Bakit Hindi Maranasan ng Iba ang Kabutihang Magagawa ng Diyos

Napakahalaga ng mga kaalamang natutuhan natin sa tunay na Iglesia.  Naunawaan natin at lubos na sinasampalatayanan na iisa lamang ang tunay na Diyos, walang iba kundi ang Ama na Siyang makapangyarihan sa lahat.  Naunawaan din natin ang wastong paraan ng paglilingkod sa Kaniya.  Subalit bukod dito, mahalagang makilala rin natin ang napakabuti at malaking magagawa ng Diyos sa ating buhay at pamumuhay upang makatiyak tayong makatatapos tayo ng ating takbuhin hanggang sa marating ang minimithi nating kaligtasan.

Sino ang mapagsasandalan ng tao na may magagawa sa kapakanan ng buhay niya?

Jeremias 9:23-24 MB

Sinasabi ni Yahweh:  “Huwag ipaghambog ng pantas ang kanyang karunungan o ng malakas ang lakas na taglay niya ni ng mariwasa ang kanyang kayamanan.  Kung may ibig magmalaki ang ipagmalaki niya’y ang pagkakilala’t pagkaunawa sa akin, sapagkat ako, si Yahweh, ang gumagawa ng kabutihan, katarungan, at katwiran sa sanlibutan.  Ito ang mga bagay na ibig ko.  Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

 

Ang tanging makagagawa ng tunay na makabubuti sa atin ay ang ating Panginoong Diyos.  Siya lamang ang makapaglalapat ng katarungan at katuwiran.  Kaya kung mayroong dapat ipagmalaki ang tao ay walang iba kundi ang pagkaunawa at pagkakilala na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat na mapagsasandalan niya lalo na sa panahon ng pangangailangan.

 

Hindi ang karunungan o kalakasan ng tao o kaya’y kayamanan sa mundo ang dapat na pagtiwalaan.

 

Ano ang sinasabi ng Diyos sa lahat ng mga taong ang pinagtiwalaan ay ang karunungan o ang mga kayamanan dito sa daigdig?

Awit 49:1-3, 6-10, 13 NPV

Makinig kayo, kayong lahat ng mga tao; lahat ng nabubuhay sa daigdig, makinig kayo;   kayong mga dakila at aba, mayayaman at mga dukha.  Magsasalita ako na may karunungan; ang bibigkasin ng puso ko’y magdudulot ng kaunawaan.

silang nagtitiwala sa kanilang kayamanan at ipinaghahambog ang labis nilang yaman.  Walang sinumang makatutubos ng buhay ng kanyang kapwa o makapagbibigay ng suhol sa Dios para sa kanya –  mahal ang pantubos sa isang buhay, hindi sasapat ang anumang kabayaran –  para mabuhay siya’t ang kabulukan ay di makita kailanman.  Sapagkat nakikita ng lahat na ang mga marunong ay namamatay; at namamatay rin ang mga mangmang at walang muwang, at sa ibang tao naiiwan ang kanilang kayamanan.

Ito ang sasapitin ng taong sarili ang pinagtitiwalaan, at ng mga tagasunod nila na umaayon sa kanilang mga kasabihan.”

 

Ipinaunawa ng Diyos sa lahat ng uri ng tao na walang anumang bagay na pakinabang dito sa daigdig na makatutubos o makapagliligtas sa kanila sa kamatayan lalo na sa araw ng paghuhukom.  Ang Diyos din ang maysabi na ang marunong at mangmang, mga dukha at mayayaman, ay pare-parehong hahantong sa kamatayan at lahat ng nagtiwala sa mga kayamanan sa mundong ito ay hahantong lamang sa kapahamakan.  Kaya, bakit sa mga bagay na pakinabang sa daigdig na ito natin ilalagak ang ating puso at pagtitiwala?

 

Bakit tayo hinihimok ng Panginoong Diyos na sa Kaniya lubos na maglagak ng pag-asa at pagtitiwala?

Nahum 1:7 MB

Napakabuti ni Yahweh, Siya’y kanlungan sa panahon ng kagipitan; Tinatangkilik niya ang napaaampon sa kanya.”

