulat sa Biblia na ang Iglesia ni Cristo sa panahong Cristiano ay binubuo ng tatlong bahagi o pulutong. Ang una ay ang pulutong ng mga Hudyo. Ang ikalawa ay mga Hentil at ang ikatlo ay ang Iglesia ni Cristo sa huling araw na siya nating kinabibilangan. Sa ikatlong bahagi (sa atin) ay sinabi ng Diyos na, “Sila’y magsisitawag sa Aking Pangalan, at Akin silang diringgin: Aking sasabihin, siya’y bayan Ko; at kanilang sasabihin, ang Panginoong ay aming Diyos.” Kung gayon, nakahanda ang Panginoong Diyos na tayo ay dinggin sapagkat kinikilala Niya ang ikatlong bahagi na kinabibilangan natin bilang Kaniyang bayan.

 

Bakit mayroong hindi nakadarama ng biyayang ito bagama’t nasa bayan ng Diyos?

 

Mikas 3:4 MB
“Darating ang araw na kayo’y daraing sa akin, ngunit hindi Ko kayo tutugunin dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”

Kailangang nakatanim sa isipan ng lahat ng kapatid na ang kasamaan ang nagpapahiwalay sa tao at sa Diyos. Ang kasalanan din ang nagpakubli ng Kaniyang mukha sa tao upang Siya’y huwag makinig. Kaya sinabi ng Diyos, “… hindi Ko kayo tutugunin dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”

 

Sa ano inihalintulad ang mga tao at ang dati nilang matuwid na gawa bago sila ay muling naging masama?

 

Isaias 64:6-7 NPV
“Kaming lahat ay natulad sa isang taong marumi, at lahat ng matuwid naming gawa ay tulad ng maruming basahan. Kaming lahat ay nalantang tulad ng dahon, ang aming mga kasalanan ay tulad ng hanging tumangay sa amin. Isa ma’y walang tumatawag sa iyong pangalan o nagsisikap na manghawakan sa iyo. Ikinubli mo ang mukha mo sa amin at pinabayaan kaming ubusin ng aming mga kasalanan.”

 

Ang taong napagtagumpayan ng kasamaan ay katulad ng taong marumi. Ganito ang kinahantungan ng unang bayan ng Diyos. Hindi makikinig ang Panginoong Diyos sa mga taong makasalanan. Kaya ang matuwid na gawa ay masasayang lang kung papayagan natin na sa anomang kadahilanan ay mahulog tayo sa pagsalangsang sa Kaniyang mga kautusan.

 

Papaano ang pagsamba ng kapatid na nabubuhay naman sa kasamaan? Kalulugdan pa ba siya?

 

Kawikaan 15:8
“Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: Nguni’t ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.”

 

Sana ay walang sinumang kapatid na nag-aakala na kahit pa namumuhay siya sa kasalanan ay tatanggapin ng Diyos ang kaniyang pagsamba dahil dumadalo siya sa pagkakatipon. Maaaring sa pakiramdam ng marami ay nakalulugod na sila sa paningin ng Diyos, kahit pa hayag na hayag naman ang paglabag nila sa mga kautusan ng Diyos, gaya ng pagsira sa pag-iibigang magkakapatid, paggawa ng masama sa kapuwa at hindi ganap na pagbabagong buhay. Ipinagmamalaki nila sa sanglibutan ang matuwid na mga aral ng Diyos ngunit hindi naman nila ito ibinubuhay. Laging hinahanap ng Panginoong Diyos na ihandog natin ang ating sarili na isang haing buhay at banal upang tayong lahat ay maging kaaya-aya at kalugod-lugod sa Kaniya, pati na ang ating pagsamba.

 

Hahangga lamang ba sa hindi pakikinggan ng Diyos ang daing ng nabubuhay sa kasamaan?

 

Kawikaan 11:19
“Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: At siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.”

 

Ang wakas ng nabubuhay sa kasamaan ay kamatayan. Kaya tama ang mga kapatid natin na ang paninindigan at ang sinusunod ay ang Katuwiran ng Diyos. Kahit maranasan pa ang matinding kagipitan o kapighatian ay dapat manatiling naninindigan sa pagsunod sa Katuwiran ng Diyos. Nananatili ang kanilang pagtitiwala at pag-asa sa ating Panginoong Diyos. Mapapalad ang mga kapatid na hindi binibitiwan ang kanilang pagpapahalaga at pagsunod sa mga dalisay na aral at utos ng ating Diyos sapagkat magtatamo sila ng tunay na buhay. Tayong lahat ay dapat na masumpungan sa buong pusong pagpapasakop at pagsunod sa mga aral ng Diyos sapagkat lahat ng mga ito ay makatuwiran at makatarungan.

