Ang Ika-Pitong Tatak (Part 1)

IKA-PITONG TATAK
(PART 1)

 

Puntahan natin ngayon ang ika-pitong tatak. Ano ang mga pangyayaring nakapaloob dito?

 

Apocalipsis 8:1-2

″At nang buksan ang ika pitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila’y binigyan ng pitong pakakak.”

 

hell_or_heaven__by_yongl-d4lkj73

Ang unang naganap sa ika-pitong tatak ay ang katahimikan sa langit na may kalahating oras. Samakatuwid, pagkatapos na mapigil ang unang digmaang pandaigdig na naganap sa dulo ng ikaanim na tatak (Nobyembre 11, 1918), ang sumunod ay kapayapaan sa langit na may kalahating oras. Ito ay nangyari sa pagbubukas ng ika-pitong tatak na siyang huling tatak o wakas na ng Panahong Kristiyano.

 

Ayon na rin sa pahayag mismo ng ating Panginoong Jesucristo, ano ba ang pangyayaring magaganap pagkatapos na mapigil ang unang digmaang pandaigdig at magkaroon ng kapayapaan sa langit na may kalahating oras?

 

Mateo 24:6-7

″At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako.”

 

Ang Unang Digmaang Pandaigdig bagaman sumiklab sa ‘mga wakas ng lupa’ ay hindi pa ang wakas. Ang sabi ng Panginoong Jesucrsisto ay, ‘titindig ang bansa laban sa bansa, kaharian laban sa kaharian‘, kung gayon ay magkakaroon ng panibagong Digmaang Pandaigdig.  Ang panahon ng kapayapaan sa pagitan ng dalawang digmaang pandaigdig ay may kalahating oras sa langit, ayon na rin sa hula.

 

Alamin muna natin, alin ba at kanino iyong langit na nagkaroon ng katahimikan nang mapigil ang Unang Digmaang Pandaigdig? Bakit may kalahating oras lamang ang itinagal nito?

 

Apocalipsis 6:14-15

″At ang langit ay nahawi na gaya ng isang lulong aklat kung nalululon; at ang bawa’t bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan. At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa’t alipin at ang bawa’t laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok;”

 

Nagkaroon na tayo nang pagtalakay ukol sa paghihip ng apat na hangin ng lupa o digmaang pandaigdig. Dahil dito, nahawi ang langit ng mga bundok at pulo na ang tinutukoy ay ang mga hari at bansa sa lupa. Ang kahulugan ng bundok ay ipinaliwanag na sa atin:

 

Apocalipsis 17:9-10

″Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae: At sila’y pitong hari; ang lima ay nangabuwal, ang isa’y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon.”

Ang bundok ay pinuno ng isang kaharian. Ano naman ang kahulugan ng pulo?

 

Isaias 24:15

″Kaya’t luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga’y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat.”

 

Ang pulo ay kumakatawan sa bansa. Alamin naman natin, alin ang langit na nahawi o nawalan ng kapayapaan dahil sa digmaan?

 

Levitico 26:19

″At sisirain ko ang kahambugan ng inyong kapangyarihan; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa:”

 

Ayon sa talata, sisirain ng Diyos ang kapangyarihan (langit) ng mga hari bilang sumpa sa kanila. Malinaw na ang langit na nahawi o nawalan ng kapayapaan ay ang kapangyarihan ng mga bansa. Anong ibig sabihin na nawalan ng kapayapaan ang kapangyarihan?

 

Isaias 14:18

″Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa’t isa’y sa kaniyang sariling bahay.”

 

Ang langit na binabanggit sa pagbubukas ng ika-pitong tatak ay ang langit ng mga hari at mga bansa. Ang katahimikan ay nangyari nang mapigil ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Nobyembre 11, 1918.

 

Sa bahaging ito ay maaaring pumasok sa isip ng isang palasuri, na tila nasira ang biblia sa bahaging ito. Sasabihin niya na totoong napigil ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Nobyembre 11, 1918. Ngunit ito ay muling sumiklab noong Setyembre 1, 1939. Kung susumahin, ang itinagal ng kapayapaang namagitan ay 20 taon, 9 na buwan at 20 araw at hindi kalahating oras lamang!

 

Magiging mali nga kung uunawain natin ang biblia batay sa karunungan ng tao. Alamin muna natin, ang ‘may kalahating oras’ ba na binabanggit ay panahon ng tao o panahon ng Diyos? Nagkaroon na tayo nang pagtalakay na ang Apocalipsis ay aklat na mula sa Diyos na ipinagkaloob sa ating Panginoong Jesucristo.