Napakabuti ng Panginoong Diyos.  Napakalaki ng magagawa Niya sa panahon ng ating kagipitan at matinding pangangailangan.  Siya ang kanlungan ng mga napaampon sa Kaniya.  Ang tinutukoy ng Biblia na napaampon sa Diyos ay yaong mga lingkod Niya na may lubos na pagtitiwala sa Kaniya.  Sila ang patuloy na tatangkilikin at ipagmamalasakit ng Diyos kahit sa panahon ng kaguluhan.

 

Sa panahong ito ng kaguluhan sa ating paligid, sa gitna ng lumalalalang kahirapan ng pamumuhay at ng mga nagbabantang mga panganib at mga kalamidad, lalo nating papag-ibayuhin ang paglalagak ng matibay na pagtitiwala at pag-asa sa ating Panginoong Diyos.

 

Ano ang katangiang ikakikilala sa tunay na nagtitiwala sa Diyos?

Awit 125:1 NPV

Ang mga nagtitiwala sa PANGINOON ay tulad ng Bundok ng Sion, na di matitinag kundi mananatili magpakailanman.”

 

Ang pagtitiwala sa Panginoong Diyos ay hindi sinasalita lamang ng bibig.  Ang pagtitiwala sa Panginoong Diyos ay mapatutunayan sa pamamagitan ng pananatili sa pananampalataya at pagkakilala magpakailanman.  Ang gayon ay hindi matitinag sa kaniyang mga paglilingkod sa Diyos, anuman ang masagupang mga pagsubok sa buhay.

 

Ganito sana ang katangian natin.  Huwag tayong manlalamig, huwag tayong uurong, at higit sa lahat huwag tayong tatalikod sa ating Panginoong Diyos.

 

Sa kabilang dako, ano ang malaking kasamaang nagagawa ng mga tumatalikod o hindi nakapamalagi sa kanilang paglilingkod sa Diyos?

Ezra 8:22(b) MB

…lahat ng lumalapit sa Diyos ay pagpapalain ngunit kapopootan ang lahat ng magtatakwil sa kanya.”

 

Kung papaanong sinabi ng Diyos na Siya’y kanlungan ng mga nagtitiwala sa Kaniya, ang Diyos din ang nagsabi na kinapopootan Niya ang lahat ng magtatakuwil o tatalikod sa Kaniya.  Mabigat na kasalanan kung gayon ang pagtalikod sa Diyos.

 

Maaaring sabihin ng iba na hindi nila magagawang talikuran ang Diyos.  Ang katunayan daw ay laging nasa alaala nila ang Diyos at lagi raw silang tumatawag sa Kaniya.

 

Paano nagagawa ng ilan na talikuran ang ating Panginoong Diyos?

II Cronica 29:6-8 MB

Nagkasala ang ating mga magulang.  Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos.  Tinalikdan nila siya at ang kanyang Templo.    Ang mga pintuan sa portiko’y ipininid nila.  Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi nagsunog ng kamanyang.  Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dambana ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.    Iyan ang ikinagalit ni Yahweh sa Juda at Jerusalem.  At gaya ng inyong nasasaksihan, nakahihiya, nakapangingilabot at kahambal-hambal ang kanilang kinasapitan. “

 

Ang pagtalikod sa templo at pagtigil sa paghahandog at pagsamba sa Diyos ay katumbas ng pagtalikod sa Diyos.  Ito ang nangyari sa bayang Israel kaya nagalit ang Diyos sa kanila at katakut-takot na sumpa ang inabot nila.

 

Kailangang magbulay sa sarili ang isang lingkod ng Diyos kung hindi niya maranasan ang kabutihang magagawa ng Diyos sa kaniyang buhay.  Suriin natin, kung mayroon tayong napapabayaang mga utos ng Diyos.  O, baka namamalagi naman sa likong pamumuhay.  Tiyakin din natin na nakalulugod sa Diyos ang paghahandog – salig ba ito sa matuwid at wastong palatuntunan ng paghahandog na itinuturo ng biblia.

 

Sino ang mabuting halimbawa na dapat nating tularan na nanindigan sa paglilingkod sa Diyos sa kabila ng katakut-takot na tiisin na kanilang dinanas?

II Tesalonica 1:4-5 MB

Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya at pagtitiis, sa kabila ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.  Ito ang katunayan ng makatarungang hatol ng Diyos:  na kayo’y ariing karapatdapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis.”