 

Ano ang ibig sabihin ng “ siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay”?

 

Awit 37:38
“Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: Ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.”

 

Ang patuloy na lumalabag sa mga utos ng ating Panginoong Diyos at ang mga hindi nagbabagong buhay ay mangalilipol.

 

Ang masama kaya na hindi humiwalay sa kaniyang kasamaan ay makatatayo na kasama ng matuwid at maliligtas din sa paglipol sa Araw ng Paghuhukom?

 

Awit 1:4-6 NPV
“Hindi gayon ang masama! Sila’y parang ipang tinatangay ng hangin. Kaya hindi sila tatayo pagdating ng paghuhukom, ni ang mga makasalanan sa kalipunan ng mga matuwid. Sapagkat binabantayan ng PANGINOON ang daan ng matuwid, ngunit ang daan ng masama ay mapaparam.”

 

Napakalinaw, ang mga matuwid lamang ang pinapatnubayan ng Panginoong Diyos. Kaya kung ang masama ay mananatili pa rin sa pagsalangsang sa Kaniyang mga aral at utos ay wala nang hain pang natitira pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

 

May tatakasan ba sa Araw ng Paghuhukom ang mga itinatalaga sa paglipol?

 

II Pedro 3:7
“Nguni’t ang sangkalangitan ngayon at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”

 

Kahit pa tamuhin niya ang kayamanan ng buong sanlibutan; kahit pa siya na ang pinakamagaling at pinakamatalinong tao sa mundong ito, ngunit kung nabubuhay naman sa kasamaan at sumalangsang naman sa mga kautusan ng ating Panginoong Diyos ay walang pagsalang itataan sa parusa pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

 

Ano ang panawagan ng Diyos sa Kaniyang mga anak?

 

Kawikaan 4:20-22 NPV
“Anak ko, pag-ukulan mo ng pansin ang sinasabi ko; pakinggan mong mabuti ang aking mga salita. Huwag mong ilalayo sa iyong paningin, ingatan mo sa iyong puso; pagkat ito ay buhay para sa mga nakasusumpong nito at kalusugan sa buong katawan.”

 

Ingatan natin ang ating puso upang hindi tayo mapahamak. Ikintal natin ang mga dalisay na aral ng Diyos sa ating puso upang hindi tayo maligaw. Manalangin ng taimtim upang lalo tayong tumatag at tumibay nang sa gayon maaasahan natin na patuloy Niya tayong papatnubayan at iingatan.

 

Ano ang sinasabi at itinatagubilin ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga anak?

 

Kawikaan 4:14-15 NPV
“Huwag mong tatahakin ang landas ng masama, ni lalakad sa daan ng mga makasalanan. Iwasan mo ito, huwag mong lalakaran; talikdan mo ang masamang landas, at magpatuloy sa iyong lakad.”

 

Ayaw ng Diyos na tayo ay umayon at makisama sa masama. Kaya huwag tayong paaakit sa mga kalayawan, kalikuan, at mga kasamaan. Ang dapat na gawin ay iwasan at talikdan ang masamang landas. Kaya hindi dapat sumuong sa anomang bitag ng diyablo.

 

Ano naman ang sasapitin ng mga sumusunod at nagtatapat sa Diyos? Ano ang pangako ng Panginoong Diyos sa mga anak Niya na tumatalima at dumirinig sa Kaniya?

 

Kawikaan 4:10-13 NPV
“Makinig ka, anak ko, tanggapin mo ang aking sinasabi, at hahaba ang iyong buhay. Inaakay kita sa landas ng karunungan at dinadala sa mga landas na matuwid. Sa paglakad mo’y walang magiging sagabal sa iyong paghakbang; sa iyong pagtakbo hindi ka madadapa. Panghawakan mo ang mga turo at huwag mong bibitiwan; ingatan mong mabuti pagkat ito ang iyong buhay.”

 

Karanasan na natin na kapag tayo’y nakinig at sumunod sa Panginoong Diyos ay napapabuti tayo. Kaya, ang ating buhay at lakas ay iukol natin sa Kaniya, sa Kaniya na may hawak ng ating kapalaran at nakakaalam ng mabuti para sa ating lahat. Ang lahat ng Kaniyang pangako ay Kaniyang tutuparin, maging masunurin lamang tayo at tapat na mga anak Niya.

Leave a comment