 

Natiyak na rin natin na ang Apocalipsis ay aklat na kinatatalaan ng buong Panahong Kristiyano. Ang Panahong Kristiyano ay hinati ng Diyos sa pitong buko ng panahon o pitong tatak. Sa bawa’t tatak ay may mga pangyayaring nakapaloob. Ang ‘may kalahating oras’ ay nasa ika-pitong tatak o wakas na ng Panahong Kristiyano. Samakatuwid, ito ay panahon ng Diyos at hindi panahon ng tao! Maling unawain ito sa panahon ng tao!

 

Tiyakin natin, ayon sa biblia, ano ba ang malaking pagkakaiba ng panahon ng tao sa panahon ng Diyos? Hayaan nating si Apostol Pedro ang sumagot dito:

 

II Pedro 3:8

″Datapuwa’t huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw.”

 

Ikintal nating mabuti sa ating isipan, na ang isang araw sa Diyos ay katumbas ng isang libong taon sa tao. Kung hahatiin natin ang isang araw (24 oras) sa 1,000 taon (sa tao), lilitaw na ang isang oras sa Diyos ay katumbas ng apat na pung (40) taon at dalawangpung (20) buwan sa tao. At ang kalahating oras sa Diyos ay katumbas ng dalawampung (20) taon at sampung (10) buwan sa tao!

 

Binanggit na natin na ang itinagal ng kapayapaan mula nang mapigil ang Unang Digmaang Pangdaigdig (Nobyembre 11, 1918) hanggang sa muling sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Setyembre 1, 1939) ay dalawampung (20) taon, siyam (9) na buwan, at dalawampung (20) araw. Kulang ng sampung araw para eksaktong kalahating oras. Tama lamang, sapagka’t ang binanggit sa Apocalipsis ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na ‘may kalahating oras’ lamang. Hindi sinasabing eksaktong kalahating oras!

 

Huwag nating kalilimutan na ang paglitaw ng maraming bulaang propeta at relihiyon, at pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig ay naganap sa dulo ng ika-anim na tatak. Ang kapayapaan naman na dalawampung taon, siyam na buwan at dalawampung araw, at pagsiklab ng ikalawang digmaang pandaigdig, ay naganap sa simula ng ika-pitong tatak o wakas ng Panahong Kristiyano.

 

At huwag din nating kalilimutan ang sinabi ng ating Panginoong Jesucristo, sa panahong ito ng mga digmaang pangdaigdig ay magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako! Ayon na rin sa kaniya, ano ang ibinabadya kapag nakita na at natupad ang lahat nang ito? Naisulat ni Apostol Mateo ang sagot ng ating Panginoong Jesus:

 

Mateo 24:33

″Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga.”

Aling pintuan ang tinutukoy ni Cristo?

 

Mateo 24:3

″At samantalang siya’y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?”

 

Samakatuwid ang pintuang tinutukoy ng ating Panginoong Jesucristo ay ang katapusan ng sanlibutan o araw na ng paghuhukom! Sumapit na ang panahon ng ‘mga wakas na ng lupa’.

 

Kaya, ang pagbangon ng maraming bulaang relihiyon, pagkakaroon ng una at ikalawang digmaang pangdaigdig, at pagkakaroon ng matinding kagutom at paglindol sa iba’t ibang
dako ay mga palatandaang ibinigay ni Jesus na malapit na ang katapusan ng mundo!

 

Ano ang dahilan at naganap ang lahat ng ito, at kaninong kalooban na ito ay matupad? Sa aklat ni Propeta Isaias ay mababasa:

 

Isaias 24:5-6

″Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka’t kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan. Kaya’t nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya’t ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.”

 

Samakatuwid, ang mga pangyayaring naganap sa mga wakas ng lupa ay sumpa ng Diyos dahil sa nadumhan ang buong lupa ng mga kasalanan at pagsalangsang ng mga tao sa buong daigdig! Anong uri ng sumpa ang pinasapit ng Diyos sa buong lupa? Ituloy natin sa aklat ni Propeta Isaias:

 

Isaias 24: 19-22

″Ang nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa. Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa; at ang kaniyang pagsalangsang ay magiging mabigat sa kaniya, at mabubuwal, at hindi na magbabangon. At mangyayari, sa araw na yaon, na parurusahan ng Panginoon ang hukbo ng mga mataas sa itaas, at ang mga hari sa lupa sa ibabaw ng lupa. At sila’y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila.”