 

Tularan natin ang mga kapatid sa lokal ng Tesalonica sa panahon ni Apostol Pablo.  Si Apostol Pablo mismo ang nagpatotoo na sa kabila ng mga sari-saring tiisin, matitinding pag-uusig at mga kahirapan, ang mga kapatid sa lokal ng Tesalonica ay hindi natinag sa kanilang pananampalataya at sa kanilang pagka-Iglesia.  Hindi sila tumalikod sa ating Panginoong Diyos.

 

Sawimpalad ba o malulugi ba ang sinumang Iglesia Ni Cristo na maninindigan sa paglilingkod sa Diyos kahit pa makasagupa ng iba’t ibang tiisin at kabagabagan sa buhay?  Sila ang mga tunay na mapalad sapagkat, ayon kay Apostol Pablo, sila ang aariing karapatdapat sa pagpasok sa maluwalhating kaharian pagdating ng araw ng paghuhukom.

Sa ano matatag ang tunay na nagtitiwala?

Hebreo 10:23 MB

Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin.”

 

Ang tunay na nagtitiwala sa Diyos ay matatag sa kaniyang pag-asa.  Ang matatag sa pag-asa, kailanman ay hindi mag-aalinlangan sapagkat alam niyang tapat ang Diyos sa Kaniyang pangako at Siya’y may kakayahang tuparin ito sapagkat makapangyarihan Siya sa lahat.  Alin ang tinutukoy ng mga apostol na matatag na pag-asa ng mga nagtitiwala sa Diyos?  Ito ang kaligtasan, ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan at pagpasok sa kaharian ng langit sa ikalawang pagparito ni Cristo.

 

Ang  pag-asa sa pagtatamo ng kaligtasan ay maaari bang angkinin ng kahit sinong tao o ng kahit anong relihiyon?  Sino ba ang tinutukoy ng mga apostol na tiyak na panatag ang puso sa pagtatamo ng mga pangako ng Diyos?

I Juan 3:19

Dito’y makikilala nating tayo’y sa katotohanan, at papapanatagin natin ang ating mga puso sa harapan niya.”

 

Yaon lamang nasa katotohanan ang tiniyak ng mga apostol na panatag sa pag-asa sa pagtatamo ng mga pangako ng Diyos.

 

Ang Iglesia Ni Cristo ba ay nasa katotohanan?

Efeso 5:32 MB

Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito – ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko.”

 

Hindi lamang nasa katotohanan kundi, ayon sa Biblia, ay isang dakilang katotohanan ang kaugnayan ni Cristo sa kaniyang Iglesia.  Ano ang kaugnayan ni Cristo sa Iglesia?  Si Cristo ang ulo, ang Iglesia ang Kaniyang katawan.  Si Cristo ang Tagapagligtas, ang Iglesia ang Kaniyang ililigtas.

 

Ano pa ang katotohanang tinanggap natin sa loob ng Iglesia Ni Cristo?

Juan 17:17

Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan.”

 

Hindi lamang ang pagiging tunay ng Iglesia ang ating sinasampalatayanan kundi ang mga dalisay na salita ng Diyos na tinanggap natin.  Kung paanong ang mga Israelita ay tumanggap ng tipan ng mga kautusan at ng wastong palatuntunan sa paglilingkod ay gayon din tayo sa loob ng tunay na Iglesia.  Nasa atin ang mga katotohanang ikababanal.

 

Ano ang matibay na saligan ng pag-asa sa pagtatamo ng kaligtasan ng mga nasa tunay na Iglesia?

II Pedro 1:19, 10-11

At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso:

Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo:  sapagka’t kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man: Sapagka’t sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo.”

 

May panatag na salita ng hula ang mga hinirang na maliligtas.  Ibig sabihin ay may hula mula sa Biblia na tumutukoy sa kahalalan ng mga maliligtas.  Ito ang pinanghawakan ng mga apostol at ng unang Iglesia Ni Cristo kaya natiyak nilang sila ang may kahalalan o mga hinirang.  Ito rin ang matibay na saligan sa pagpasok sa kahariang walang hanggan pagdating ng araw ng paghuhukom.

 

Ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw na ito na ating kinaaaniban ay binatbat ng mga panatag na salita ng hula mula sa Biblia na nagpapatunay sa ating kahalalan.  Ang pasugong ito ay hinulaan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga propeta, ng ating Panginoong Jesucristo, at maging ng mga apostol.  Hindi tayo kailanman nag-aalinlangan sa mga huling araw na ito.  Tayo ang bayang hinirang ng Diyos na dahil dito’y mayroon tayong matibay na pag-asa sa pagtatamo ng kaligtasan sa ikalawang pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.  Kaya mahalin natin at ingatan ang ating kahalalan.  Huwag natin itong ipagpapalit o ipaaagaw sa kaninuman at sa anuman.

