Ang Ikalawang Tatak

Alamin naman natin, ano ang mga pangyayaring nakapaloob nang buksan ng Cordero ang ikalawang tatak? Balikan natin ang hula:

 

Apocalipsis 6:3-4

″At nang buksan niya ang ikalawang tatak, ay narinig ko sa ikalawang nilalang na buhay, na sinasabi, Halika. At may lumabas na ibang kabayo, na kabayong mapula: at ang nakasakay dito, ay pinagkaloobang mag-alis sa lupa ng kapayapaan, at upang mangagpatayan ang isa’t isa: at binigyan siya ng isang malaking tabak.”

 

Nang buksan ang ikalawang tatak, ang nakita ni Apostol Juan ay isang kabayong mapula. Ang nakasakay rito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan sa lupa; ang layunin nito ay magpatayan sa isa’t isa at pumatay. Ang ipampapatay nito ay isang malaking tabak. Alamin natin, alin ba iyong kapayapaan sa lupa na aalisin ng lalaking nakasakay sa kabayong mapula? Si Apostol Pablo ang nagpaliwanag nito:

 

Roma 5: 1

″Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;”

 

Ang kapayapaang tinutukoy, ay ang kapayapaan sa Diyos ng mga tao na tinamo nila sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. Aling kapayapaan sa Diyos ang binabanggit ni Apostol Pablo? Tunghayan natin ang kaniyang patuloy na paliwanag:

 

Roma 5:8-10

″Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya. Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay;”

 

Ang kapayapaang tinutukoy ay ang pagkawala ng galit ng Diyos sa mga taong dati-rati’y kaaway Niya. Subali’t dahil sa kamatayan at dugo ng ating Panginoong Jesucristo ay naipagkasundo sila sa ating Ama. At kung papaano nagawa ng ating Panginoong Jesucristo na maipagkasundo ang mga tao sa Diyos ay ipinaliwanag din ito ni Apostol Pablo:

 

Efeso 2:13-17

″Datapuwa’t ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo. Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay, Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan; At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya’y pinatay ang pagkakaalit. At siya’y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:”

 

Ang kasalanan na nagpapahiwalay sa Diyos at sa mga tao ay iginiba ni Cristo sa pamamagitan ng pagkakalalang Niya ng isang taong bago. Ang isang taong bago ay si Cristo bilang ulo at ang iglesia na katawan niya. Ginawa ito ng ating Panginoong Jesucristo bilang pagsunod sa batas at palatuntunan ng kasalanan. Humarap si Cristo sa batas ng kasalanan at tinubos ng kaniyang dugo ang kasalanan ng kaniyang iglesia. Sa ganito ginawa ni Jesus ang kapayapaan ng mga tao sa Diyos; ang mga taong nakipagkaisa sa kaniya at kinalugdan ng Ama. Natalakay na natin ito sa nakaraan.

 

Ang kapayapaan sa Diyos ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang aalisin ng taong nakasakay sa kabayong mapula pagkatapos ng panahon ng kabayong maputi. Kung papaano aalisin ang kapayapaan ay ibinabala ni Apostol Pablo noong siya ay nabubuhay pa.

 

Gawa 20: 28-30 Lamsa (iniliwat sa Filipino)

″Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo. Sapagka’t nalalaman ko ito, na pag-alis ko ay lulusubin kayo ng mababangis na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan. Gayon din naman mula sa inyong mga kasamahan, babangon ang mga taong magsasalita ng kasamaan upang ihiwalay ang mga alagad at pasundin sa kanilang hulihan.”

 

Ang kausap dito ni Apostol Pablo ay mga obispo sa loob ng Iglesia ni Cristo. Ano ang ipinagpauna ni Apostol Pablo na mangyayari sa Iglesia pag-alis niya? 1.) Lulusubin sila ng mababangis na lobo na hindi mangagpapatawad sa kawan. 2.) Lilitaw ang magsasalita ng kasamaan mula rin sa kanilang kasamahan upang ihiwalay sa tunay na pananampalataya ang mga alagad. Pasusunurin sila sa kanilang hulihan o sa maling aral. Sa ganitong kaparaanan ay maaalis din ang kaligtasang ipinagkaloob ni Cristo. Ito ay magaganap pagkaalis ni Apostol Pablo. Alin bang pag-alis  ang tinutukoy niya?

 

Gawa 20:25, 37-38

″At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.”

“At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya’y hinagkan nila. Na ikinahahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.”