 

Ang sumpang ipararating ng Diyos sa buong daigdig ay hindi pa nangyayari kailanman. Mangyayari ito sa mga wakas ng lupa sapagka’t sa panahong ito ay pahihintulutan ng Diyos na ang buong lupa ay magiba at lubos na masira. Ang daigdig ay gigiray na parang lango at mauuga na parang dampa. Matindi ang dahilan, ang pagsalangsang ng mga tao sa kautusan ng Diyos!

 

Alamin natin, ano ba ang ipinahintulot ng Diyos na mangyari sa mga tao upang ang daigdig ay gumiray na parang lango at mauga na parang dampa at lubos na masira?

 

Daniel 12:4

″Nguni’t ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan: marami ang tatakbo ng paroo’t parito, at ang kaalaman ay lalago.”

 

Alexander_Graham_Telephone_in_NewyorkItinulot ng Diyos na ang karunungan ng tao ay lumago sa mga wakas ng lupa upang ang tao na rin ang lumikha ng mga kasangkapang magpapagiray, magpapa-uga, at sisira sa buong lupa. Nagkaroon na tayo ng masusing pag-aaral sa mga imbensyon ng tao sa ikaapat na tatak. Kabilang na dito ang bomba, tangke, at eroplano na siyang ginamit upang sumira sa lupa. Nayanig ang buong daigdig!

 

Tangi sa pagkakaroon ng digmaang pandaidig dulot ng paglago ng karunungan, ano ang naging epekto nito sa mga tao? Basahin nating ang sagot mula sa Biblia:

 

Eclesiastes 4:1 MB

″Nakita ko ang kawalan ng katarungan sa daigdig. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisikil sa kanila.”

 

Nawalan ng katarungan sa daigdig! Labis ang pagsikil at pang-aapi ng mga may kapangyarihan sa mga mamamayan na ikinahapis nila. Dahil dito, ayon na rin sa ating Panginoong Jesucristo, ano ang ibinunga nito sa daigdig?

 

Mateo 24:12-13

″At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig. Datapuwa’t ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”

 

Samakatuwid, sa mga huling araw, kaalinsabay ng paglago ng karunungan ang paglago ng katampalasanan ng mga tao! Lalamig rin ang pag-ibig sa Diyos ng marami! Ngunit ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas! Sinu-sino ang mga taong ito na sa kanila nakalaan ang kaligtasan, ngunit dahil sa paglago ng katampalasanan ay lalamig ang pag-ibig ng marami sa Diyos?

 

Mateo 24:8-11

″Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan. Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin: at kayo’y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. At kung magkagayo’y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa’t isa, at mangagkakapootan ang isa’t isa. At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”

 

Samakatuwid, ang mga taong maaapektuhan ng kasamaan sa mga wakas ng lupa na may karapatan sa kaligtasan ay taglay ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. Sila ang ibang mga tupa ni Jesus na mula sa malayo o mga Iglesia ni Cristo sa mga huling araw. Sila ang mga naging bunga ng pangangaral ng sugo ng Diyos, ang kapatid na Felix Y. Manalo. Nagkaroon na tayo nang detalyadong pagtalakay dito.

 

At ayon na rin sa patotoo ng hula ng Diyos, ano ang isasagawa ng mga Iglesia ni Cristo sa mga huling araw sa panahon ng kagibaan o digmaan? Ganito ang nakasulat sa aklat ng hula:

 

Isaias 24:12-15

″Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak. Sapagka’t ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani. Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, sila’y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat. Kaya’t luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga’y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat.”

Ang mga tunay na Iglesia ni Cristo sa mga pulo ng dagat (Pilipinas) ay lalong aalab sa mga paglilingkod sa tunay na Diyos sa panahon ng katampalasanan! Subalit dahil din sa mga pangyayari, ayon na rin sa ating Panginoong Jesucristo, may mga kaanib sa kaniyang Iglesia na lalamig ang pag-ibig sa Diyos, mangatitisod at ipagkakanulo ang kapuwa kapatid. Alamin natin, sinong mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa mga wakas ng lupa ang katutuparan nito?

 

Mateo 22:13-14

″Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. Sapagka’t marami ang mga tinawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang.”