 

Kailan lalong tatatag ang pananatili sa pag-asa ng mga hinirang?

Job 11:14-18 NPV

kung tatalikdan mo ang pagkakasalang nagagawa at di tutulutan ang kasamaan na maghari sa iyong tolda,  kung magkagayon, ang noo mo’y maitataas nang walang kahihiyan; matatag ang tayo mo at walang agam-agam.  Tiyak na malilimot mo ang kabalisahan, aalalahanin na lamang na parang tubig na nagdaan.  Ang buhay ay magiging maliwanag kaysa tanghaling tapat, at ang kadilima’y sa bukang-liwayway maitutulad.  Mapapanatag ka pagkat puno ng pag-asa; titingin ka sa paligid at ligtas na magpapahinga.”

Ang mga hinirang na matatag at mananatili sa pag-asa ay yaong mga tumalikod na sa kasalanan at kailanman ay hindi papayag na maghari sa kanila ang kasamaan.  Sila ang pinangakuan ng Diyos na magiging matatag kahit pa makasagupa ng mga kabalisahan at mga alalahanin sa buhay.  Ang mga lingkod ng Diyos na matuwid ang pamumuhay kailanman ay hindi magdidilim sapagkat sila’y itinulad sa bukang-liwayway at ang kanilang buhay ay magiging maliwanag kaysa katanghaliang tapat. Kaya buong tiyaga nating isulong at paunlarin ang buhay-espirituwal.

 

Ano ang magkaibang hantungan ng namumuhay sa kasamaan at ng tapat na sumusunod sa kautusan ng Diyos?

Awit 125:5, 4 MB

Ngunit ang masama, Sa kanilang hilig iyong parusahan, Parusahan sila, Dahil sa di wasto nilang pamumuhay.  [Tanggapin Israel, ang kapayapaan!]  Ang mga mabait Na tapat sumunod sa ‘yong kautusan, Sana’y pagpalain Mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.”

Pinasiyahan na ng Diyos na ang mga nabubuhay sa kasamaan ay Kaniyang parurusahan, hindi lamang sa buhay na ito kundi higit sa lahat, pagdating ng araw ng paghuhukom.  Sa kabilang dako, ang mga mabait sa Diyos sa paraang tapat na sumusunod sa Kaniyang kautusan, ay pinaglalaanan ng pagpapala.  Pagpapala sa buhay na darating.  Sa dalawang ito, ang piliin natin ay ang pagpapala ng Panginoong Diyos.

 

Ano ang marapat gawin ng mga lingkod ng Diyos kung sakaling sa kanilang patuloy na pagsunod ay makasagupa ng mga bagabag at pagsubok sa buhay?

Job 8:5-7 MB

Ang marapat mong gawin, ang Diyos ay hanapin, Sa kanya’y dumulog ka at ikaw ay dumaing.  Kung ikaw ay taong tapat, matuwid at malinis, Tutulungan ka ng Diyos, sambahayan mo’y ibabalik. Kung magkagayon, ang dati mong kayamanan Ay maliit na di hamak kaysa kanyang ibibigay.”

Sa halip na manghina o manlupaypay ay dapat na dumulog sa Diyos ang sinumang inaabot ng kapighatian.  Lalong hanapin ang Diyos at dumaing sa Kaniya kung tayo’y may kagipitan.  Ano ang matibay na pangako ng Diyos sa mga tapat at matuwid Niyang mga hinirang?  Tutulungan sila ng Diyos sampu ng kanilang buong sambahayan at ibibigay maging ang mga pagpapalang kailangan nila sa araw-araw.

 

Huwag nating kalilimutan na sa mga huling araw na ito ay tayo ang bayang hinirang ng Diyos.  Sa bisa ng ating kahalalan ay sadyang sa atin inilalaan ng Diyos ang lahat ng Kaniyang kabutihan at pagpapala.  Huwag natin itong sayangin.  Pakinabangan nawa natin itong lahat sa paraang mamalagi tayo sa isang malinis at matuwid na pamumuhay at buong katapatan nating paglingkuran ang Diyos habang tayo ay may buhay.

Leave a comment