Paano pananatilihing sariwa sa puso at kaisipan ang mga utos ng Diyos?

Napakabait ng ating Panginoong Diyos sa mga hinirang Niya.  Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong makapag-bagong buhay. Ang mga dalisay na aral ay hindi natin dapat ipagwalang bahala. Ito ay dapat nating binubulay-bulay araw araw dahil ito ay pagkain ng ating kaluluwa.  Kung papaano na kailangan nating pakainin ang ating katawang laman, lalong higit na dapat nating pakainin ang ating kaluluwa.  Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga utos ng Diyos.

Josue 1:8 NPV

“Huwag mong kaliligtaang basahin ang Aklat ng Kautusan.  Bulay-bulayin mo ito araw at gabi upang masunod mong mabuti ang nasusulat dito.  Kung magkagayon, mananagana ka at magtatagumpay.”

Ito ang dahilan kung bakit di natin dapat pagsawaan ang pagbabasa at pagbabalik-aral. Sa gayong paraan ay makapananatili tayo sa pagsunod at matatamo naman natin ang pakikisama ng Diyos.  Kahit na lagi nating naririnig sa mga pagsamba ang pagbasa sa mga talata, bulayin pa rin natin ito araw araw.  Ang diablo ay laging nakaabang upang ipalimot sa atin ang mga tinanggap na aral at tayo’y iligaw. Kaya lagi nating sariwain sa ating isipan ang mga aral at utos ng ating Panginoong Diyos upang maging tanglaw at gabay natin sa ating pamumuhay.