 

Ito ang pag-alis na hindi na siya muling makikita. Kung gayon pagkamatay ng mga apostol ay: 1.) Lulusubin sila ng mababangis na lobo na hindi mangagpapatawad sa kawan. 2.) Lilitaw mula sa kanilang kasamahan ang magsasalita ng kasamaan upang sila ay mapasunod sa kanilang hulihan, kaya maitatalikod sila sa tunay na pananampalataya. Ang dalawang pangyayaring ibinabala ay malawakang magaganap sa unang Iglesia pagkamatay ng mga apostol. Tandaan natin na ayon sa aklat ng Apocalipsis, ang nakasakay sa kabayong mapula ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan at binigyan din ito ng malaking tabak upang ang mga tao ay mangagpatayan sa isa’t isa. Kaya hindi na dapat ipagtaka kung lubusang malipol ang mga tunay at tapat na kaanib ng Iglesia pagkamatay ng mga apostol.

 

Sino kaya ang katuparan ng ibinabalang mababangis na lobo na lumusob sa Iglesia at hindi nangagpatawad sa kawan?

 

Ezekiel 22:27 NPV

Ang mga pinuno nila’y parang mga lobo na niluluray ang kanilang huli; nagbububo sila ng dugo at pumapatay ng mga tao para magtamo ng pakinabang na di makatarungan.”

 

Ang tinutukoy na pinuno ay lider, sa ibang salin ay mababasa bilang government officers, rulers, at prinsipe. Ang pasimula ng matinding pag-uusig sa unang Iglesia ay nakatala sa Gawa 8:1, 3. Alalahanin natin na ayon sa ibinabala ay hindi patatawarin ang kawan. Ano pa ang malaking panganib sa pananampalataya nang mawala ang mga apostol na pangunahing nagbuwis ng buhay sa naganap na pag-uusig? Tiniyak ni Apostol Pedro na may lilitaw na mga bulaang tagapagturo mula sa kanila upang magpasok ng hidwang aral na kanilang ikaliligaw.

 

II Pedro 2:1-3 NPV

Noong una, lumitaw sa Israel ang mga bulaang propeta. Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya’t biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Gayunman, marami rin silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan. Dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo ng matatamis na pangungusap upang makuha ang inyong kayamanan. Matagal nang handa ang hatol sa kanila, at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

 

Katulad na katulad ito ng ibinabala ni Apostol Pablo tungkol sa paglitaw ng bulaang propeta na magtuturo ng hidwang pananampalataya. Samakatuwid, pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay mawawalan ng tapat o tunay na kaanib ang Iglesia. Kung hindi man mamamatay sa matinding pag-uusig na bumangon laban sa Iglesia ay maitatalikod naman sa tunay na pananampalataya at mapasusunod sa mga hidwang aral.

 

Sa lalong ikaliliwanag ng ating pagsusuri ay dapat nating alamin ang mga tunay na pangyayari ayon sa patotoo ng kasaysayan. Kailangan nating isaalang-alang ang yugto ng panahon alinsunod sa mga historiador upang malinaw nating makita ang mga pangyayari. Narito ang mga yugto ng panahon ayon sa ibinibigay na pagkakasunod-sunod.

 

Ang Apostolic Era ay mula 30 AD hanggang 100 AD.

Panahon ng Persecuted at Apostate Church mula 100 AD hanggang 313 AD.

Nota: Sa panahon ng matinding pag-uusig mula sa Imperyong Romano, lumitaw ang Medieval Church mula sa tumalikod na Iglesia na kalaunan ay naging isang Ecumenical Church nang ito ay gawing opisyal na relihiyon ng Imperyo.

Ang Medieval Church sa panahon ng Dark Ages mula 313 AD hanggang 476 AD.

Panahon ng inquisition ay nagsimula noong 476 AD.

 

Ano ang matibay na katunayang maraming kaanib ng unang Iglesia ang nangamatay sa pag-uusig ng Imperyo ng Roma? Matutunghayan ito sa aklat na “How The Great Religions Began” na sinulat ni  Joseph Gaer, sa pahina 214.

 

“Even the early Christians, before Constantine, who were tortured and killed and fed to the lions in Rome, and who are known to us as martyrs, were not treated more cruelly than the non-Christians during the Inquisition.”

 

Ang paglitaw at paglakas naman ng tumalikod na relihiyon ay mababakas sa kanilang tala ukol sa mga konsilyo ng Iglesia Katolika matapos mawalan ng tunay na kaanib ang unang Iglesia.

 

Nota: Ayon na rin sa mga awtoridad Katoliko, hindi ginamit ng mga apostol ang katawagang konsilyo o synod sa kanilang pagpupulong na ginanap sa Jerusalem (circa 50 AD). Bagaman hindi ito mababasa sa Biblia (Gawa 15:4-6) ay pilit iniugnay ng mga Katoliko ang kanilang mga itinatag na lokal na konsilyo sa iba’t ibang dako at taon.

 

(Source:  “Catholic Encyclopedia”, “Church History” by John C. Dwyer, “Cyprian: His Life, His Times, His Work” by Edward Benson, “His Broken Body: Understanding and Healing the Schism Between the Roman Catholic and Eastern Orthodox Churches”, “Encyclopedia of Theology” by Karl Rahner at “A History of the Councils of the Church: from the original documents” by Karl Joseph Von Hefele.)

