Ang Masamang Damo Na Nakapasok Ng Lihim Sa Loob Ng Iglesia Ni Cristo

Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid.

Mateo 13:24-30

“Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid: Datapuwa’t samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis. Datapuwa’t nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo. At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya , Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo? At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga’y magsiparoon at ang mga yao’y pagtipunin? Datapuwa’t sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo, ay inyong mabunot pati trigo. Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.”

Ano ang kahulugan ng talinghagang ito ng ating Panginoong Jesucristo? Sino ang taong naghasik ng mabuting binhi sa bukid? Ano ang mabuting binhi at ano ang pansirang damo? Sino ang kaaway na naghasik nito? Sino ang magsisipag-ani at kailan ang panahon ng pag-aani? Ang ating Panginoong Jesucristo na rin ang nagpaliwanag nito.

Mateo 13:37-43

“At siya’y sumagot at nagsabi Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama; At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel. Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan. Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan, At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. Kung magkagayo’y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig.”

Ang Anak ng tao na naghasik ng mabuting binhi ay ang ating Panginoong Jesucristo. Ang mabuting binhi na itinanim Niya ay ang mga anak ng kaharian. Ibig sabihin, ito ang mga taong pinili ng Dios na ibinigay kay Cristo at dinala sa Kanyang Iglesia upang mangaligtas.

 

Ang pangsirang damo ay ang anak ng masama. Ang kaaway na nagtanim nito para makasama ng mga anak ng kaharian ay ang diablo. At ayon na rin kay Apostol Tadeo, ito ang mga nakapasok sa Iglesia ni Cristo na nakalaan sa kaparusahan.

Judas 1:3-4 MB

“Mga minamahal, ang gustung-gusto kong isulat sa inyo’y tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat. Ngunit napilitan akong ang isulat sa inyo’y isang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal. Sapagkat nakasalingit sa inyo ang ilang taong walang Diyos at ang kaloob ng Diyos ay ginagamit nila sa kamunduhan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Puno at Panginoon. Noon pang una’y sinabi na ng Kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.”

Tiniyak nga ni Apostol Tadeo na may mga nakapasok ng lihim sa loob ng Iglesia ni Cristo na hindi kasama sa mga pinili ng Dios sa ating Panginoong Jesucristo. Ito ang mga ipinasok ng lihim ni Satanas sa layuning agawin ang kaligtasan sa mga hinirang. Ang mga ito ay hindi makadadalo sa piging ng kasalan ng cordero at kasintahang babae nito.

 

Ayon sa talinghaga ng ating Panginoong JesuCristo, ang mga anak ng masama na ipinasok ng lihim ng diablo. Ang mga ito ay makakasama ng mga anak ng kaharian at mamamalaging kahalubilo nila hanggang sa panahon ng pag-aani o katapusan ng sanglibutan. Sa araw na ng paghuhukom, sila ay ibubukod ng mga anghel na siyang mang-aani. Ang mga anak ng kasamaan ay magsisigawa ng mga katitisuran at katampalasanan sa mga anak ng kaharian.

Leave a comment