 

Maliwanag, na may mga tinawag sa loob ng Iglesia ni Cristo ngunit hindi maliligtas. Sila ang mga naging kaanib at kasama sa mga tinawag ngunit hindi sila kabilang sa hinirang ng Diyos! Madaling lumamig ang pag-ibig nila sa Diyos. Madali silang matisod at ipinagkakanulo nila ang kapuwa kapatid sa panahon ng paglago ng katampalasanan! Tiyakin natin, sinu-sino ang mga kaanib na bagama’t nagkaroon ng pagkakataon na mapabilang sa mga tinawag, ay hindi kabilang sa mga hinirang? Bakit hindi sila kabilang sa mga hinirang? Hindi ba’t ang Diyos ang tumatawag at nagdadala ng mga maliligtas sa Iglesia araw-araw? Ang ibig bang sabihin nito ay nagkamali ang Diyos sa pagpili? Sa pamamagitan ng isang talinghaga ay sinagot ito ng ating Panginoong Jesucristo:

 

Mateo 13:24-30

″Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid: Datapuwa’t samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis. Datapuwa’t nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo. At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya , Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo? At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga’y magsiparoon at ang mga yao’y pagtipunin? Datapuwa’t sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pansirang damo, ay inyong mabunot pati trigo. Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.”

 

Ano ang kahulugan ng talinghaga ni Jesus nang usisain siya ng kaniyang mga alagad? Isinulat ito ni Apostol Mateo:

 

Mateo 13:37-42

″At siya’y sumagot at nagsabi Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama; At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel. Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan. Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan, At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.”

 

Kung gayon, hindi ang Diyos ang tumawag sa kanila kundi itinanim sila ng kaaway! Sila ang mga pangsirang damo na itinanim ng diablo! Papaano sila naging kaanib sa Iglesia ni Cristo?

 

Jud. 1:3-4 MB

″Mga minamahal, ang gustung-gusto kong isulat sa inyo’y tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat. Ngunit napilitan akong ang isulat sa inyo’y isang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal. Sapagkat nakasalingit sa inyo ang ilang taong walang Diyos at ang kaloob ng Diyos ay ginagamit nila sa kamunduhan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Puno at Panginoon. Noon pang una’y sinabi na ng Kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.”

 

Ang mga kaanib na hindi hinirang ng Diyos ay mga pangsirang damo na ipinasok ng lihim ni satanas upang agawin ang kaligtasan sa mga banal. Sila ang mga kasangkapan ng diablo para ihiwalay ang mga hinirang sa tunay na paglilingkod sa Diyos. Ang mga ito ay lilipulin sa Araw ng Paghuhukom!

 

Gayon katalino ang ating kaaway. Nagpasok siya ng lihim ng mga kampon niya upang ipahamak ang mga hinirang ng Diyos. Dahil dito, ano ang mahigpit na bilin ni Apostol Pablo sa lahat ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo?

 

Roma 16:17-20

″Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo’y magsilayo sa kanila. Sapagka’t ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay. Sapagka’t ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya’t nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa’t ibig ko na kayo’y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan. At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo.”

 

Bakit gayon kahigpit ang bilin ni Apostol Pablo sa lahat ng mga hinirang? Ano ba ang isa pang panganib na sasagupain ng mga Iglesia ni Cristo sa mga huling araw?

 

II Timoteo 3: 1-5

″Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.”

Malinaw ng kung gayon ang matinding panganib na masasagupa ng mga anak ng Diyos sa mga wakas ng lupa. Dahil sa paglago ng karunungan at ng katampalasanan, ang mga ito ang magkatulong na mga paktor upang sumiklab ang una at ikalawang digmaang pandaigdig. Ang kagutom, paglindol sa iba’t ibang dako, at epekto ng digmaan ay naging karagdagang suliranin sa hirap na nararanasan ng maraming tao sa mundo.

 

Kaugnay nito, ano ang mahigpit na tagubilin ng Diyos sa mga hinirang Niya upang huwag silang mapagtagumpayan ng mga lalang o silo ni satanas?

 

II Timoteo 2:22-26

″Datapuwa’t layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pagibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis. Nguni’t tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo. At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin, Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila’y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, At sila’y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.”

Naunawaan natin ngayon ang mga katotohanang magaganap sa mga wakas ng lupa ayon sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa biblia.

 

Matapos ito ay susundan natin ang mga pangyayaring naitala ng mga historyador. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa ikauunawa ng mga hula. Ang ikapitong tatak ay hinati pa sa pitong pakakak ng pitong anghel. Sa bawat hihip ng pakakak ay may mga pangyayaring nakapaloob; at ang ikapitong hihip ng pakakak ang siyang katapusan na ng mundo! Ang lubos na pagkaunawa sa mga pangyayaring naganap sa kasaysayan ay magbibigay ng kabatiran sa mga pahayag ng Biblia kaugnay sa mga wakas ng lupa.

Leave a comment