 

Kapunapuna ang pagitan sa panahong binabanggit ng talaan. Mula sa unang konsilyo (?) sa Jerusalem (50 AD) ay lumipas pa ang mahigit na 105 taon bago ito nasundan ng tinawag nila na pre-ecumenical council. (Ito ang lokal na pagpupulong ng ilang obispo sa magkaratig na dako upang magkaisa sa isyung may kinalaman sa itinataguyod o tinatangkilik na mga aral.)

 

Pinatutunayan ng kasaysayan na ang mga Cristiano ay inusig ng mga emperador Romano (Domitian, Trajan, at Marcus Aurelius) noong ika-2, ika-3, at ika-4 na siglo. Ayon na rin sa mga tagapagturong Katoliko, ang unang Iglesia na lumaganap sa iba’t ibang dako ay nalipol bunga nito, matangi sa Roma. (Comm. On the official Cathecism of the Phils. P. 133) At mapatutunayan sa tala naman ng kasaysayan na may mga maling doktrina na itinuro sa Iglesia noong ika-2, ika-3, at ika-4 na siglo.

 

Ayon mismo sa mga apostol, sa pagtatapos pa lang ng unang siglo ay nagsisimula na ang binhi ng maling aral sa Iglesia mula mismo sa kanilang kasamahan. Huwag nating kalilimutan na ang pagtalikod ay nagaganap tuwing may nilalabag na aral ng Diyos. Sa aklat na “The World’s Great Events Vol. 2“, pahina 163, ay pinatutunayan na dumaloy ang mga aral na naging batis ng lason sa mga nalabing kaanib. Ang lason ay nakamamatay. Nakapasok ang mga aral na lason. Namatay o nawala ang pagiging tunay at tapat na Iglesia ni Cristo ng mga nalabing kaanib. Kaya nagbunga ito ng pagkatalikod. Ang organisasyon na pinasimulan ni Cristo ay nagpatuloy ngunit nawala na sa uring tunay o dalisay.

 

Matapos ang panahong ito ay lumitaw na ang maling relihiyon. Ipinagpatuloy nito ang organisasyon. Anong relihiyon naman ang naging bunga ng nagpatuloy na organisasyon? Ang Iglesia Katolika. Si Ignacio ng Antiokya ang unang gumamit ng terminong Katolika noong 110 AD, na ang kahulugan ay universal. Mula noon ay naging popular ang paggamit ng termino, ngunit pinatutunayan sa mga tala ng kasaysayan na naging malawakan lamang ang paggamit ng pangalang ito sa pagsisimula ng ika-3 siglo.

 

Unti-unti ring dumami ang mga maling aral na itinataguyod ng tumalikod na organisasyon;  pangunahin dito ay kung ano ang tamang pagkilala sa kalikasan ni Cristo. Pagpasok ng ika-2 siglo ay nagsimula ang walang katapusang pagtatalo. Si Tertuliano (155 AD – 240 AD), isa sa kinikilalang early church father ay nagpasimula ng konsepto ukol sa Trinidad. Si Emperor Constantino ang tumapos sa kontrobersiya sa pamamagitan ng itinatag niya na Konsilyo sa Nicea noong 325 AD. (First Ecumenical Council)

 

Dinala sa Iglesia ng mga umanib na pagano at Romano ang kanilang pamahiin at kaugaliang pagano tulad ng mga relikya, rosaryo, larawan, at medalyon. Lumaganap at naging aral din ang pagbabasbas sa pamamagitan ng krus.

 

Si Constantino (272 AD – 337 AD) ang unang Emperador na naging Cristiano at sa panahon niya ginawang opisyal na relihiyon ng Estado (Roman Empire) ang Cristianismo. Ang Iglesia ay naging isang organisasyong pampulitika sa diwa at sistema ng Imperyo ng Roma kaya ito  pinasimulan na tawaging Imperial Church of Rome o Catholic Christians. Lumitaw din sa ika-4 na siglo ang katungkulang Papa na naging puno ng Iglesia Katolika. Dahil sa pakikiapid ng Iglesia Katolika sa Imperyo, ang Papa ay nagkaroon ng kapangyarihang civil at spiritual. Kung ang unang Iglesia (1st century) ay dumanas ng matinding pag-uusig, ang natalikod na Iglesia naman ay naging mang-uusig dahil sa hangad na gawin itong ‘Universal’ (sa lahat ng nasasakop ng Imperyo). Sa sumunod na mga panahon ay itinatag pa ng Iglesia Katolika ang Inquisition upang usigin ang lahat ng tumututol o tumatanggi sa mga aral niya.

 

Malinaw na ngayon na ang mensahe ng mapulang kabayo ay ang pagkamatay ng mga tunay na kaanib at ang pagtalikod na nangyari sa unang Iglesia ni Cristo na naging dahilan upang mawala ang kapayapaan sa Diyos.

 

 

 

Leave a comment